filipino,

Literary: Gabi ng Lagim

10/14/2019 08:45:00 PM Media Center 0 Comments





Pagmulat ng aking mga mata,
Lungkot ay napalitan ng saya.

Sa bawat pagsikat ng araw,
Mga sinag nito'y aking natatanaw.
Nanunumbalik ang sigla
'Pagkat bagong umaga'y parating na.

Umagang tanging bigay ay ligaya.
Ligayang sana'y wag nang mawala pa.

Kasiyaha’y ramdam kasama ang mga kaibigan,
Pawis ay tumutulo dulot ng takbuhan.
Hindi na iniinda ang sakit ng katawan
'Pagkat sa gabi'y may mangyayaring kababalaghan.

Pinagpapawisan at kinakabahan,
Pagpatak ng luha sa kobre-kama’y walang humpay.

Nagsusumamong pakawalan
Ngunit walang nakaririnig na sino man.
Kahit napaos na dahil sa paulit-ulit na pagsabihan,
Ako'y hindi tumitigil na lumaban.

Pagkagat ng dilim ay muling naalala
Mga pananamantala ng tagapag-alaga;
Sa murang edad ko’y bulaklak ay nawala
Nang walang tigil dahil sa pagnanasa.

Ayoko nang matapos ang pagsikat ng araw
Dahil ito ang oras na sa aki’y walang gagalaw.
Paningin sa sarili'y kalapating ibinubugaw
'Pagkat sarili kong bantay ang dahilan ng takot kong nag-uumapaw.

You Might Also Like

0 comments: