filipino,

Literary: Selda

6/11/2021 06:46:00 PM Media Center 0 Comments





Paubos na ang papel sa ilalim ng aking unan
Pagod na rin ako sa pagpapanggap
Alam kong nababasa mo ang paghingi ko ng kapatawaran
Nagkukunwari ka lang na hindi mo natatanggap

Malinaw ko pang naaalala ang gabing iyon
Noong dinampot nila ako sa iyong harapan
Hindi ko malilimutan ang galit sa mukha mo noon
Ikinahihiya mo ako sa mga kasama mong kaibigan

Ngunit, gusto kong malaman mo na hindi rin kita masisi
Kahit ako ay hindi makapaniwala sa aking ginawa
Ang dasal ko lang, sana balang araw ako’y makabawi
Kung sakaling may milagro at ako’y lumaya

Ilang taon na akong sumusulat mula rito sa selda
Amoy ng rehas ay naging pamilyar na rin
Marami na akong nakasamang lumaya na
Kailan kaya darating ang akin?

Ngunit sa bawat araw na ako’y nakakulong
Wala akong sinayang na oras at iniisip ko lang ang hinaharap
Tinig man ng panghihinayang at pagsisisi ay laging bumubulong
Hindi nila ako mahahadlangan sa aking pangarap

“Anak, pangako kong magpapakatino ako para sa’yo
Pasensya na kung wala kang tatay sa tabi mo ngayon
Maramdaman mo lang ako, kahit ilang liham pa ay ipapadala ko
‘Di na bale kung wala kang sagutin sa mga iyon”


Habang ako’y nagsusulat ng liham ay bigla akong tinawag
Kumakalansing ang susi at kandado ng aking selda
“May dalaw ka,” isang boses ang bumigkas at nagpaliwanag
Hindi ako makatayo dahil parang hindi kapani-paniwala

Unang dalaw ko ito sa labinlimang taon,
Magbabago na kaya ang hinaharap ko mula ngayon?

You Might Also Like

0 comments: