alex yangco,

Feature: Brains vs. Brawn? Bakit Di na Lang Pareho?

5/28/2018 08:47:00 PM Media Center 0 Comments



DANGAL AT HUSAY. Kitang-kita ang saya ng mga itinanghal na “Pinakamahuhusay na Manlalaro” na sina Neri, Hilario, Esmero, Labao, at Laderas kasama ang kanilang mga magulang nang tanggapin nila ang kanilang mga sertipiko noong Parangal 2018. Photo Credit: Nona Catubig at Gian Palomeno 


“Uy mabilis ka palang tumakbo! Sali ka sa Track and Field, sayang talento mo.”

“Hindi, okay lang, baka kasi bumaba grades ko, e.”

“Nakapag-aral ka ba kagabi para sa quiz?”
“Medyo nga lang, e. Late na kasi training namin.”

“Araw-araw, ganito ginagawa mo? Hindi ka ba napapagod? Nababalanse mo pa ba acads mo?”

          Ilan lang iyan sa mga madalas nating naririnig sa ating mga kaklase kapag kausap ang mga atleta na estudyante sa araw at manlalaro naman sa gabi. Sa panahon ngayon, isang laganap na pananaw ang umiiral sa mga paaralan na kadalasang napag-iiwanan ng mga atleta ang kanilang pag-aaral dahil mas humahatak sa kanilang oras ang mga training at paligsahan tulad ng UAAP. Ngunit sino ba naman ang hindi masasabik at matutuwa na makapag-uwi ng medalya hindi lang para sa sarili kundi para sa eskuwelahan? Napakabuti ng naidudulot ng isports sa mga manlalaro dahil masaya sila rito, gusto nila itong gawin, at napalalakas nito ang kanilang pangangatawan. Gayunpaman, giit ng karamihan, naisasakripisyo naman nila ang kanilang pag-aaral.

          Noong ika-4 ng Mayo, pinatunayan itong mali nang salubungin ng masigabong palakpakan ang mga atletang pinarangalan na sina Maria Consuelo G. Neri ng Grado 7, Zoe Marie S. Hilario ng Grado 9, Charize Juliana S. Esmero ng Grado 10, Ralph Luis B. Labao ng Grado 11, at Carlos Joseph O. Laderas ng Grado 12. Hinirang sila bilang “Pinakamahusay na Manlalaro” sa kani-kaniyang baitang na kinabibilangan. Nangangahulugan ito na sila ang may pinakamagaling na performance sa kanilang isport bunga ng mga nakamit na tagumpay sa mga kompetisyon, may mabuti silang personalidad batay sa ebalwasyon ng teammates at coach, at may general weighted average (GWA) sila na hindi bababa sa 75. Natamo naman ni Hilario ang gawad na “Manlalaro ng Taon (Grado 7-12)” bilang atleta na may pinakamaraming naiuwing karangalan para sa UPIS.

          Tuwang-tuwa silang pumanhik sa entablado kasama ang nagniningning na mga mata ng kanilang mga magulang, guro, at kaklase kaakibat ang mga di malilimutang papuri at palakpakang sumalubong sa kanila noong Parangal 2018. Bukod pa sa inaning sertipiko nang araw iyon, may iba pa silang karangalang nakamit tulad ng mga titulong Defensive Player of the Year, UAAP Top 2 in steals, 4-peat champion sa Titan Summer Jam, UAAP Athlete Scholar (Juniors Division) at mga record breaker sa Palarong Pambansa 2018 ni Hilario, at pagiging kinatawan sa parating na 42nd South East Asian Age Group (SEA AGE) Swimming Championships nina Neri at Hilario.

          Paano nga ba nila nagawa ang mga ito? Kinapanayam namin sila at narito ang kanilang mga sentimyento.


Motibasyon

          Pamilya. Sila ang pangunahing motibasyon ng mga huwaran nating atleta upang lumaban sa kabila ng mga araw na kapos sila sa tulog at pahinga. Lubos nilang pinasasalamatan ang lahat ng sakripisyo at pagtangkilik na inihandog ng kanilang mga magulang sa kanilang buhay-estudyante at manlalaro. Sa buong taon, hindi sila nagduda sa kakayanan ng mga anak. Walang pahingang suporta rin ang ibinuhos nila na nagpasiklab pa lalo sa damdamin ng ating mga atleta upang pag-igihan na lampasan ang lahat ng pagsubok.

          Teammates at coaches. Sila rin ang tumutulak sa ating mahuhusay na atleta na igpawan ang lahat ng paghihirap lalo na sa mga oras na sa palagay nila ay guguho na ang lahat. Nakaabang palagi ang kanilang mga balikat na maaaring sandalan sa kasagsagan ng kagipitan. Sila ang palaging nagpapaalab sa puso ng mga atleta sa mga pagsasanay na kung minsan ay nais pahinain o pawiin ang apoy sa kanilang mga dibdib bunsod ng hirap, stress, o pagod. Hindi sila pumapalpak na pahusayin pa ang mga kakayanan at palakasin ang loob ng ating mga manlalaro kaya naman gusto ng mga ito na gumanti sa pamamagitan ng pagpapamalas ng kanilang kahusayan mapa-loob o labas man ng court.

          Pangarap. Ito ang makapangyarihan na imaheng nabubuo sa kanilang isipan. Ito ang nagsisilbing gabay nila upang makamit ang lahat na siyang nagbibigay ng tunay na kaligayahan at pagkakuntento sa kanilang buhay. Kung hindi dahil sa pangarap na ito, walang ilaw sa kanilang mga mata na papatnubay upang mahanap ang daan patungo sa liwanag.

          Halimbawa, para kay Esmero, sa pagiging atleta, ginagamit niyang motibasyon ang kagustuhang mag-improve at makakuha ng mga panibagong best time sa kanyang mga rekord. Sa pagiging estudyante naman, ang kaniyang motibasyon ay ang makakuha ng matataas na marka upang masuklian ang malasakit ng kaniyang mga magulang at guro.

          At panghuli, ang mga doubters, naysayers, at haters. Sila ang mga tao na nagdidikta ng mga limitasyon, nagpapahina ng loob, at nagdududa sa kakayahan ng tao. Ngunit, imbes na magpabitag sa patibong nila, ginamit ito ng mga atleta na pampasiklab sa lahat ng bagay patungo sa gustong puntahan. Pinatunayan nila sa mga naysayers na mali ang mga ito, at may mas nakakahigit pa sa limitasyong itinakda ng mga ito. Pagkatapos nito, sila naman ang magsisilbing inspirasyon para sa iba.


Pag-aaral vs. Pag-eensayo

          Sadyang hindi madaling balansehin ang mabibigat na reqs at pagpapakitang-gilas sa mga kompetisyon. Halimbawa na lamang nito ay ang pagsasabay ng internship at pag-eensayo ni Laderas. Kinakailangan niyang pumunta sa kaniyang internship site upang matuto sa pagtatrabaho bilang parte ng Grade 12 curriculum at sa pagdating ng hapon ay mayroon pa siyang ensayo ng volleyball sa UP Gym.

          Ayon naman kina Labao at Hilario, kung nasisiyahan ka sa mga ginagawa mo, sigurado na ang lahat ay kakayanin. Makakaya pati ang pagsasabay ng isports sa pag-aaral.

          Kaya narito ang mga sandata ng mga manlalaro upang tulungan silang manalo sa laban ayon sa mga huwaran nating atleta:

          Pagtatakda ng prayoridad. Ito ang gumagabay sa kanila upang mapunta sa nararapat na landas. Nagagawa ito sa pamamagitan ng paghihimay sa mga bagay na kinakailangang pagtuunan ng pansin at pagsasagawa sa mga ito base sa lebel ng pangangailangan o importansya. Sa bawat matagumpay na pagsagawa sa mga ito, iiral ang diwa ng disiplina at katuparan sa iyong sarili.

          Dahil palaging dumidiretso sa ensayo at gabi na nakakauwi si Esmero, sinisiguro niya na sa kaniyang pag-uwi ay handa na ang kaniyang utak sa mga gagawing requirements. Sa ensayo pa lang daw ay pinaplano na niya kung ano ang kanyang gagawin para sa mga proyekto at mga takdang-aralin.

          Hardwork pays off. Walang bagay na masyadong mahirap at masyadong madali. Para sa kanila, ang panabla sa mga pagkakataong di maganda ang performance nila sa eskuwelahan at isports ay simpleng paghihirapmotibasyon, paggawa, repetisyon. Matapos ang mga ito, makikita ang mga resulta. Mahirap nga silang gawin ngunit ito ang naghihiwalay sa mga dakila at sa mga pangkaraniwan. Matapos kumawala ang lahat ng pawis sa katawan, darating ang panahon na ang lahat ng ito ay magbubunga sa wakas. Kaya sa bandang huli, lahat ng pagsisikap at pagdurusa ay sulit din.

          Masinop na paggugol sa oras. Ang bawat galaw ng kamay sa orasan ay importante. Isang buhay lang ang mayroon tayo at ang paggamit dito sa wais na paraan ay ang nararapat. ‘Ika nga, time is gold. Sa tamang paggamit ng oras, lahat ng mga bagay na kinakailangang tapusin ay mapagtatagumpayan nang walang pag-aatubili. Ito ang susi para makaiwas sa stress, na isang malubhang balakid na nakapagpapababa sa performance ng tao. Sa paglinang ng kasanayang ito, napapatakbo ang buhay natin sa mas produktibong paraan.

          Pagkakaroon ng laban attitude. Sa lahat ng pagkakataon, matutong gawin ang lahat ng makakaya upang lagpasan ang pader na humaharang sa harapan kahit na sa palagay mo ay wala ka nang mararating. Darating ang araw na babalik din ang mga pinaghirapan at ipinaglaban mo.

          At huli, tiwala sa Panginoon. Ang pag-aalay ng lahat sa Panginoon ay nakapagpapaluwag ng pakiramdam lalo na sa kasagsagan ng mga eksamen at laro. Ang pagkakaroon ng panata sa Panginoon ay nakapagbibigay ng kakaibang lakas na siyang tumutulong sa pagharap sa mga problema.


Mensahe sa mga Atleta

          Bilang pangwakas, ibig iparating ng mga natatanging manlalaro ng UPIS ang mga sumusunod na dapat matandaan ng mga kapwa nila atleta.

          Gawin ito lahat para sa paaralan. Huwag na huwag kalilimutan na irepresenta at paglingkuran ang eskuwelahan, mapaisports man o akademiko. Palaging gawin ang buong makakaya upang lumabas ang pinakamahusay na performance alang-alang sa pangalan at dangal ng UPIS at bilang pagsukli sa paghubog nito sa atin.

          Exceed expectations. Kung ano man ang inaasahan ng paaralan mula sa mga atleta, pag-igihang ito ay malampasan pa sapagkat mas mainam na ang sumobra kaysa magkulang sa pagkamit sa mga ekspektasyon.

          Never give up. Ang mga mag-aaral ng UPIS ay hindi sumusuko. Kung gugustuhin, kayang-kayang gawan ng paraan. Kahit pa gaano kahirap ang pag-eensayo, kung iyan talaga ay gusto ng puso ninyo, kakayanin at malalampasan ninyo iyan.//nina Julius Guevarra Jr., Nico Javier, Dianne Santos at Alex Yangco 



You Might Also Like

0 comments: