filipino,

UPIS nanindigan laban sa paglilibing kay FM sa LNMB

11/30/2016 08:25:00 PM Media Center 0 Comments



Nagtipon ang mga estudyante ng UPIS 7-11 upang ipahayag ang kanilang opinyon laban sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Jr. (FM) sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) noong Nobyembre 18, 2016 sa ganap na 11:30 ng tanghali sa UPIS Quadrangle.

SIGAW NG ISKO’T ISKA. Sama-sama sa pagpapahayag at pakikinig sa kani-kaniyang saloobin ang mga mag-aaral ng UPIS. 
Photo credit: Prof. Cathy Atordido



Ang pagtitipon ay pinangunahan at inorganisa ng Pamunuan ng Kamag-aral (pKA) 7-10. Ang pKA ay nauna nang magplano ng programa sakaling i-anunsyo ang petsa ng paglilibing kay Marcos sa LNMB. “Sa totoo lamang po, ang programa na isinagawa noong Biyernes ay simula pa lamang ng iba't ibang programa na binabalak ilunsad ng Kamag-Aral ukol sa isyu. Sa katunayan, kami rin ay nakapagplano na po ng programa sakaling i-anunsyo ang petsa ng paglilibing kay Marcos sa LNMB. Nagulat talaga kami nang malaman naming sa tanghali ding iyon mismo ililibing ang diktador, ngunit hindi po namin itinigil ang paglulunsad ng programa,” paliwanag ni Ron Castro, ang pangulo ng pKA 7-10.

Nagpahayag ng pagtutol aang ilang mag-aaral na mailibing sa LNMB ang dating pangulo.. Ilan sa mga puntong binanggit ng mga estudyante ay ang hindi paghingi ng tawad ng pamilya Marcos sa mga inhustisya noong panahon ng Martial Law. Binanggit rin nila na hindi ito makatarungan para sa mga naging biktima ng panahong iyon lalo na iyong mga desaparecidos.

Opisyal na binuksan ni Bb. Iszy Taj Ono Catangcatang ng Kilusang Araling Panlipunan (KAP) 3-6 ang programa na sinundan ng pagpapahayag ng saloobin ng mga kinatawan ng KAP, UPIS Media Center (MC), Freshmen Association (FA), Sophomores’ Association (SoA), Juniors’ Association (JA), Senior Council (SC), Grado 11, at pKA 7-10. Nag-alay naman ng awitin ang grupo nina Jomer Dula, Rene Rollon II at Franz Candido.

Matapos ang pagpapahayag ng mga saloobin ay nagkaroon din ng noise barrage bilang tanda ng pagtutol ng UPIS sa paglilibing kay Marcos sa LNMB.


ISIGAW MO. Isinisigaw ng mga Isko at Iska ang kanilang pagtutol sa naganap na paglilibing.
Photo credit: Enzo Bautista


“Tinuloy po namin dahil ang layunin namin ay una, maipaalam sa lahat ang saloobin ng mga mag-aaral kaugnay ng pasyang mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos; ikalawa, mahikayat ang mga iskolar ng bayan ng UPIS na magkaroon ng paninindigan sa mga isyu ng lipunan; at ikatlo, ipahayag na di-kailanman pahihintulutang magtagumpay ang kawalan ng hustisya sa ating bansa. Hangad lang po namin na maging mulat at muling buhayin ang diwang ISKO sa bawat mag-aaral ng UPIS,” pahiwatig ni Castro ukol sa mga layunin ng programa.

Samantala, ilang mag-aaral din ng UPIS, kabilang ang pKA, ang lumahok sa pagkilos na isinagawa ng nagkaisang UP Diliman (UPD), Ateneo de Manila University, at Miriam College noong parehong araw, 4:00 n.h.

HIGH SCHOOL NG BAYAN. Nirepresenta ni Ron Castro ang UPIS sa isinagawang pagkilos sa AS Steps ng UP Diliman.
Photo credit: Joshua Suarez


Ang programa sa UP Diliman ay ginanap sa AS Steps ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP). Muling inihayag ni Castro ang paninindigan ng mga mag-aaral ng UPIS sa isyu. Nagpahayag din ng kani-kanilang saloobin ang mga opisyal at organisasyon sa UPD.
Matapos ang programa ay nagmartsa ang mga nakiisa patungong Katipunan Avenue, kung saan sinalubong nila ang mga mag-aaral ng Ateneo at Miriam para sa aksyong tinawag na #OccupyKatipunan. //nina Trisa de Ocampoa at Hanzvic Dellomas

KATIPUNAN. Pinagtibay ng mga isko’t iska ang kanilang paninindigan nang magmartsa sila mula UP Diliman tungong Katipunan.
Photo credit: Hillary Fajutagana

You Might Also Like

0 comments: