filipino,

Literary: Ang Misteryosong User

6/11/2021 05:35:00 PM Media Center 0 Comments





Kanina pa hindi mapakali si Eddie sa posisyon niya—padapa-dapa, patiha-tihaya, at pakuyakuyakoy rin ang maliliit niyang mga binti. Nakasalampak siya sa sahig ng kanilang sala habang nakatutok sa kanya ang bentilador. Nilalaro niya na naman ang kanyang cellphone. Kinahuhumalingan niya ngayon ang Simbox, isang online simulation game kung saan pwedeng makagawa ng sarili mong avatar.

“‘Di ka na naman mapakali d’yan, ah,” bati ng ate niyang si Alex sabay tawa. Kakagaling niya lang sa kusina habang may dala-dalang platito ng mga biskwit. Nilapag niya ito sa mesa, kung saan siya mag-aaral. Buong hapon na naman siyang magbabasa sa laptop niya habang binabantayan ang kanyang kapatid. Hindi naman siya makalabas ng bahay dahil may pandemya.

Bigla na lang may lumabas na pop-up message sa screen ng nilalaro ni Eddie:

                    3ddieeiee1 sent you a friend request.

Pipindutin na sana niya ang decline nang mapansin niya ang username. Ang username ni Eddie ay 3ddieeiee, kaya napatigil siya nang makita na iisang numero lang ang pinagkaiba nila. Titig na titig si Eddie sa kanyang screen at sa wakas, napirmi na siya sa sahig.

Napuna ito ng ate niya.

“Uy, biglang tumahimik, ah,” pansin ni Alex, “siguro naglalaro ka ulit ng Simbox, no?”

Nakita ni Eddie na pinadalhan siya ng regalo ng misteryosong user. Tumingin siya agad sa ate niya.

“‘Te Lex, ano ulit yung scammer?” Pasimpleng tanong ni Eddie.

“Yung, ano, halimbawa: tatanungin ka kung sa’n ka nakatira, name mo, age, ‘saka password. Mga gano’n,” sagot ni Alex.

Pinindot na rin ni Eddie ang regalo. Otomatikong na-accept ang friend request.

Pero humabol ng paalala si Alex. “Basta ‘wag kang mag-a-accept ng di mo kilala, ah”.

Napa-oo na lang si Eddie. Pero ang totoo ay nasasabik na siyang gamitin ang natanggap niyang 200 coins. Iniisip niya na kung saan niya ito gagastusin. Tamang-tama, may kakasimula pa lang siyang baking mission! Handa na siyang mag-level up, kaya naman gusto niyang magbayad na lang ng coins imbis na maghintay pang matapos ang mission.

Sa sobrang tuwa niya, mistulang kiti-kiti na naman siya sa kanyang pwesto. Napahagikhik tuloy ang ate niya.

Makalipas ang ilang sandali, may ipinadala na naman ang misteryosong user. Pero ngayon, isang chat naman na, “Hi”.

Kinabahan si Eddie. Sinagot niya na lang tuloy ito ng, “more coins”.


                    “Hulaan mo muna work ko :)”


Pero bago pa niya ito masagot, pinatigil na siyang mag-cellphone ng ate niya. “4pm na, tama na ‘yan! Ito magmeryenda ka, oh, may biskwit.”

Wow, may cookies! Ito ang dahilan kung bakit gusto ni Eddie na matutong maghurno. Sa ngayon, sa Simbox niya pa lang ito nasusubukan. Hindi pa kasi siya pinapayagang tumulong sa pagluluto—at isa pa, binibili lang din naman nila ang cookies kaya ‘di niya rin alam kung paano ito ginagawa.

Kinabukasan, pagkatapos mag-agahan, tiningnan agad ni Eddie ang cellphone niya. Wala pang bagong chat ang misteryosong user. Hindi bale, tumaas naman na ang level ng kanyang baking skills kaya sisimulan na niya agad ang sunod na mission. Buong umagang naglaro si Eddie, hanggang sabihan siya ng ate niya na maligo na at maghanda na para mananghalian.

Noong binuksan niya ang Simbox matapos kumain, saka niya pa lang nakita ang chat ng misteryosong user. Eksaktong 12:13 ang nakalagay na oras ng pag-send nito.

                    “Game na. Sorry busy lang sa work.”

                                                                                                        “Pls more coins”

Gusto ring tanungin ni Eddie kung ano ang pangalan, edad, pati ang tirahan nitong user. Iniisip niya kung dapat niya bang kaibiganin ito dahil alam niyang marami itong coins. Pero natatakot din siya—baka isipin din ng kausap niya na scammer siya. Kaya hinihintay niya na lang ito na magbigay pa ng coins.

                    “Diba huhulaan mo muna work ko?”

                                                                                                                       “Ewan”

                    “Ang galing! Level 8 ka na pala na baker :O”

                    “Wow, siguro gusto mo maging real life baker?”

“Tanong nang tanong!” Naiinis na si Eddie sa kausap niya kaya hindi na niya ito sinagot. Hanggang sumapit ang ika-4 ng hapon, hindi na niya nakitang mag-chat ulit ang misteryosong user.

Lumipas ang ilang araw nang hindi nag-iiwan ng chat ang kausap ni Eddie. Hindi na rin muna tinuloy ni Eddie ang mga baking mission dahil masyado nang matagal ang pagtapos sa mga ito. Kung may coins pa siyang natitira, makaka-level up na sana siya.

Naisip niya tuloy i-chat ang misteryosong user isang hapon para manghingi ulit.

                                                                                                           “Level 12 na ko”

                                                                                    “Yes I wanna be real life baker”

Pagpatak ng 3:30, nagkaroon na ng chat notification si Eddie habang naglalaro.

                    Sorry busy ulit, daming customer

                    “Hmm me too haha!”

“Yehey!” Naisip ni Eddie na baka bigyan na siya ulit ng coins. At may dumating ngang regalong 400 coins mula sa misteryosong user.

                    See you soon! Pakabait ka. Help mo si Ate lagi :)”

Hindi na ‘to nabasa ni Eddie dahil dali-dali na niyang sinimulan ang susunod na mission. Sa wakas, makakaabot na rin siya sa level 15!

Woah, Eddie, may nakita akong news,” nasasabik na sambit ni Alex. Hindi niya maialis ang paningin niya sa artikulong nasa screen ng laptop niya. “Pwede na raw balikan sa Simbox ng users yung old accounts nila. Kailangan lang baguhin ang username pero di mase-save yung chats. Teka, may free 600 coins pa raw pag ginawa gano’n. Ang cool, ‘di ba!”

Pero dahil malapit na ang ika-4 ng hapon, tutok na tutok pa rin si Eddie sa paglalaro. Nang hindi man lang lumilingon sa ate niya, sumagot lang si Eddie ng isang malabong, “Mhm.”


You Might Also Like

0 comments: