filipino,

Literary: Ang Natagpuan Ko sa Museo

5/26/2018 08:26:00 PM Media Center 0 Comments




Dalhin mo ako sa museo
Na puno ng mga estatwa’t litrato.
Kahit saan man ako tumingin,
Ang kuwarto’y puno ng mga sining.

Nais kong sana muling makapagpinta,
Pero sabi mo, ‘di ito magdadala ng pagkain sa mesa.
Kaya naman, nagsimula tayo ng sariling negosyo
At tuluyan ko nang tinalikuran ang aking talento.

Ngunit sana minsan, dalhin mo ako sa museo
Nang makita kong muli ang nilimot kong mundo.
Kung saan ka man mananatili,
Nandito lamang ako sa ’yong tabi.

Dinala mo na ako sa museo
Isang gabi kung kailan maraming tao.
Nang pinagmasdan ko ang unang litrato,
Bigla kang naglaho sa paningin ko.

Dinala mo na nga ako sa museo
Ngunit mukha mo naman ang hanap ko.
Di na napansin ang iba’t ibang mga obra
Dahil natagpuan kitang may tinitingnang iba.

Nang gabing iyon ako’y nagpinta
Sa isang blangkong puting papel ng pula.
Ang dating malinis at bago pa,
Ngayon ay nabahiran na.

Pula’y puno ng galit at katanungan
Dahil ang museong dati kong gustong puntahan
Ay naging isang mapait na alaala’t tagpuan
Para sa pagsibol ng isang samahang ‘di ko inaasahan.

Pula’y puno naman ng pagmamahal
Subalit tigib din sa kirot at pagdaramdam.
Sa gitna ng hapis, naging kanlungan ang dating pangarap
Na sa museo’y masisilayan, aking obrang pinaghirapan.

Dinala mo na rin siya sa museo
Na puno ng mga estatwa’t litrato.
Ang kanyang mga mata’t matatamis na ngiti
Ang paborito mong sining sa bawat sandali.

At minahal ko na muli
Ang isang pag-ibig na noo’y isinantabi
Ang sining na dati kong tinalikuran
Ngayon ay aking muling natagpuan.

You Might Also Like

0 comments: