geraldine tingco,

Sports: UPIS Taekwondo Team, sumipa ng mga medalya

5/18/2018 08:20:00 PM Media Center 0 Comments


KAMPEON. Taas-kamay na tinanggap ni Rico Tercio, Jr. ang kaniyang gintong medalya sa kategoryang Kyorugi.
Photo credit: Roni Natalia Brianna Kessel


Nakapag-uwi ng pitong medalya ang mga manlalaro ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) mula sa Quezon City New Face of the Year Taekwondo Championship na ginanap sa Expo Hall, Fisher Mall noong Abril 21.

Naging top scorer ng koponan ang magkapatid na Tercio na sina Rico mula sa 1-Loro (red belter) at Alex mula sa 6-Amethyst (brown belter) na nag-uwi ng kabuuang tatlong medalya. Isang gold ang ambag ni Rico na mula sa Kyorugi habang dalawang silver naman ang kay Alex mula sa Kyorugi at Poomsae.

Ayon kay R. Tercio, ikinasiya niyang manalo sa kompetisyon dahil pinaghirapan niya ang pag-eensayo lalo na ang pakikipag-sparring. Sa mga susunod na paligsahan, inaasam niyang makasungkit muli ng gintong medalya.

Nagtamo naman ng tig-iisang bronze ang mga yellow belter na sina Elijah John Dalet (3-Bukal), Andres Joaquin Lagmay (1-Agila), at Anthony Tercio (4-Bataw) mula sa Kyorugi. Isang bronze din ang ambag ni blue belter Logan Isabel Sampang (7-Mercury) mula naman sa Poomsae.

Tournament-style ang laro na nahahati sa dalawa: ang Kyorugi, free-style sparring, at ang Poomsae, serye ng mga porma ng tamang pagdepensa at pag-atake. 

Hindi lahat ng nasa team ay estudyante sa UPIS. Labindalawa lamang ang taga-UPIS habang siyam ang nagmula sa ibang mga paaralan na walang taekwondo team sa Quezon City. Siyam na medalya ang napanalunan ng mga miyembrong hindi estudyante sa UPIS—tig-apat na gold at silver, at isang bronze.

Ayon kay Roni Natalia Brianna Kessel (9-Xenon), team captain, balak ng koponan na sumali sa iba pang kompetisyon tulad ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Juniors. Ngunit upang magawa iyon, kailangan pa nila ng mga bagong miyembro na handang makipagsabayan sa team.

Ang susunod nilang laban ay ang 2018 National New Face of the Year Taekwondo Championships na gaganapin sa Mayo 19 at 20 sa Rizal Memorial Sports Complex.

“Mas mahirap ito sapagkat Luzon, Visayas, at Mindanao na ang maglalaban-laban. Pipilitin namin at ibubuhos namin ang aming lahat ng makakaya upang makamit ang tagumpay sa pakikipaglaban,” ani Coach Brixtonn Busto. // nina Ronnie Bawa, Jr. at Geraldine Tingco

You Might Also Like

0 comments: