filipino,
Literary: Kapag Matanda Ka Na
Kapag matanda ka na at di na makagalaw
Maupo ka sa isang tabi
Alalahanin ang mga kahapon
Noong nagtatampisaw ka sa ulan, nakikipaghabulan
Ang dami mong nilaro nu'ng bata ka
Hindi ba?
Holen, baril-barilan, tagu-taguan
Trumpo, piko, patintero, lutu-lutuan
Kay simple, kay sarap ng buhay
Kapag nasugatan, nand’yan naman si Inay
Nakahanda ang bulak at gamot
Ilang araw, mawawala rin ang kirot
Kapag matanda ka na at di na makagalaw
Maupo ka sa isang tabi
Alalahanin ang mga kahapon
Noong unang beses kang kinilig, umibig
Ang sarap sa pakiramdam ng pagmamahal
Hindi ba?
Maglalakad nang magkahawak ng kamay
Sa nangyayari sa mundo, wala kang malay
Pero hindi pala ganoon kasimple
Napakalaking sugat, naiwan sa iyong puso
‘Di kaya ng bulak at gamot
Na pigilin ang pagdurugo
Kapag matanda ka na at di na makagalaw
Maupo ka sa isang tabi
Alalahanin ang mga kahapon
Noong natuto kang tumaya, sumugal
Ang dami mong isinuko
Hindi ba?
Oras, kasiyahan, kaibigan
Dahil ang gusto mo lang ay pera, ang pera ay iyong kailangan
Nakalimutan mong nang maglaro, magpakasaya
Nakalimutan mong nang umibig, kiligin
At iyon ay dahil natuto kang sumugal
Umasa na balang araw ay babalik din ang lahat ng iyong itinaya
Pero wala ka nang baraha
Wala ka nang maitataya pa
Ang kalaban mo na ang magsasabi sa’yo
Na sa laro ng buhay, ikaw ang talo
Kapag matanda ka na, sa iyong huling hininga
'Wag kalilimutan ang mga tira, bawat estratehiya
At baka sa susunod na laro ng buhay
Ikaw naman ay magtatagumpay
0 comments: