filipino,

Literary: Voice012

6/11/2021 06:31:00 PM Media Center 0 Comments





Hindi ko inaasahang aabot sa ganito. Ano ba ang kasalanang nagawa ko sa Diyos? Bakit ganito ang kapalarang ibinigay niya sa akin? Sa atin?

Hindi ako mapakali. Nangangatog ang aking mga tuhod at ang sikmura ko ay tila ba umiikot sa sobrang kaba. Nanginginig ang aking mga kamay habang sinusubukan kong kumalma.

Alas dos na ng umaga nang ako’y tawagan ng kanyang ina. Hindi na raw nagre-respond ang katawan niya sa mga ibinibigay na gamot at patuloy na raw ang pagbaba ng kanyang vitals. Wala pa akong pahinga noon pero wala akong hinintay na segundo at tumakbo agad ako papunta rito.

Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Parang noong nakaraan lang ay nangangako pa siyang magiging maayos din ang lahat. Hinawakan pa nga niya ang mga kamay ko kahit nanghihina na siya para lang masabi na kakayanin niya. Binanggit niya pa ang kanyang mga plano para sa aming hinaharap—ang makadalo sa lahat ng concerts ng mga paborito naming banda. Hindi niya pa nga natapos sabihin ang lahat dahil sa dami at kailangan niya nang uminom ng gamot, pero tandang-tanda ko ang lahat ng iyon.

Alam kong wala ka pang pangakong hindi natutupad pero bakit ganito? Bakit hindi ako mapanatag? Bakit ang sakit ng katotohanang binubulong ng kutob ko sa akin?

Nasa loob na ng kwarto niya ang mga doktor at kami lang ng kanyang ina ang nandito sa labas. Alam kong nababalot din ng takot ang kanyang ina ngunit hindi ko rin alam ang sasabihin ko sa kanya. Hindi ko alam kung anong mga salita o kung may mga salita bang makakapagpagaan ng kanyang kalooban.

Habang ako’y dumudulog sa lahat ng Diyos na kaya kong tawagin ay bigla akong tinapik ng kanyang ina. Agad akong lumingon at napuno ng pagtataka kung bakit niya inaabot sa akin ang kanyang cell phone.

“Ang huli niyang sinabi sa akin kanina ay iparinig ‘to sa’yo kung sakaling may mangyari sa kanya. Nagalit pa ako at sinabi kong huwag siyang magsasalita ng gano’n pero siguro oras na para pakinggan mo ‘to,” sabi niya habang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.

Kinuha ko ang kanyang cell phone at tinignan ang nakalagay dito.





Isang voicemail na wala akong kahit na anong ideya kung ano ang laman. Ayoko mang isiping huling habilin niya ito ngunit dali-dali ko itong binuksan.

[VOICE012] • 0:01-0:06
“Siguro takot na takot ka ngayon, ano? Hindi ako mamamatay, huwag kang mag-alala…”

Tumulo agad ang aking luha nang marinig ang kanyang tinig. Tutuparin niya pa rin naman siguro ang pangakong kanyang binitawan pagkatapos ng lahat ng ito.

[VOICE012] • 0:10-0:21
“...Anyway, ginawa ko lang ‘tong voicemail para matuloy yung hindi ko natapos sabihin sa’yo nung nakaraan. Wrong timing kasi si Doc no’n eh, ano? Saktong-sakto na sasabihin ko na yung pinakagusto mong banda tapos biglang pumasok...”

Tuloy-tuloy lang ang daloy ng aking luha sa hindi ko alam na dahilan. Ang alam ko lang ay mas nakahinga ako nang maluwag habang pinapakinggan siya na parang normal lang ang lahat.

Ang natitirang mga banda na kanyang binanggit ay ang mga matagal ko nang pinapangarap na makitang magtanghal sa personal. Siguro, naisip niya na baka sumama ang loob ko noong ‘di niya natuloy sabihin ang mga ito na pinangako niyang pupuntahan namin ang mga concerts nang magkasama noon pa. Hindi talaga siya makakapayag na pumalya ang mga pangako niya.

[VOICE012] • 4:32-4:43
“...Ayun lang naman. Iniisip ko kasi baka magtampo ka na hindi ko nasabi yung dream concert destinations mo. Pupuntahan din natin lahat ‘yon, syempre! Okay na ‘yon. Hindi ko na pahahabain ‘tong voicemail, magkikita pa naman tayo.”

Sandaling tumahimik ang cell phone kaya napatingin ako kung tapos na ba ang voicemail. Mayroon pang iilang segundo at naisip kong baka katahimikan na lang ang natitirang laman nito. Umayos ako ng upo at pinunasan ang mga luha ko. Hindi na ako nanginginig kagaya kanina at mas gumaan ang pakiramdam ko sa kabuuan. Magkikita pa kami, ‘yon ang huli niyang sinabi at ‘yon ang panghahawakan ko mula ngayon.

[VOICE012] • 4:55-5:17
“...pero sa totoo lang, hindi ko sigurado kung dito pa. Magkikita pa tayo pero hindi ko na alam kung saan. But either way, see you soon! Dito man o sa susunod na buhay, hahanapin kita kahit saan. Akala mo matatakasan mo ako? Magkikita pa tayo ulit kahit anong mangyari! See you, my dream concert buddy.”

Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa sa huli niyang mga salita. Unang beses kong makarinig sa kanya ng pag-aalinlangan kung aayos pa ba ang lagay niya dahil lagi niyang sinasabing kakayanin niya. Ngayon, nang tinignan ko ang cell phone ay wala na itong karugtong. Yuyuko na sana ako upang ituloy ang aking paghagulgol nang biglang lumabas na ang mga doktor mula sa kanyang kwarto. Hindi ko masabi mula sa kanilang mga mukha kung maganda ba o hindi ang kinalabasan ng mga nangyari sa loob ngunit isa lang ang sigurado ako.

Ano man ang naging resulta, magkikita pa tayo. Hihintayin ko pa ring tuparin mo ang mga pangako mo kahit na sa susunod pang buhay. Lilibutin pa natin ang mundo upang mapanood ang mga gusto mong banda sa hinaharap. Kahit gaano katagal, basta, magkikita pa tayo.




You Might Also Like

0 comments: