Showing posts with label musika. Show all posts

Literary: Limang Pamamaraang Aghamusika



1. Paggawa ng Tanong

Bakit tila parang bumaba ng limang oktaba ang ating awitin?
Bakit imbis na may kasamang harmonya, ang natira na lamang ay melodiya?
Bakit parang sintunado na ang ating tono?
Bakit parang unti-unting nawawala ka na sa tono?


2. Pagbuo ng Hypotheses

Siguro ay hindi ko lang malimutan ang tugtugin natin.
Siguro hindi ko lang talaga makalimutan ang tulad mo,
Na kahit hindi mo na kayang tugtugin ang awit natin,
Pilit kong ipinaririnig at ipinaalala ang nakaraan natin.

3. Mga Hula

Hindi tugma ang himig mo sa liriko ng diwa ko.
Hindi naman sa hindi kayang pagtugmain,
Pero hindi ko lang talaga kayang ipilit ang mga salitang,
Malayong-malayo sa tono mo.

4. Eksperimentasyon

Sinubukan ko tugtuging muli ang ating kanta nang wala ka.
Sinubukan kong balikan sa isip ko ang lahat na kasama.
Subalit parang may mga tono’t liriko na talagang hindi ko masundan.
Ang pagkawala mo’y sadyang nag-iwan ng patlang.

5. Pagwawakas

Laos na ang kantang hinabi natin mula sa munting alaala.
Masyado tayong nagmadali sa pagsusulat ng isang awitin,
Tama naman ang lirika, ang tono, ang kanta, ang lahat.
Talagang mali lamang ang umaawit.

Literary: MusIkaw



Sa bawat nota,
Aking naaalala noong una kitang makilala,
Kung paano ang lahat ay nagsimula,
Nagsimulang magkakulay at tila gumanda.

Sa bawat himig,
Naaalala ko ang una nating pag-ibig,
Kung saan tuwing makikita kita ay nakakakilig,
At sa tuwing kasama kita, tila tumitigil ang buong daigdig.

Sa bawat musika,
Naaalala ko na lagi tayong magkasama,
Sa hirap man o sa ginhawa,
Ikaw at ako, wala nang iba pa.

Ngunit, sa bawat chorus ng kanta,
Naaalala ko kung paanong lahat ay nag-iba,
Kung paano ka biglang nanlamig at nagsawa,
Nang hindi ko man lang alam kung anong mali ang aking nagawa.

Sa bawat linya ng awit,
Naaalala ko ang pait,
Ang lahat ng hinaing at sakit,
Nang ika’y makahanap ng kapalit.

At sa bawat pagtatapos ng kanta,
Naaalala kong ako ay dapat na maging masaya ,
Ang kailangan lang ay imulat ang aking mata,
Sa mga taong nandyan lang para tulungan akong muling magsimula.

Literary: Nakakabinging Musika



Ikaw ang hinahanap na salita sa kulang kong kanta
Ikaw ang hinahanap na nota sa walang tono kong gitara
Ikaw lamang ang hinihintay na kukumpleto sa aking buhay
Ngunit bakit ako’y iyong iniwan? Buhay ko’y nawalan ng kulay

Ikaw ang aking naging musika sa mga nakalipas na mga buwan
Marinig ka lang kumanta, biglang naglalaho ang kalungkutan
Hinahanap ka bawat sandali, bawat oras, bawat minuto
Ngunit nasaan ka ngayon? Bakit winasak mo ang aking puso?

Akala ko ikaw na ang musika na para sa akin
Pareho ka lang pala nila na naglalaho matapos ibigin
Hindi ko maalis ang iyong boses sa aking isipan
Hanggang kalian kayang tiisin? Ako din naman ay nasasaktan

Akala ko ikaw na ang musika na sa akin ay magpapaligaya
Tulad ka din pala nila na mabilis magsawa
Nang ika’y mawala, mundo ko'y napuno ng katahimikan
Rinig na rinig ang tibok ng puso't napagtatantong may tunog na kulang

Paano ko nga ba makakalimutan ang isang musikang napakaperpekto?
Ikaw ba’y aking hahabulin o maghahanap na lang ng bago?
Siguro ay titiisin na lang ang sakit na dulot ng pag-ibig
Mas gugustuhin ko pang mabingi kaysa kailanman ay hindi ka na marinig.

Literary: Ingay at Musika


Nakakaasar ang iyong boses
Tuwing naririnig kita, ako’y naiinis
Malakas, mababa at nang-aasar
Ang boses mo’y tila may dinadalang yabang

Nakakawili ang iyong tinig
Tila hinehele ako tuwing ika’y nadidinig
Matinis, malumanay at nakakaaliw
Ang boses mo’y tila may dinadalang saya

Minsan ika’y nang-iinsulto
Sa pamamagitan ng pag-iingay (mo)
Sinusubukan mo pa akong mauto
At alam mo namang di iyan gumagana sa akin, di ka na natuto

Minsan ako’y nagpapapansin
Sa pamamagitan ng pang-aasar (ko)
Pinipilit kong ika’y pakiligin
At tumingin sa akin (nang) may damdamin,
sana’y may pag-asa pa ako

Tuwing ika’y napakikinggang kumanta
Ako’y natatangay sa iyong kahanginan, napapapikit ng mata
Sana’y tigilan mo na ang pagpapasikat mo
Dahil naiirita na ako sa iyo

Tuwing ika’y napakikinggang kumanta
Ako’y nawawala sa iyong musika, napapapikit ng mata
Sana’y tumingin ka sa akin at purihin ako
Dahil nahuhumaling na ako sa iyo


Bakit ba ang musika mo ay tila ingay sa akin?

Bakit ba ang musika ko ay tila ingay sa iyo?

Literary: Sa Likod ng Aking Musika



Nang tugtugin ko ang aking gitara,
Iyong tinanong "Bakit ka masaya?"
Nagulat ako na iyong nahulaan,
Ang sa puso’y aking nararamdaman.

Nang daanan ng mga daliri ko ang tiklado ng piano,
Tinabihan mo ako at sinabi sa akin,
"Huwag ka nang malumbay."
Paano mo na naman nalaman?

Nang hampasin ko ang tambol,
Pinigilan mo ang aking kamay.
"Mawawala rin ang init ng ulo mo,"
Ang siya mong malambing na bulong.

Nang hipan ko ang plawta,
Hinagkan mo ako’t hinaplos ang aking likod.
"Malalaman mo rin ang tamang sagot."
Tama ka, dahil ako ngayon ay nalilito.

Hindi ko alam kung paano.
Dahil siguro’y kilala mo na ako
Na kahit sa simple kong mga tugtugin,
Ang nadarama ko’y iyong nadarama rin.

Kaya pumasok na lamang sa aking isipan,
Na bakit hindi ko na lang idaan sa awit.
Baka sakaling maiparating sa iyo
Na ikaw ay aking lihim na iniibig.

O, baka naman pati ‘yon ay alam mo na rin?