Showing posts with label wolf. Show all posts

Literary (Submission): Tula #14




Ang pag-ibig nati'y parang isang tula
Minsan ay may pagtutugma
Minsan nama’y wala

Ang pag-ibig nati'y parang isang kanta
Himig na puwede nating sabayan kahit tensyonado
Kaso nga lang ako ay sintunado

Ang pag-ibig nati'y parang isang mito
Puno ng mga diwata at mga bathala
Na gabi-gabi nating dinadasalan na sana tayo ang nakatadhana

Ang pag-ibig nati'y parang isang sonata
Ang bilang ay eksakto, bawat salita ay pili
‘Di tayo malaya, ‘di puwedeng magkamali

Ang pag-ibig nati'y parang isang dula
Nakatutok sa 'tin ang ilaw at sa atin ang buong entablado
Ngunit takot na ang pagmamahala'y matunghayan ng maraming tao

Ang pag-ibig nati'y parang pagsayaw ng balse
Umiindak sa magagandang mga kanta
Ngunit ang magkapares ni kailanma’y hindi naging tayong dal’wa

Ngunit higit sa lahat, pag-ibig nati'y parang isang nobela
'Di papayag na magtapos ang ating kuwento sa isang pahimakas
Umaasa na ang mga susunod na pahina'y
tungkol sa kung paanong dito sa mapait na realidad
hawak-kamay tayong tatakas

Literary (Submission): Naipit ako sa Gitna





Sa totoo lang litong-lito na ako
Di ba ako ang nararapat sa’yo?
Sana hindi na ako lumaban pa
Di na sana ako naiipit sa gitna

Sa gitna ng “ayoko na” at “gusto ko pa”
Sa gitna ng “hanggang dito na lang” at “kakayanin pa”
Sa gitna ng “bahala ka” at “para sa’yo"
Sa gitna ng "bitaw na" at "kapit pa"

Sa gitna ng "suko na ako" at "ipaglalaban kita"
Sa gitna ng "hindi na lang" at "susugal pa"
Sa gitna ng "paalam" at "hatid na kita"
Sa gitna ng "tama na" at "aasa pa"

Sa gitna ng "ang sakit na" at "mahal kasi kita"
Sa gitna ng "pagod na ako" at "kaya ko pa"
Sa gitna ng "ubos na ubos na" at "meron pa"
Sa gitna ng "ako naman" at "ikaw muna"

Sana nalaman ko na ito pala ang kahahantungan
Siguro’y di na sana ika’y nagustuhan
Sana nalaman ko agad na hindi mo ako mahal
Para hindi na ako naiipit sa gitna

Literary (Submission): Tumbang Preso





Ang tumbang preso ay parang pag-ibig
Ito ay isang paligsahan para sa mga matatapang at handang sumugal
Ang manlalaro ay dapat handang mahirapan at masaktan
Ngayon ang tanong sa sarili ay "Handa na ba uli akong maglaro ng tumbang preso?"

Handa na ba akong masaktan
Handa na ba akong ika'y protektahan
Handa na ba akong saluhin ang mga lumilipad na tsinelas para 'di ka matumba
At kung sakali mang ika'y matumba, handa na ba akong tulungan ka at muling itayo?

Handa na nga ba ako, o baka naman ako’y naglalaro na nang hindi ko namamalayan

Hindi ko alam kung bakit ako’y nasasaktan tuwing ika'y malungkot
Hindi ko alam kung bakit pinoprotektahn kita mula sa masasamang sinasabi nila
Hindi ko alam kung bakit lahat ng problema at sakit na dapat sa 'yo ay sinasalo ko
Hindi ko alam kung bakit tuwing ika'y natutumba itinatayo kita at binibigyan ng lakas ng loob

Hindi ko alam kung bakit ako sumusugal nang ganito
Hindi ko alam kung bakit handa akong masaktan para lang sa 'yo
Hindi ko alam kung bakit gusto kong lagi kang ligtas at magkasama tayo
Hindi ko alam kung bakit nilalaro ko na naman ang larong ilang beses na akong natalo

Pero alam ko at ipinapangako ko
Hindi ko hahayaang matapos itong laro nang hindi ako nananalo.