filipino,
Literary (Submission): Sampung Bagay na natutunan ko Bilang Payat sa Barkada
Una.
Nagsasawa na ako sa katagang: “Isang ubo ka na lang”. Ito na ang pang limanlibo, tatlong daan at apatnapu’t anim na ubo ko mula noong unang beses na sinabi sa akin ito ngunit andito pa rin ako, humihinga.
Ikalawa.
Ang sabi nila, na kapag humangin daw, kailangan kong humawak sa isang matibay na bagay. Ngunit isang beses, humangin nang malakas, at dahil sa matinding tapang, sinubukan kong bumitaw pansamantala. Natutunan kong kaya ko palang umihip nang mas malakas pa sa lakas ng hangin.
Ikatlo.
Tinatawag nila akong kalansay. Na parang nakalimutan na nila na itong mga kalansay na ito ang tu-matakot at nagpapaiyak sa kanila dati bago sila matulog kapag gabi.
Ikaapat.
“Kumakain ka pa ba?” Nagulat silang lahat nang doble sa kinain nila ang kinain ko.
Ikalima.
Tinitingnan nila ako nang may awa. Na parang sobrang hina ko. Pero sa aming lahat, ako lang ang atleta, at alam kong iiyakan nila ang aming ensayo.
Ikaanim.
Hindi ako stick. Tao rin ako.
Ikapito.
Alam ko na pwede nang ipang takal ng tubig ang collar bones ko at pwede nang gitarahin ang aking ribcage. Pero di ko alam kung bakit kailangan pang sabihin sa akin ito.
Ikawalo.
Hindi ba’t may buto rin naman kayo? May mata, may ilong, may tainga, may balat? Siguro ang pagka-kaiba lang naman natin ay ang pagkakaroon ng puso.
Ikasiyam.
Nagsawa na akong mahiya. Nagsawa na akong diktahan ng lipunan kung ano ang maganda at pan-get. Natutunan kong isabak itong aking mga buto, sila ang aking espada. Kapangyarihan ko ang lipa-ranin sa hangin. Pagkat bagama‘t ako, ay buto’t balat, hindi ako saranggola, pagkat walang nagtatali sa akin. Natutunan ko na kahit ganito ako kapayat, hindi ito naging kawalan.
Ikasampu
Kung alam niyo lang.
0 comments: