filipino,

Opinion: Utang na Loob!

3/08/2017 08:27:00 PM Media Center 0 Comments



Kilala ang mga Pilipino bilang isa sa pinakamayaman sa kultura’t tradisyon. Nandiyan ang paggamit ng “po” at “opo” bilang paggalang, ang pagmamano sa mga nakatatanda, at iba pa. Bukod sa mga nabanggit na kaugalian ay may pinanghahawakang halaga ang ating lahi, ang utang na loob.

Sa konsepto ng utang na loob ng mga Pilipino, sinusuklian ng kabutihan ang paggawa ng kabutihan bilang pasasalamat at pagkilala sa kapwang tumulong sa isang tao. Isa ito sa mga kaugalian na nagpapakilala sa mga Pilipino at humihikayat sa kanilang kusang loob na tumulong sa kapwa. Gayunpaman, kahit mabuti ang hangarin ng naturang ugali, may masasamang epekto pa rin ito sa mga tao.

May dalawang uri ng “utang na loob”. Ang una ay ang tinatawag na kagandahang loob kung saan ang pagtulong ay kusa at mula sa puso. Ang kagandahang loob ay ang pagtulong na kusang ibinibigay nang walang hinihinging kapalit. Ang ikalawang uri naman ay ang utang na loob na may hinihinging kapalit. Ibig sabihin, tila obligasyon ng nakatanggap ng tulong na suklian o ibalik sa taong tumulong ang kanyang ginawang kabutihan.

Madalas na mapapansin ang kaugalian ng utang na loob sa maraming pagkakataon. Sa kabila nito, naipagkakaiba ba natin ang kagandahang-loob sa utang na loob na may hinihinging kapalit?

Gayong maganda ang pagtanaw ng utang na loob, hindi natin napapansing posibleng nasisira nito ang kusang pagtulong dahil sa inaasahang kapalit ng isang tao. Maaaring ginagamit ng isang tao ang utang na loob bilang kontrata para sa kaniyang pansariling interes. Halimbawa, maaaring tumutulong lang ang isang pulitiko sa mga mamamayan upang magamit niya ang utang na loob at mahimok ang mga taong iboto siya sa eleksyon. Hindi ito tama dahil una, ang pagtulong sa mamamayan ay tungkulin at responsibilidad ng mga pulitiko. Ikalawa, hindi dapat gamitin ng sinuman ang isang kagandahang-asal para sa pansariling kapakanan.

Ang salitang “utang” ay nangangahulugang kailangan mong bayaran ang isang bagay kapalit ng isa pa. Ang pagtanaw ng utang na loob ay parang pagbibigay ng obligasyon sa taong iyong tinulungan na bayaran ka sa oras na singilin mo sila. Samantala, ang “kagandahang-loob” ay nangangahulugang nagbibigay ka ng tulong nang kusa at taos sa puso. Samakatuwid, hindi mo inoobliga ang isang tao na suklian ang iyong kabutihan. Hindi ba’t mas magandang pakinggan ang “kagandahang-loob” kaysa sa “utang na loob”? Mas magandang sabihin na kusa kang tumulong nang walang inaasahang kapalit kaysa tumulong ka pero hinihintay mo namang ibalik nila ito sa iyo.

Kaya sa susunod, tandaan na kapag tayo’y tumutulong sa ating kapwa, gawin natin ito nang may kusang loob at hindi dahil nais natin itong tanawin bilang utang na loob. Kahanga-hanga ang taong tumutulong nang kusa kaysa iyong naghihintay ng kapalit. //nina Maria Gacad at Rachel Siringan

You Might Also Like

0 comments: