filipino,

Literary: Pinakamagandang Pangit

5/26/2018 08:34:00 PM Media Center 0 Comments





“’Uy, may photo contest, gusto mo sumali?” sabi ko sa ’yo nang makita ko ang post ng isang club sa bulletin board. Alam ko namang ‘di ka aayaw rito, mahilig ka kasing kumuha ng mga litrato at talaga namang magaganda ang mga kuha mo.

“Tungkol saan ba?” tanong mo.

“May poster sila, check mo. ‘Beauty is in everything’ ‘yung theme.”

“Ay, sayang, kung ‘epitome of ugliness’ ‘yung tema, picture mo na sana ipapasa ko.”

Hinampas kita nang napakalakas. “At talagang nakahanap ka pa ng paraan para asarin ako. Iba ka talaga.”

Parati mo akong tinatawag na pangit. ‘Di mo pa rin binibitawan ang tawag sa akin ng mga bata noon sa eskuwelahan natin dahil sa buhaghag at kulot kong buhok. Pero isa ka rin sa mga binu-bully noon dahil sakitin ka. Pareho tayong umiiyak sa gilid ng playground dahil walang gustong makipaglaro sa atin. Pero simula noong samahan mo akong magbasa ng libro sa loob ng classroom habang naglalaro ang iba sa labas ay naging magkaibigan tayo kalaunan. Kahit na lumipas na ang panahon ay tayo pa rin ang magkasama at ang mga pangalan na dating nagpapaiyak sa atin noon ang siyang naging pang-asar natin sa isa’t isa ngayon.

“Siyempre, ‘di ko pakakawalan ang opportunity kapag nakita ko, ‘di ba?”

“E, kelan ka kukuha ng mga picture? Next week na ‘yung pasahan.”

“E di, ngayon na, atat ka, e.” Inilabas mo ang kamera mo na lagi mo namang dala at isinabit ito sa leeg mo. “Tara, samahan mo ‘ko,” at hinatak mo ako papunta sa field.

Nalalagas na ang mga dahon at nakatambak ang mga ito sa tabi ng ugat ng mga puno. Nakatayo lang ako sa gilid at minamasdan ang mga nalalaglag na dahon nang biglang itinulak mo ako at bumagsak ako sa tambak ng mga tuyot na dahon. Tinawanan mo lang ako habang gulantang akong napaupo.

“Humanda ka sa ‘kin!” sigaw ko nang bumalik sa akin ang aking ulirat. Tumakbo ka at tila wala kang pakialam sa kamerang nakasabit sa leeg mo.

Nang maabutan kita ay itinulak kita nang malakas. Akala ko ay sa isa pang tambak ng mga tuyot na dahon ka babagsak, ngunit sa damuhan ka napaupo.

Tawang-tawa ako, ang benta kasi ng mukha mo nang bumagsak ka. ‘Di ko na napansin na nakatayo ka na pala at itinulak mo ako ulit bilang ganti.

Napaupo na lang ako sa mga dahon bilang pagtanggap ng aking pagkatalo. Pagod na rin kasi ako. Pero tawa pa rin ako nang tawa habang nakangiti ka lang sa harap ko.

Narinig ko na lamang ang pag-click ng kamera. Kinunan mo na pala ako ng litrato.

“Ano ba! ‘Wag mo nga akong kuhanan ng picture!” sabi ko habang tumatawa at hinagisan kita ng mga tuyot na dahon.

“Ang pangit mo dito,’’ panunukso mo habang tinitingnan ang litratong kinunan mo.

“Bastos ka.” Tumayo ako at sinubukang silipin ang tinitingnan mo. Pero iniwas mo ang kamera, ‘di ko tuloy nakita.

“’Wag kang mag-alala, ikaw naman ang pinakamagandang pangit.”

“Ikaw naman ang pinakamabait na demonyo,” at isang pekeng ngiti ang ibinigay ko sa iyo.

“Thank you.”

“You’re welcome. Kumuha ka na nga ng picture mo! Ano ba kasi ang concept mo para sa contest?”

Hinampas kita dahil sa pang-aasar mo, pero imbes na mainis ay tinawanan mo na lang ako nang malakas.

*****

“Excited ka na ba?” tanong ko sa ’yo nang dumating na ang araw ng paggantimpala sa mga nanalo. ‘Di ko pa nakikita ang litratong ibinigay mo sa paligsahan, sabi mo kasi bawal.

“Oo naman.” Pero kitang-kita ko ang kaba sa boses mo.

“Manalo man o matalo, alam nating pareho na maganda pa rin ‘yang kuha mo,” wika ko sa iyo.

Nginitian mo na lang ako. Ipinalabas na sa malaking screen sa harapan ang pangalan ng mga nanalo sa paligsahan at kasunod nito ay ang kanilang litrato. Nang itinanghal na nila ang unang gantimpala, nagtatatalon ako sa tuwa, pangalan mo kasi ang nakalagay sa screen. Katabi pa rin kita at ngiting-ngiti kong inabangan ang litrato mo.

Pero nawala ang abot-tainga kong ngiti at napako ang tingin ko sa litratong nanalo ng unang gantimpala.

Ako.

Ako ‘yung nasa litrato.

Nakatawa, punong-puno ng kahel na dahon at bulaklak ang buhaghag kong buhok.

“B-ba’t ako ‘yung…?”

“Ikaw kasi ang pinakamagandang pangit sa paningin ko…” patawa mong sagot. Sinimangutan kita at hahampasin na sana nang dugtungan mo ang nauna mong sinabi.

“…At ang pinakamagandang bagay na nangyari sa buhay ko.”

You Might Also Like

0 comments: