bella swan,

Literary (Submission): *FB Game

11/21/2016 09:33:00 PM Media Center 0 Comments





"Let's play a game. Like this post and I'll pm you a name. You'll go back here and you'll comment how you feel about that person. The name will stay between us."

Iba na talaga ang henerasyon ngayon. Imbis na nasa kalye at doon naglalaro, nasa bahay na lang at ganitong mga laro na ang sinasalihan. Ngayon, may bagong pauso na naman. Hindi ko alam kung saan nila nakukuha ‘yung mga ganitong klase ng laro.

Kadalasan, hindi ko pinapansin ang mga ganyan. Pero sa sobrang pagka-bored at kawalan ng gagawin, nakisali ako sa laro. Sinubukan ko lang naman. Nag-like ako ng isang status. Nag-message agad ng pangalan. Pangalan ng kaibigan ko. Nag-comment din ako agad. “Sobrang cool. Masayang kasama.” Nilagyan ko pa ‘yan ng emojis para sabay na sabay ako sa uso.

Natutuwa naman ako sa larong ito. Nakakaintriga ‘yung mga comment ng mga tao. Pero, hindi pwedeng malaman ng iba kung sino ‘yung ibinigay na pangalan sa ‘yo. Parte ‘yon ng rules ng laro.

Marami-rami na rin ‘yung nagpost ng status. Hindi ko naman pinalampas ‘yung mga iyon at nag-like lang ako nang nag-like. Marami pa naman akong oras para mag-comment. Tapos na ‘ko sa requirements, eh.

Habang nagbabasa ako ng mga post at namimili ng susunod na ila-like, naisip ko, para-paraan na lang ‘yung ibang tao. Kapag na-like na nu’ng crush nila, ang ime-message nila ‘yung pangalan nila kasi wala raw silang maisip. ‘Yung iba naman, parang doon na lang nagpapatama. Mayroon din na sa sobrang pagka-bored, pati pangalan ng teacher at school staff, ibinigay na rin.

Medyo matagal na rin akong nagla-like, naglalagay ng comment, at nagbabasa. Ang dami ko na ring natanggap na pangalan. Okay lang naman kapag pangalan ng kaibigan ko ‘yung naibibigay. Parang alam na siguro nila na madali ko nang mabibigyan ng comment.

Pero, nagtataka ako sa tuwing pangalan mo ‘yung ibinibigay sa akin. Sa pangalawa o pangatlong status pa lang yata na ni-like ko, nai-message na sa akin ang pangalan mo.

Nakakapagtaka kasi hindi ko alam kung bakit pangalan mo ‘yung ibinibigay. Ang mas nakakapagtaka pa, mukhang wala namang alam tungkol sa atin ‘yung mismong nagbigay ng pangalan mo. Hindi ko naman sila ka-close. Hindi mo rin naman kabatian, pero mga kaklase mo yata sila. At hindi rin naman yata nila na alam na close tayo. O baka hindi ko lang alam na alam nila na close tayo.

Sa tingin ko naman, pagdating sa ‘yo at sa mga pinagkakaabalahan mo o sa buhay mo, wala rin talagang gaanong nakakaalam. Hindi ka naman ganoon kadaldal pag hindi mo ka-close ang kausap mo. Madalas tahimik ka lang. Pero, ikaw yung tipo ng tao na sobrang kulit, sobrang sabog kapag nakilala na nang husto.

Sa pagkakaalam ko, iilan lang ang nakakaalam na kilala natin ang isa't isa, na nag-uusap tayo. Bilang lang yata ng isa kong kamay kung sino ang mga taong pinagsasabihan ko. Sobrang inaasar na nga ako ng mga pinagsasabihan ko ng tungkol sa atin. Pwede raw tayo. Bagay raw. Tapos palagi rin nilang tinatanong kung may “something” ba tayo kasi parang may "tayo" kapag magkausap, mapa-personal man o chat.

Nako. Lalo na akong inaasar mula noong minsan nakita nila tayong nag-uusap malapit sa fountain. Tapos noong wala naman na raw tayong pinag-uusapan, wala pa ring umaalis sa kinatatayuan natin. Parang okey lang daw sa atin na walang nagsasalita, magkasama lang okey na, komportable sa pakiramdam.

Kitang-kita naman daw na meron. Pero parang hindi naman daw natin alam o siguro hindi lang daw natin nakikita. Binabalewala ko na lang kasi alam kong hanggang magkaibigan lang naman tayo. Yata. Sana? Sana hindi?

Napapaisip din ako minsan. Paano kung mayroon ngang “something”? Paano kung mayroon ngang “sparks”? Paano nga kung tayong dalawa na lang ang hindi nakakakita ng kung ano man 'yon? Kung online ka rin kaya ngayon at mag-like ka ng status, makukuha mo rin kaya ang pangalan ko nang ilang beses?

Kasi naman hindi lang yata sampung beses ko natanggap ‘yung pangalan mo. Ang tindi!!! Ang malala pa rito, karamihan pa yata nu’ng nagsend ng pangalan mo ay may gusto sa‘yo. Kaya minsan kapag pangalan mo ang nakita ko sa messages, tinatanong ko kung bakit ikaw ‘yung naiisip nilang ibigay. Sasabihin nila, “Wala lang.” Sabi ko nga, eh.

Sa tingin ko nga, nakikiintriga lang kung anong mayroon sa ‘yo. O sa atin? Mukhang sila ‘yung mga taong hindi makalapit sa ‘yo para makausap ka. Pero nakakapagtaka na lalo, pati mga kaibigan mo, pangalan mo na ang ibinibigay. Kapag tinanong ko kung bakit ikaw, sasabihin din nila, "Wala lang hahaha." Pinaniwalaan ko na lang na wala lang talaga, kahit sa mga kaibigan mo na nanggaling.

Hindi ko na lang pinansin at sumagot na lang din nang pasimple. Nag-comment na lang ako, "Makulit, sabog minsan.” ‘Yung medyo obvious na alam na ng ibang may kilala sa ‘yo para hindi ako mapaghalataan. ‘Yung walang maiintriga kapag nakita ‘yung comment ko. Nilagyan ko rin ng mga emoji na nilagay ko sa iba para kunwari wala lang talaga.

Pero ang hirap pala kapag iisang pangalan ang ibinibigay sa‘yo. Lalo na kapag ayaw mong may maipahalata. Tapos iba-iba pa ‘yung mga taong nagbigay. Pinilit kong iba-iba ‘yung ilagay para hindi halatang ilang beses kong natanggap ‘yung pangalan mo. Sana naman gumana at hindi nila masabing "may something." Sa tingin ko kasi meron ngang "something" kahit kaunti. Hindi na lang ako umaasa kasi baka ako lang ang nakakaramdam nu’ng sparks sa tuwing magkausap tayo, magka-chat, at magkakulitan.

Naaaliw nga akong ka-chat ka, sa totoo lang. May mga tao pa palang katulad mo. Hinding-hindi nansi-seen at palaging nangunguna sa pakikipag-usap, ‘yung unang nagbibigay ng topic para may mapag-usapan.

Sa sobrang dalas nga nating magkausap sa chat, palagi ka nang una sa favorites ko sa messenger. Kahit na may mas madalas akong kausap doon kaysa sa 'yo. Pinipigilan ko ring masanay sa ganoon, baka kasi kapag nawala, hanap-hanapin ko pa. Ako pa ang matalo niyan.

Masaya na rin naman ako kasi hindi tayo yung tipo ng mga tao na komportable sa chat, awkward kapag personal nang nag-uusap. Kahit personal, komportable pa rin tayo sa isa’t isa.

Nung nagsawa na akong mag-comment, sinubukan ko na rin mag-post nung status. Sunod-sunod ang mga nagla-like. Ang hirap pala mag-isip ng pangalan na pwedeng makasagap rin ako ng intriga sa mga tao. Minsan, pangalan na lang ng kaibigan nila ang ibinibigay ko.

Kaya lang biglang pati yata si Tadhana, nakikipaglaro. Nagulat na lang ako, ni-like mo ang post ko. Online ka na pala!

Kinabahan ako bigla. Dali-dali naman akong nag-isip ng pangalang maibibigay sa 'yo. Hindi ko alam kung kaninong pangalan ang ibibigay.
Ilang minuto na ang nakalipas, wala pa akong naiisip. Kung pumara-paraan na lang din kaya ako? Para naman hindi rin sayang ‘yung pagkakataon. Sabi naman sa instructions, "...comment how you feel about that person." Baka sakaling ito na nga ‘yung pagkakataon para malaman ko kung ano nga ba sa tingin mo ang mayroon tayo. Kung totoong may "something" nga ba tayo.

"Ako na lang hahaha," message ko sa 'yo. Mas lalo tuloy akong kinabahan. Seseryosohin mo kaya? Tutal tayong dalawa lang naman ang nakakaalam nang ibinigay kong pangalan.

Handa na ba akong malaman kung ano sa tingin mo ang mayroon sa atin? Kasi sa akin, okey lang naman. Okey lang naman na magkaibigan lang. Okey lang din naman na may "something." Kailangan ko lang talagang malaman kung ano ‘yung sa tingin mo, kung ano nararamdaman mo.

Hinintay ko ‘yung comment mo. Hanggang sa tumunog na yung notification ng Facebook na nagsasabing nag-comment ka na raw. Pikit-mata kong pinindot ‘yung notif.

-----

Hindi ako mahilig mag-internet. Mas gusto kong kumikilos, nabibilad sa araw, at pinagpapawisan kesa maghapong nakaupo sa harap ng computer o kaya nakatingin sa cell phone. Hanggang ngayon, kung pwede lang, hindi ako madalas mag-o-online. Kaso sa dami ng reqs, mapag-iiwanan ako pag hindi ako nag-Facebook.

Naguguluhan kasi ako sa FB. Parang kung ano-ano na lang syine-share ng mga tao. ‘Tsaka ang lakas kumain ng oras. Basa ka nang basa o nood nang nood ng mga nasa news feed tapos di mo mamamalayan late na pala at wala ka nang time gumawa ng ibang mas mahalagang bagay. Pero nasanay na rin ako. Pinipili ko na lang ang papansinin, titingnan, at babasahin ko.

May mga araw lang talaga na sasabog ang notifs mo sa dami ng pinopost at syine-share ng mga tao. ‘Yung tipong di mo malaman kung anong unang titingnan. Kagaya ngayon. Meron na namang kumakalat na ‘like this status and I’ll pm you a name’ na post. Parang ‘yung mga nauso nu’ng limang buwang bakasyon. Ngayon, apat na araw lang walang pasok pero ang dami na agad time ng mga tao. Wala ba silang reqs at trabahong iniintindi?

Hindi ko sana papansinin kaya lang may nabasa akong comment mo sa isang post: “Makulit, sabog minsan.” Ako kaya ‘yan? Madalas mong sabihin sa ‘kin ‘yan eh. ‘Tsaka may mga emoji rin na madalas mong gamitin pag ka-chat mo ako. Du’n naman sa isa, sabi mo: “Akala ko tahimik pero marami siyang kuwento.” Nabanggit mo na rin kasi sa ‘kin yan nang ilang beses.

Pero naisip ko marami ka naman sigurong kilala na makulit at sabog at tahimik na maraming kuwento. Kaya titigilan ko na sanang mag-assume pero nakita ko ‘yung comment mo sa status ng kaibigan ko: “Corny mag-joke. Haha. Jk. Ok lang. Matalino. Mabuting friend.” Pwede rin kahit kanino ‘yan, di ba? Kaso nag-reply siya: “Yan lang talaga? ‘Friend’ lang talaga?” Binabalik-balikan ko nga ‘yung post niya baka sakaling mag-reply ka pero hindi na, eh. Ewan ko ba. Ang lakas ng pakiramdam ko na ako ang tinutukoy niyo diyan.

Kaso baka naman ako lang ang nag-iisip nu’n. Bakit naman ibibigay sa ’yo ang pangalan ko sa mga post na ‘yan? Parang wala naman masyadong nakakaalam na madalas tayong mag-usap. Na close tayo. Pero sa bagay, marami-rami na ring nang-aasar sa ‘tin. Madalas na tayong tanungin kung may “something” ba tayo. Sinasabi nila, may sparks. Sinasabi nila na bagay raw tayo. Na sana tayo na lang.

Hay! Sana nga! Kung alam lang nila. Kung alam mo lang. Minsan napapaisip ako kung nahahalata mo bang gusto kita, na higit na sa kaibigan ang turing ko sa ’yo. Nahahalata mo kaya na gustong-gusto kitang kausap, sa personal man o sa chat? Ang saya, eh. Nakikinig ka talaga kahit walang kuwenta na yung mga sinasabi ko. Kahit sobrang corny ko.

Nahahalata mo kayang hindi kita sini-seen? Kahit pagod na pagod na ako, kahit wala na akong sasabihin, magre-reply pa rin ako at pilit akong maghahanap ng pwede nating mapag-usapan.
Nahahalata mo kayang masaya ako pag magkasama tayo? Kahit ubos na ang kwento, biro, hirit, side comment, basta ikaw ang kasama ko, masaya pa rin ako.

Nahahalata mo rin kayang nag-aalinlangan ako? Nakakatakot eh, pag naiisip ko na awkward na tayo. Na hindi ka na sasagot sa mga message ko. Na hindi mo na ko kakausapin. Kaya kahit gustong-gusto ko nang sabihin sa’yo na gusto kita, kahit minsan nararamdaman kong gusto mo rin ako, kahit alam ko, mukhang alam mo rin, at mukhang alam na rin ng marami na may something talaga tayo, nagdadalawang-isip ako.

Mahirap na. Paano kung di mo ako gusto? Eh di wala nang magsasabing makulit ako, sabog ako, at corny ako. Wala nang mangungumusta sa ‘kin. Wala nang sasalo sa mga hirit ko. Sanay na sanay pa naman akong nandiyan ka. Panigurado, hahanap-hanapin ko. Kaya okey na muna ‘to. Masaya naman tayo, eh.

Kaya lang nakakainis kasi pag inaasar ka sa iba. Di naman ‘yan madalas mangyari lalo na nu’ng inaasar na tayo pero nakakainis pa rin. Mahirap na ngang pigilan ‘yung “something,” mas lalo pang mahirap pigilan ang selos lalo na pag wala ka namang karapatan. Kaya pinagkakasya ko talaga ‘yung sarili ko sa kung ano lang ‘yung alam nating meron tayo.

Para hindi na kung ano-ano ang maisip ko, titigil na dapat ako sa pagbabasa at itsa-chat na lang kita. Doon na lang sana ako magtatanong nang pasimple kung naibigay ba sa ’yo ang pangalan ko sa game na ‘yan. Kaya lang nakita kong nag-post ka na ng status. Tamang-tama! Ila-like ko para ‘yan na ang simula ng usapan natin.

“Hi,” sabi mo sa chat. Hindi ko inaasahang magme-message ka agad kasi ang dami nang nag-like ng post mo. “Sasali ka talaga, ah!”

“Haha try lang.”

“Wait.

Hmmm..

Hala.

Di ko alam sino.”

“Haha kahit sino.

Wag mo na masyado pag-isipan.”

Medyo matagal bago ka nag-reply ulit. At kinabahan ako nang todo nu’ng nabasa ko ang reply mo:

“Ako na lang hahaha”

Nag-reply ako agad ng: “Hahaha sige.” Pero sa totoo lang di ko alam ang gagawin ko.

Pwede naman akong magbigay ng kahit anong sagot lang. “Maganda. Matalino. Mabait. Thoughtful. Caring. True friend.” Nakailang beses ko nang tinype at binura ‘yan. Kaso pakiramdam ko ‘eto na ang tamang pagkakataon. Baka hindi na ako mabigyan ulit ng ganito. Kaya kahit nag-aalangan ako na sa ganitong paraan mo malaman, sinend ko ang reply ko:

“Alam mo ba, matagal ko na siyang gusto. At hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya. HAHAHAHAHAHA bye usap tayo soon.”

You Might Also Like

0 comments: