filipino,

Literary (Submission): Tula #14

5/26/2018 09:19:00 PM Media Center 0 Comments




Ang pag-ibig nati'y parang isang tula
Minsan ay may pagtutugma
Minsan nama’y wala

Ang pag-ibig nati'y parang isang kanta
Himig na puwede nating sabayan kahit tensyonado
Kaso nga lang ako ay sintunado

Ang pag-ibig nati'y parang isang mito
Puno ng mga diwata at mga bathala
Na gabi-gabi nating dinadasalan na sana tayo ang nakatadhana

Ang pag-ibig nati'y parang isang sonata
Ang bilang ay eksakto, bawat salita ay pili
‘Di tayo malaya, ‘di puwedeng magkamali

Ang pag-ibig nati'y parang isang dula
Nakatutok sa 'tin ang ilaw at sa atin ang buong entablado
Ngunit takot na ang pagmamahala'y matunghayan ng maraming tao

Ang pag-ibig nati'y parang pagsayaw ng balse
Umiindak sa magagandang mga kanta
Ngunit ang magkapares ni kailanma’y hindi naging tayong dal’wa

Ngunit higit sa lahat, pag-ibig nati'y parang isang nobela
'Di papayag na magtapos ang ating kuwento sa isang pahimakas
Umaasa na ang mga susunod na pahina'y
tungkol sa kung paanong dito sa mapait na realidad
hawak-kamay tayong tatakas

You Might Also Like

0 comments: