filipino,

Literary: Lunch Time

5/26/2018 08:47:00 PM Media Center 0 Comments





Magkasama sa stone benches ang magkaklaseng sina Rodel at Karen at pagkatapos ng nakabubusog na tanghalian ay nakasandal na lamang ang dalawa sa mesa. Habang nagpapahinga’y pinatugtog ni Karen ang kaniyang paboritong OPM playlist at pinagmasdan ang mga pangyayari sa quad.

*Tumugtog ang kantang “Sila” ng SUD*

Rodel, kailan mo ba ako sasagutin?

HA?!

Hindi mo pa sinasagot ‘yung tanong ko kanina… Ang sabi ko, ano’ng special sa iyo na hindi makikita sa iba? Huwag kang mag-alala, para lang ito sa poll ng MC.


Ah...


Ano nga ba ang sagot sa tanong, Rodel. Bakit ka ba mahalaga, ha?

*Pinalitan ang kanta*

Hay… Ang KJ naman nito! Ako nga, walang special skills, eh. Kahit katiting na talento, wala. Tingnan mo ‘tong si Hazel.

Saan?

‘Ayun, o! Tingin ka sa kanan mo... bandang kanan pa… ‘Yan! Buti pa siya, napakagaling magdrowing. Nakikita mo ba kung paano niyayakap nu’ng kaliwang kamay niya ‘yung lapis na ginagamit niya ngayon? Mahinahon, pero sakto pa rin ang pagkakadiin ng lead sa papel; napakaganda pa rin ng pagkakaguhit ng mga linya ‘tsaka hugis!

Wow! Tapos may shadow-shadow pa. Ang husay!

At isa pa ‘tong si Eric. ‘Ayun siya o, ‘yung nasa sulok ng balcony. Buti pa siya, sobrang galing pagdating sa pagkuha ng picture. Naturuan na niya ako dati ng mga elements at principles sa photography, pero ang naintindihan ko lang, e, ‘yung rule of thirds. Wala na nga akong talento, ang bagal ko pang pumick-up. Tingnan mo siya… Nakikita mo ba kung paano ngumingiwi ‘yung mukha niya habang nakasilip sa kamera? Ang cute!

Buti pa siya.

Oo nga. Pero alam mo ba kung sino ang totoong special sa ‘ting magkakaklase? Si Mary Grace. Ang dami niyang talento—tunog-maya ang pagkanta niya at ang galing sumayaw. Minsan, matikas ang galaw niya, parang daloy ng kalmadong dagat. Pero kadalasan, mabilis at matulis ang mga galaw niya… Ang astig! Sa sobrang galing niya, puwede na siyang maging K-Pop idol!

*Tumugtog ang kantang “Ang Huling El Bimbo” ng Eraserheads*

‘Uy, sakto! Bagay na bagay ang kantang ‘to kay ¬¬Mary Grace. My favorite! Tara, sabayan mo naman ako sa pagkanta. Ngunit ang paaaaborito, ay ang pagsayaw mo ng El Bimbo! Nakakaindak… Nakakaaliw… Nakakatindig… balahibo, oooh!

Karen, alam mo ba kung ano’ng nakakatindig-balahibo?

Ano?

‘Yang mga mata mo.

Ha?

Gustong-gusto ko ang paraan kung paano nakakakita ang mga mata mong ‘yan. Napakalalim. Buong lunch time, inaya mo akong mag-aral para sa test sa Philo pero ang napag-aralan mo lang e ‘yung mga kaklase natin. Oo, nakikita mo ang lahat ng puwedeng makita sa mga tao…
Pero nakita mo na ba ang mga mata mong ‘yan?

Uhm… hindi pa, e.

At alam mo ba kung ano ang special sa ‘kin, ‘yung sagot sa tanong mo kanina? Ikaw. ‘Yung buong pagkatao mo. Hindi ka magaling magdrowing; hindi ka magaling kumuha ng picture; at hindi ka rin nabiyayaan ng katiting na galing sa pagsayaw; pero napakakulay naman ng pagtingin mo sa iba.
At Karen, iyon ang pinakamagandang uri ng sining na natanaw ng aking mga mata.

*Nabigla sa sinabi at titig ng katabi.* Tara na nga. Male-late na tayo sa next class.

You Might Also Like

0 comments: