news,

Pinakamahuhusay na mag-aaral, pinarangalan na

5/14/2018 07:39:00 PM Media Center 0 Comments


ANG PINARANGALAN. Madamdamin ang ibinigay na mensahe at pasasalamat ng Huwarang Mag-aaral sa Grado 12 na si Marianne Sasing sa mga mag-aaral, mga guro, at mga bisita noong Parangal 2018. Photo Credit: Nica Desierto


Idinaos ang Parangal 2018 noong Mayo 4 sa Auditorium ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) Grade 7-12 Academic Building.

“Iskong Mahal ang Bayan, Manindigan para sa Katotohanan” ang tema ng programa ngayong taon.

Nagbigay ng bating panimula ang prinsipal na si Dr. Lorina Y. Calingasan na umalala sa mga lumang dokumento ng Parangal ng UP High School noong 1975 at inihambing ang mga ito sa mga iginagawad sa panahon ngayon.

Naging panauhing tagapagsalita sa Grado 7-12 si Dr. Diego Silang S. Maranan ng UPIS Batch 1996 na tumalakay sa kahalagahan ng katotohanan, pag-intindi sa pinagmulan ng iba’t ibang tao, at kung gaano kaimportanteng magkaroon ng bukas na isip sa iba’t ibang posibilidad para maging makatotohanan.

Nagbigay naman ng tugon si Marianne T. Sasing na itinanghal bilang Huwarang Mag-aaral ng Grado 12. Tinalakay niya ang kaniyang mga natutunan bilang isang estudyante sa hayskul at nagpahayag ng ilang salita ng pasasalamat sa mga humubog sa kaniya.

Sa Grado 3-6, ang panauhing tagapagsalita naman ay si Eunice Andrea C. Ruivivar, ang Huwarang Mag-aaral ng Grado 10, na tinugon ng Huwarang Mag-aaral ng Grado 6 na si Andrei Nicholas D. Pablico.

Si Pablico ang nagtalumpating panauhin sa K-2 na tinugon naman ng Huwarang Mag-aaral ng Grado 2 na si Ryann Andrea R. Lakip.

Dahil sa panibagong kurikulum, nagkaroon ng mga bagong parangal ngayong taon: Best Thesis, Best Intern On at Off Campus mula sa bawat track ng Grado 12, at Best Graphic Artist, Writer, at Editor naman mula sa Social Sciences and Humanities track.

Isa pa sa mga naging pagbabago sa taunang Parangal ay ang pagbabawas ng mga estudyanteng manonood sa hayskul. Ang buong Grado 12 at isang seksyon lamang mula sa bawat lebel ng Grado 7-11 ang napiling masaksihan ang paggagawad.

Bunsod ito ng payo ng UP Office of the Campus Architect (OCA) na 450 katao lamang ang maaaring pumuno sa Auditorium. Dahil humigit-kumulang 750 tao ang populasyon ng buong Grado 7-12, kasama na ang mga magulang ng mga may parangal, napagdesisyunang huwag na lamang papuntahin ang lahat dahil mapanganib ito.

“If we let all the students join the Parangal [...], I’m afraid that the Auditorium will fall apart if we fill in all the 750," sabi ni Dr. Lorina Calingasan, prinsipal. “I don’t want to risk [it] kasi nagkoko-compute pa sila ng body mass times area, sabi ko, no, don’t risk [it]."

Pinili ang mga manonood na seksyon sa pamamagitan ng bunutan ng mga tagapayo.

Isinagawa ang Parangal ng Grado 7-12 mula 7:30 hanggang 9:00 ng umaga, sa Grado 3-6 mula 10:30 hanggang 11:30 ng umaga, at sa K-2 naman ay mula 1:30 hanggang 2:30 ng hapon.//nina Wenona Catubig at Nica Desierto

You Might Also Like

0 comments: