feature,

Feature: Pinoy Style Christmas

11/30/2016 09:20:00 PM Media Center 0 Comments



Mula sa pagsapit ng unang araw ng Setyembre, si Jose Mari Chan na ang bumubungad sa ating umaga. Mga kantang Pamasko na rin ang paulit-ulit nating naririnig saanman tayo pumunta. Kinagabihan naman, malamig na simoy ng hangin na ang ating nararamdaman, kasabay ng mga nakabubusog pagmasdang Christmas lights na kumukuti-kutitap sa ating kapitbahay.

BITUIN. Ang parol ay isa sa mga simbolo ng kapaskuhan.
Photo credit: https://www.shopback.ph/blog/post/5-reasons-why-paskong-pinoy-is-the-best

Sa buong mundo, talagang ang mga Pinoy ang may pinakakakaibang paraan ng paggunita ng Pasko. Bakit? Tayong mga Pinoy lamang kasi ang nagdiriwang nito ng halos apat na buwan. Ito ay nagsisimula ng Setyembre at umaabot hanggang sa unang linggo ng Enero kung saan ipinagdiriwang ang Epiphany o ang Pista ng Tatlong Hari. Bukod pa sa kahabaan, engrande rin tayo kung makapag-celebrate. Setyembre pa lang, naglalagay na tayo ng mga dekorasyon sa bahay tulad ng Christmas tree, Christmas lights, parol, at kung anu-ano pa, kaya naman buhay na buhay ang Pasko sa Pilipinas. Kung minsan pa nga, mas nilalagyan natin ng maraming dekorasyon ang labas ng ating bahay kaysa sa loob upang maibahagi ang diwa ng kapaskuhan sa ibang mga tao.

Ang mga Katoliko naman ay mayroon ding Simbang Gabi kung saan siyam na araw bago ang Pasko ay nagsisimba sila ng madaling araw. Pagkatapos ng misa, magsasalu-salo sila sa puto bumbong at bibingka na sasamahan pa ng mainit na tsokolate o ‘di kaya’y matapang na kape. Sa ika-siyam na gabi, isinasadula ang Panunuluyan kung saan ipinapakita ang mga kaganapan bago isilang si Hesukristo. Ang pagsisimula ng Simbang Gabi ay hudyat din ng pangangaroling ng mga bata at matatanda.

SIMBANG GABI. Nakapila ang mga tao para sa siyam na gabing misa bago ang araw ng kapaskuhan. Ginugunita ito upang maisakatuparan ang mga panalangin ng mga deboto kay Hesukristo.
Photo credit: http://www.liberatingjepoy.com/2012_11_01_archive.html

Pagsapit ng bisperas ng Pasko, nagsasama-sama na ang mag-anak sa iisang bahay. May dala silang iba’t ibang pagkain na specialty ng bawat isa. Sa hapag-kainan, hindi pwedeng mawala ang hamon, keso de bola, spaghetti, manok, fruit salad at siyempre ang pinagkakaguluhang lechon na may mansanas pa sa bibig.

Maraming mga tradisyon pa ang ginagawa ng mga Pinoy tuwing Pasko kaya masasabi nating kaiba tayo sa buong mundo. Para sa atin, ang Pasko ang pinakamahalagang kaganapan sa buong taon, hindi tulad sa ibang mga bansa kung saan isang araw lamang ito ipinagdiriwang.
Ang diwa ng Pasko ay hindi lamang pagbibigayan ng regalo, pagsasama-sama ng bawat pamilya, at pagkakaroon ng mga bagong kagamitan. Higit sa mga ito, ang tunay na ipinapahiwatig ng Pasko ay pagmamahalan, pagkakaisa, at siyempre, ang paggunita sa kaarawan ni Hesukristo. //ni Zach Jugo

You Might Also Like

0 comments: