editorial,

Editorial: Hindi Bayani si Marcos

11/17/2016 08:18:00 PM Media Center 0 Comments



Kami, ang UPIS Media Center, ay naninindigan na hindi nararapat na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Siyam na taong naghirap ang bayan. Siyam na taong napasailalim ang mga Pilipino sa Batas Militar. Ngunit, sa 1986 EDSA Revolution nagtulungan ang sambayanan upang pabagsakin ang rehimen, sapagkat naunawaan ng mga Pilipino na panahon na upang wakasan ang mapaniil niyang administrasyon. Hinangad nila ang kalayaan, kalayaan na hindi natin matatamasa ngayon kung hindi dahil sa mga nagsakripisyo para sa atin. Malaking pasasalamat ang marapat na ibigay sa kanilang mga nagbuwis ng buhay makawala lamang sa tanikala ng rehimeng Marcos. Subalit kung hahayaan nating mangyari ito, sa halip na pasasalamat ay poot ang maidudulot nito sa kanila. Ang kanilang mga pagsisikap ay mawawalan ng saysay kung maililibing ang Dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Sinasabi ng ilan na ito na ang panahon upang ang sambayanan ay magpatawad. Sa pamamagitan ng pagpapatawad ay makapagpapatuloy na ang bayan. Napakahirap sa isang tao lalo na sa isang bayan ang patawarin ang mga taong kailanman ay hindi naman nagsisi o humingi man lang ng paumanhin para sa mga kasalanang ginawa nila sa bayan. Napakahirap ang pagpapatawad lalo pa’t hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng diktaduryang Marcos. Sa ganitong sitwasyon, lalong isang dagok sa atin na mahimlay siya sa Libingan ng mga Bayani kasama ng mga dakilang Pilipinong nanindigan para sa kapakanan ng bansa. Tandaang ang pagpapatawad ay hindi katumbas ng pagkalimot sa kasalanan. Sapagkat sa nakaraan higit nating nakikita ang kamalian. Matututo ang bayan sa nakaraan. Huwag hayaang maibaon din sa limot ang hirap na pinagdaanan ng mga mamamayan sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Kung ililibing si Marcos sa LNMB, siya’y magiging mantsa sa sagisag ng mga bayani. Hindi bayani ang dating pangulo, siya’y isang diktador na nagpahirap sa kaniyang mga kababayan habang nagkamkam ng bilyon-bilyong salapi ng bayan para sa sarili niya at sa kaniyang pamilya. Sila’y naghari-harian habang ang mga Pilipino hanggang ngayon ay binabayaran ang napakalaking utang na nabuo sa ilalim ng kaniyang administrasyon. Bilang presidente, tungkulin niyang protektahan ang mga mamamayan at gabayan ang bansa patungong progreso. Ngunit, kinalimutan niya ito at inisip lang ang sariling pag-unlad.

Bilang kabataang Pilipino na Iskolar ng Bayan tungkulin naming manindigan para sa kapakanan ng buong bayan at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon. Kung hindi pa ngayo, kalian pa matututong manindigan ang mga kabataan nitong bayan?

Bilang mga Pilipino kami’y tumitindig at tumututol na malilibing siya sa Libingan ng mga Bayani sapagkat siya’y hindi isang bayani, ni dakilang mamamayan man lamang nitong pinakamamahal nating bansa.

You Might Also Like

0 comments: