filipino,

Literary: Himpapawid

6/11/2021 05:59:00 PM Media Center 0 Comments





Para sa aking minamahal,

Kumusta ka na? Nais ko lamang na malaman mo na naiisip pa rin kita. Nasanay kasi ako na lagi kang nasa aking tabi. Ngayon na wala ka rito, lagi kong naiisip kung ayos lang ba ang iyong kalagayan o ‘di kaya ay kung masaya ka ba diyan. ‘Wag mong kalimutan ang mga paalala ko sa‘yo ah! Makakalimutin ka kasi eh. Minsan nga naiisip ko baka pati ako ay nakalimutan mo na. Biro lamang, alam ko namang pinahahalagahan mo pa rin ako.

Nais ko ring magpasalamat dahil hindi mo ako iniwan noong mga panahong walang-wala ako. Salamat sa pag-aaruga mo sa akin. Salamat sa mga payo mo tungkol sa buhay. Salamat sa laging pagpapaalala sa akin na ako ay sapat. Maraming salamat sa lahat. Napakabait mong tao, mapagbigay at maalaga. Madalas kong hinahanap ang pakiramdam sa iyong piling. Ilang taon na rin kasi ang nakalipas noong huli kitang nakita, nakausap, at nahagkan. Subalit, kahit ilang taon na ‘yon, ramdam ko pa rin ang ‘yong mga yakap. Hinding-hindi ko makakalimutan ang iyong boses, lalo na ang iyong mga tawa tuwing ako ay nagbibiro.

Alam mo, lagi akong tumitingin sa langit. Tumitingin ako sa mga ulap habang nagbabakasakaling ikaw ay masilayan. Hindi ko pa rin mawari kung bakit kinailangan mong lumisan. Nang mawala ka sa‘kin, gumuho ang aking mundo. Nawala ang pinakamamahal ko. Lumipas ang panahon at natutunan ko na ring tanggapin ang iyong pagkawala. Hindi dahil gusto ko, kundi dahil kailangan ko. Para sa akin.

Naalala ko pa dati ang pangako mo, “Ikaw at ako, laban sa mundo. Tayo hanggang dulo.” Kasama kita sa pagplano at pagbuo ng mga pangarap ko at pangarap natin. Kasabay kita sa paglipad patungo sa ating inaasam na destinasyon. Sabay nating hinarap ang mga kalamidad ngunit nang ikaw ay mawala, para akong eroplanong naiwan sa himpapawid. Nawalan ako ng direksyon. Nawalan ako ng lakas upang makalipad patungo sa ating destinasyon. Ngunit gaya ng sabi mo, “Hindi tumitigil ang pag-ikot ng mundo.” Hindi ako maaaring manatili sa himpapawid, kailangan kong makarating sa destinasyong dati nating inaasam.

Sa kasalukuyan, ako ay namumuhay nang walang pinagsisisihan. Patuloy akong nagsisikap at nagtatrabaho upang makamit ang aking mga pangarap. Nakakatakot mang isipin kung ano ang inihanda ng hinaharap para sa akin, sasalubungin ko pa rin ito nang may ngiti.

Hindi ako mawawalan ng pag-asa dahil alam kong magkikita pa tayo. Sa tamang oras at panahon, muli tayong makalilipad patungo sa ating destinasyon. Patuloy mo lang akong gabayan at bantayan mula sa iyong kinaroroonan.

Tandaan mo na ikaw pa rin ang aking pipiliin sa susunod na habang buhay.

Hanggang sa muli,

Luna

You Might Also Like

0 comments: