akrilik,

Literary: Guniguni

10/21/2019 08:45:00 PM Media Center 0 Comments





‘Pag ika’y nakatalikod,
sila’y sumusunod.
‘Pag ika’y lumingon,
sila’y nasa bubong.

'Pag ika’y nakapikit,
sila’y nagmamasid.
'Pag ika’y tulog,
sila’y nanonood.

Ako’y may narinig,
ako’y may nadama,
ano ang aking nakita?
Nakaitim na matanda.

Mga guniguni,
sa madilim na gabi.
Hanging dumadampi,
sa aking mga pisngi.

Repleksyon sa salamin,
tila sa iba nakatingin.
Sa bukas na bintana,
may nakadungaw na mukha.

Naghuhulugang mga baso,
sa aparador na nakakandado.
Pagkurap ng mga mata,
isang libong galaw ang 'di nakita.

Nawawalang mga gamit,
sila ang kumukupit.
Unti-unting lumalapit,
tuwing ika’y pumipikit.

Pintuang sumasara,
wala namang hanging bumabangga.
Ngunit anong magagawa?
Maraming silang gumagala.

Sa madilim na tabi,
mukhang may taong nakangiti.
Ano ang mga ito?
Guniguni o totoo?
Ano ang gagawin ko?
Magtatalukbong sa aking kuwarto.

Ngunit ano ang nakikita?
Aninong nakalutang sa kama.
Nakabibinging mga salita,
bumubulong sa aking mga tainga.

Kalabit tuwing gabi,
Ngunit wala namang katabi.
Mga ilaw na pundido,
sinasadya ng demonyo.
Makita lamang nang malapitan,
ang takot sa mukha mo.

Mga bagay na lumulutang,
paglingon sila’y maghuhulugan.
'Di ko sila makita,
ano ba talaga ang kanilang sadya?

Mga isipan sa utak ko,
gusto yatang maglaro.
Ako lang ba ito?
O ikaw rin ba ginugulo
ng mga nilalang na nasa paligid mo?

Paminsa’y nawawala sa isipan,
ang bigat ng aking katawan.
Ano itong pakiramdam?
Isang malakas na kapangyarihan.

Rosaryo sa kamay,
ngunit mayroon pa ring kumakaway.
Walang tigil sa pagpapapansin,
hindi na alam ang gagawin.

Litong-lito sa pangyayari.
Sila ba’y gumaganti?
Araw-araw sila’y nariyan,
ano ang dapat na panlaban?

'Wag mong balewalain.
Gusto ka nilang makuha,
ngunit 'di nila magawa.
Dahil libo-libong mga anino,
ang lumuluha makuha lamang ang katawan,
na iyong ginagalawan.

You Might Also Like

0 comments: