filipino,
Literary (Submission): Huling Pagkikita
Puso'y tila tumigil
Katawan ay nagpigil
Na ika'y hagkan
At sabihing ika’y mahal pa rin
Ako ba talaga’y kinalimutan na
At ipinagpalit sa iba?
Maraming tanong sa ’king isipan
Tunay ba ang ating pagmamahalan?
O ako'y iyong pinaglaruan lamang?
Na sa huli’y iyong pinalitan at pinagsawaan?
Ano ba’ng mayroon siya
Kaya ako’y nagawa mong iwan at pagtaksilan?
Dahil ba siya'y may magandang katawan,
Makinis na kutis, at maputing balat?
Ipinaramdam na dahil lamang sa ’king hitsura,
Karapat-dapat nang maalila.
Matapos ng pitong taon nating pagsasama,
Susunugin lang pala natin ang mga alaala?
Para saan lang din ang mga oras na inilaan?
Kung sa huli'y iiwan
Lamang akong luhaan
Sa ‘yong mga liham
Mga pangarap at pangakong
Hanggang salita lamang pala
Mundo'y tila bumagsak at gumuho
Puso'y nawawasak at dumurugo
Kapag naalala ang dati nating pagsasama
Ako na lamang ay napaluluha
Wala naman akong ginawa
Ngunit parang ako pa ang may kasalanan
Iniwan at naghanap ng iba?
Dahil ba ako'y lilipat sa malayong eskwelahan?
O dahil ayaw mo na?
Hindi mo na nais na tayo pa
Aking napagtanto
Ika'y di pala talaga para sa ‘kin
Dahil kung ikaw at ako
Ay talagang itinadhana
Gugustuhin mo rin
Na hanggang ngayon ay tayo pa rin
Maaari ring tadhana nating maghiwalay
Ngunit kung ako'y talagang mahal na tunay
Kahit gaano man kahirap
Pati tadhana ay susuwayin
Para lamang ikaw at ako'y
Hanggang sa dulo ng hangganan
Ngayo'y nilulunod ang sarili
Sa pag-aaral at paglalaro
Umaasa na ‘yong mapansin
Na ang babae na dating inalay
Lamang sayo ang puso't mundo
Ngayo'y nakatatayo na sa sariling paa
At unti-unti nang nakalilimot
Kaya't sa tulang ito,
Aking nais sabihin na
Noon, sobra ang aking panghihinayang
Ngunit ngayon,
Sa dami ng aking naabot at nakamit
Sana ‘yong maisip at mapagtanto
"Bakit ang dami niyang nagawa?
Matapos ko siyang saktan at iwan?"
0 comments: