Showing posts with label Roslyn. Show all posts

Literary: Leron, Leron Sinta




Leron, leron sinta, buko ng Papaya,

Scroll, scroll, scroll
Mapupudpod na ang daliri,
Napatigil nang tumapat sa’yong ngiti,

Sa ganda mo ay nabighani,
Ika’y nasa baba ng People you may know,
Parang mas bagay ang People I need to know?

YOLO ika nga nila,
Friend request ay agad na ipinadala,
Wala pang isang minuto, tinanggap mo na,
Naririnig ko tuloy ang kanta nina Taylor at Ed,
Everything has changed.
Ngunit, paano ko naman ‘to sisimulan?

Dala-dala’y buslo, sisidlan ng bunga,

Kinilig, kinabahan, pinag-isipan
Sa “ay-napindot” ko na lang ba idaraan?
Bahala na nga si Batman!
Nagpadala ng “aksidenteng” like
Kasabay nito ang mensaheng,
“Ay sorry, napindot haha.”

“Okay lang iyon!” ang tugon mo.
Tumibok nang napakabilis ang puso
Parang ginanahan akong maglinis ng kuwarto,
Nagpakilala ako’t ganoon din ikaw
At dito na nagsimulang maglayag
Ang barko ng pag-ibig ko sa’yo.

Pagdating sa dulo, nabali ang sanga,

Araw-araw ang ating usapan
Hanggang ika’y makatulog at hindi na ako ma-replayan.
Hihintayin ko ang iyong muling paggising
Upang masabi ko na ang aking linyang, “Hello, good morning!”
Maya-maya tumunog ang cellphone ko, nagulat ako sa mensahe mo
“Uy, may sasabihin ako sayo.”

“Oh ano iyon?” ang sabi ko
Panginoon ito na ba? Magkaka-jowa na ba ako?
Tumunog muli ang cellphone ko,
“Sorry hindi na tayo pwede mag-usap
Magmamadre ako at papasok na ako sa kumbento bukas
Ipagdadasal na lang kita, salamat sa lahat.”

Kapos kapalaran, humanap ng iba,

Ah, magmamadre pala siya
Hindi ko naisip, hindi ko inakala.
Matagal akong natulala
At ang tanging tugon ko sa kaniya,
“Salamat din sa lahat,
Ipinauubaya na kita sa Kanya.”

Scroll, scroll, scroll na lang muli
Hanggang sa mapudpod ang daliri,
Swipe left at swipe right sa iba’t ibang dating apps
Ngunit wala akong magustuhang iba
Kumusta na kaya siya?

Literary: Balay





Inspired by true events

Maliit na tahanan,
Saksi sa buhay at samahan
Ng pamilyang nanirahan
Buhay nila’y batbat ng kahirapan
Ngunit pitong mga bata ay puno ng kasiyahan,
Dalawang magulang ibinigay ang buong kakayahan,
Maibigay lamang kanilang pangangailangan,
Makaraos mula sa kahirapan

Maliit na tahanan
Gawa man sa kawayan,
Sa pagbuhos ng mga bagyo’t ulan,
Nanatiling matatag mula sa kinatatayuan,
Pamilyang naniraha’y sa pagsubok din ay dumaan
Sila’y kinutya’t pinagtawanan
Ng mga taong nakapaligid
Tila raw ba’y hindi na nila maaabot ang kinabukasan

Maliit na tahanan,
Puno ng pag-aalinlangan,
Paano matutustusan ang pagpasok sa paaralan?
Ano pa ang maaaring kabuhayan?
Anong sakripisyo pa ang kailangan?

Maliit na tahanan,
Muntik mawalan ng kulay
Pamilya’y halos mawalan ng pag-asa sa buhay
Dumanas ng lungkot at lumbay
Ngunit dahil sa matatag na haliging Tatay
At maliwanag na ilaw ng Nanay
Sama-sama nilang hinarap nang hawak-kamay
Ang daang tungo sa buhay na matiwasay

Maliit na tahanan,
Ngayo’y nabibingi sa katahimikan
Pitong bata’y may sari-sarili nang sambahayan
Sa malalayong dako naninirahan
Matagumpay sa kani-kaniyang paraan

Maliit na tahanan,
Nasaksihan ang kuwento ng nakaraan,
Alalahanin at muli itong babalikan,
Ngingitian, pasasalamatan
Nang may kaginhawaan
Naging kasangkapan
Sa pagbuo ng matibay na samahan
At pag-ibig na magtatagal magpakailanman


Literary: Brave Soul



Brave soul,
I may not know you
But your eyes whisper
How many tears were poured
Over the scars
That deeply hurt you,
Over the past
That weighs on your heart,
Over the thoughts
Dying to be heard but
Never spoken

Brave soul,
Hear what I say,
Cry, cry until the past lightens,
Until scars are healed,
Heed what is yet to come
Shrug off what has been

Brave soul,
Remember the path you’ve taken
For each step is not in vain
Each is a lesson and
A reason
To take another

Literary: Magkakaibang Basehan ng Kaligayahan



Ano ang basehan ng kaligayahan?
Magandang kabuhayan,
Lakas ng kalooban,
Ngunit isipa’y walang kapayapaan,
Puso’y may kabalisahan

Ano ang basehan ng kaligayahan?
Pagdulog sa Diyos ng kalangitan,
Hihingi ng kahit kaunting kasiyahan,
Kahihintay, walang kasagutan,
tila hindi nakakamtan

Ano ba ang basehan ng kaligayahan?
Malalapit na kaibigan,
Pamilyang nasa tahanan,
Sa panahon ng kadiliman,
Hindi ko na masilayan

Ano nga ang basehan ng kaligayahan?
Masasayang ngiti, mga tawanan,
Ngunit kinagabihan,
Nababalot ng kalungkutan,
Mga mata’y luhaan

May mga basehan ako sa kaligayahan
Mahirap nga lang ilahad ang kabuuan
Pero para sa akin ito’y nararapat
At akin itong pinaniniwalaan
Na hindi magbabago kailanman

Buo ang aking mga mahal sa buhay
Sa hirap man o ginhawa
Dumadaan man sa pagsubok at kahinaan
Hinding-hindi kami maghihiwalay
Kahit pa kami’y magkatampuhan

Pangarap na nais kong makamtan
Makapagtapos ng aking pag-aaral
Paglingkuran ang aking bayan
Aking panalangin sa Maykapal

Malagpasan ang mga hamon ng buhay
Mamuhay nang masaya’t makulay
Makita ang mga ngiti sa labi ng aking magulang
Walang labis, walang kulang

Para sa akin ito ang ilang basehan
Pero para sa iyo iba ang posibleng dahilan
Kapwa di natin pwedeng husgahan
Magkakaibang basehan ng kaligayahan

Literary: Sa Ngalan ng Kalayaan



Ano para sa iyo ang kalayaan?
Kalayaan maging masaya
Kalayaan mula sa puso ng iba
Kalayaan maipahayag ang iyong nadarama
O kalayaan para sa iyong bansa

May iba’t ibang depinisyon
Na may kaukulang opinyon
Para sa iyo, ano ang sagot?
Ihayag mo nang walang takot.

Hindi ko maintindihan
Bakit ba mahalaga ang paglaya
Tungkol ba ito sa pagpaparaya
Gusto ko itong maunawaan
Kahit sa simple mong mga salita

Gusto kong malinawan
Gamit ang iyong pagtingin sa salitang kalayaan
Huwag kang mag-alalang magpahayag
Interpretasyon mo ay walang kamalian
Gusto ko lang malaman
Ano ang pagtingin mo sa salitang iyan

Kalayaan, mabigat na salita,
Magaan sa damdamin,
Tunay, maraming ibig sabihin
Maraming maaring tukuyin
Ngunit ano ito sa akin?

Pagkawala sa kulungan
Na pumigil sa kagustuhan,
Pagkawala sa mga posas,
Ang pagtanaw ng bagong bukas

Paggawa ng walang pagpapaalam,
Walang kailangang permiso
Pagkilos na ayon sa sigaw ng puso
Kumportableng paggalaw ng katawan
Walang dumidikta sa mga gawa ko

Kalayaan, kay sarap tamuhin
Napakahirap namang kamtin
'Pagkat marami ang nakahahadlang
Ibang tao man o sarili
Iyan ang aking kalayaan.
Naliwanagan na ba ang kaisipan?

Literary: Ang Aking Sariling Perya




Tuwing umuuwi na ang araw pabalik sa kalangitan, dumarating na ang buwan. Kasabay ng paglalim ng gabi ay ang pagpapahinga ng mga tao. Sa kabilang banda, sa aking madilim at maliit na kuwarto ako nakahiga at namamalaging gising kasama ang nagliliwanag na kaisipan.

Naroon akong nakasakay sa tumatakbong tsubibo na siyang pinakamaliwanag sa lahat. Kasama ng umaalingawngaw na tunog ang aking pagbabalik-tanaw sa masasaya kong alaala. Aking binabalik-balikan at inuulit-ulit na patakbuhin ang mga kabayong sakay ang mga walang hininga kong tawa, ang mga pagkakataong nakasama ko ang aking mga kaibigan, at ang panahong kumpleto pa ang aming pamilya. Ang mga pangyayaring hanggang ngayon ay nakapagdadala pa rin sa akin ng ligaya.

Kinumutan ko ang aking sarili at sa pagbaba ko ng aking maligayang tsubibo ay natanaw ko ang itim na bumper cars kong patuloy na nagkakabungguan. May pagkagulat na nadama ang aking puso. Nakikita ko ang mga bumper cars kong dala ang mga problema kong sumisigaw ng dalita sa aking pamilya, kabiguan sa pag-aaral, hindi pagkakuntento sa sarili, at toxic na pagkakaibigan. Ayaw ko nang puntahan ang ride na iyon sapagkat tanging sakit sa puso lamang ang aking aabutin.

Humarap ako sa aming kisame at napadpad ako sa aking katakot-takot na horror house na ang tema ay ang hinaharap. Madilim ito at hindi ko malaman kung ano ang sasalubong sa akin. Nanginginig ang aking mga kamay habang ako’y pumapasok dito. Samu’t sari ang mga bagay na hindi tiyak. Saan ako magkokolehiyo? Ano ang aking kukuning kurso? Saan ako magtatrabaho? Tanging malalalim na hininga na lamang ang aking maisasagot sa mga katanungang ito.

Hindi ko na naisipan pang tapusin ang horror house sapagkat hindi kinakaya ng aking isipan ngayon na alalahanin ang mga bagay na iyon. Sa pagyakap ko ng aking unan ay aking narating ang ferris wheel ko. Hindi ako binibigo ng ferris wheel na ito na tanawin ang aking buhay. Natutulungan niyang mapagtanto nang maigi ang aking buhay. Nakapagdadala ito ng malaking kaginhawaan sa aking pakiramdam. Sa patuloy na pag-akyat nito ay natatanaw ko na ang napakahaba kong roller coaster ng nakaraan. Dito ay nagkaroon ng maraming mga ups and downs, may paikot pa nga eh. Pinaaalala nito na kung kinaya kong pagdaanan ang ride na iyon ay kakayanin ko ring pagdaanan pa ang mga nalalabing ride na aking kinatatakutan.

Sa pagharap ko sa aking pader ay tumilaok na ang manok ng aming kapitbahay. Hindi ko napansing nagliliwanag na ang kalangitan at kumakaway nang muli ang araw.

Nagsimula nang mamatay ang mga ilaw ng aking sariling perya.

Literary: Liham




Aking minamahal,

Kumusta? Kumain ka na ba? Anong oras ka natutulog? Maligaya ka na ba?

Hindi naging madali ang iyong paglalakbay. Humarap ka sa mga mababatong daanan, matataas na bundok, at malalakas na bagyo. Sana'y sa dulo ay makahanap ka ng kapayapaan. Sa iyong paglalakbay, marami kang naging mga kaibigan at malalapitan ngunit sana'y matandaan mong hindi kita iniwan. Sa mga panahong nabasag ka ay tinulungan kitang mabuong muli. Sabay tayong lumaban sa mga pagkakataong wala tayong ibang maasahan.

Ngayong nasa bagong kabanata ka ng iyong buhay, humanap ka ng mga bagay na makapagpapasaya sa’yo. Ang kasiyahang tuturuan kang lumangoy sa dagat ng problema at handa kang hatakin sa kadiliman ng kalungkutan. Kilalanin mo ako at sabay tayong tutuklas ng mga bagay na makapagbibigay sa atin ng ligaya. Kilalanin mo ang mga nagpapalakas at humihila sa atin pababa. Sa prosesong iyon, magiging matatag tayo at matutunan mo na rin akong pagkatiwalaan.

Tanging ako lamang muna ang iyong mahalin sapagkat hindi ka pa handa para sa isang pagmamahal na kasama ang ibang tao. Ako muna bago ang iba! Tunog makasarili ngunit darating din ang araw na iyong mauunawaan ang aking nais iparating.

Balang araw, sa panahong natutunan mo na akong mahalin, hindi ka na mahihirapan pang maglakad at sumulong sa mga daanang ibibigay sa’yo ng buhay.


Nagmamahal,
Sarili