bahaghari,
Literary: Sa Likod ng Aking Musika
Nang tugtugin ko ang aking gitara,
Iyong tinanong "Bakit ka masaya?"
Nagulat ako na iyong nahulaan,
Ang sa puso’y aking nararamdaman.
Nang daanan ng mga daliri ko ang tiklado ng piano,
Tinabihan mo ako at sinabi sa akin,
"Huwag ka nang malumbay."
Paano mo na naman nalaman?
Nang hampasin ko ang tambol,
Pinigilan mo ang aking kamay.
"Mawawala rin ang init ng ulo mo,"
Ang siya mong malambing na bulong.
Nang hipan ko ang plawta,
Hinagkan mo ako’t hinaplos ang aking likod.
"Malalaman mo rin ang tamang sagot."
Tama ka, dahil ako ngayon ay nalilito.
Hindi ko alam kung paano.
Dahil siguro’y kilala mo na ako
Na kahit sa simple kong mga tugtugin,
Ang nadarama ko’y iyong nadarama rin.
Kaya pumasok na lamang sa aking isipan,
Na bakit hindi ko na lang idaan sa awit.
Baka sakaling maiparating sa iyo
Na ikaw ay aking lihim na iniibig.
O, baka naman pati ‘yon ay alam mo na rin?
0 comments: