filipino,

Literary: Hanggang sa muli

6/11/2021 06:10:00 PM Media Center 0 Comments





Hulyo 1, 2010

Ako si Nimuel, ako ay walong taong gulang at kasalukuyang nasa grado tatlo. Kaarawan ko ngayong araw kaya gumawa ako ng talaarawan at ito ang unang araw rito.

Agosto 13, 2010

Umuwi si Tatay galing ibang bansa at pinasalubungan ako ng maraming laruan. Si Tatay ay isang pintor na lumilibot sa iba’t ibang bansa upang magpinta ng mga lugar. Sa tuwing siya ay umuuwi, binibigay niya sa akin ang libro na koleksyon ng kaniyang mga naipinta.

Agosto 30, 2010

Pauwi ako galing sa eskwelahan habang bitbit ang photo album na binigay ni Tatay nang may tumawag sa’kin. May nakilala akong isang batang babae sa ilalim ng napakalaking puno na napapaligiran ng mga bulaklak malapit sa eskwelahan. Mas matangkad siya sa akin, maikli ang buhok, payat, malaki ang mga mata at bibig na palaging nakangiti. Ang pangalan niya ay Mahalia, ipinakita ko rin sa kaniya ang hawak kong libro ng mga larawan na likha ni Tatay. Bilib na bilib siya at gandang-ganda sa mga larawang laman nito, at nagtanong kung mayroon pa ba akong iba. Agad akong tumango at ngumiti dahil masaya ako na ako ay may bagong kaibigan.

Setyembre 6, 2010

Araw-araw, sa tuwing umuuwi ako pagkagaling sa eskwelahan ay agad-agad akong pumupunta sa tagpuan namin ni Mahalia habang dala ang mga larawan na likha ni Tatay. Ngayong araw ay ipinakita ko sa kaniya ang ipinintang dalampasigan ni Tatay sa Miami. Napakalaki ng ngiti ni Mahalia habang pinagmamasdan ang kulay bughaw na dagat pati ang mga ibong lumilipad sa ibabaw nito.

Agosto 17, 2010

Matapos naming maglaro ni Mahalia ng habul-habulan ay ipinakita ko sa kaniya ang mga likha ni Tatay noong siya ay nasa China. Tuwang-tuwa siya nang makita niya ang kabundukan at ang malaking pader na nagsisilbing tulay sa mga mamamayan nito. Pagkatapos ay maghapon na kaming naglaro at nagkwentuhan.

Enero 6, 2011

Ngayong araw naman ay pinakita ko kay Mahalia ang palasyo na Taj Mahal sa India. Hindi siya makapaniwala na totoong lugar ang kaniyang nakikita dahil masyado raw itong maganda. Ilang sandali pa ay dumaan ang mga kaklase kong lalaki at nakita nila akong kausap si Mahalia. Inasar nila ako na may kalaro raw akong multo dahil wala naman akong kausap. Sigurado ako na sinabi lang nila yun para mang-asar dahil hindi naman multo si Mahalia.

Mayo 15, 2012

Pagkagaling sa eskwelahan ay agad akong dumiretso sa aming nakasanayang tagpuan ni Mahalia upang ipakita sa kaniya ang aking grado sa pagsasanay sa Math. Pagkalapit ni Mahalia ay namalayan ‘kong mas matangkad na pala ako sa kaniya. Inasar ko siya na batang napag-iwanan ng pagtangkad nang paulit-ulit habang nakabelat ang aking mukha, tawa ako nang tawa habang hinahabol niya ako paikot sa puno.

Hulyo 1, 2013

Kaarawan ko na naman pala, sa susunod na taon ay isa na akong ganap na mag-aaral sa hayskul. Gusto ko na talagang tumanda! Pagkatapos ng aking selebrasyon ay agad-agad akong dumiretso sa tambayan namin ni Mahalia. Binati niya ako ng maligayang kaarawan, at niregaluhan niya ako ng pulseras na gawa sa sanga ng puno at mga bulaklak. Nabanggit din niya na mayroon siyang tinatagong lihim noon pa at hinintay niya lang ang tamang oras upang sabihin ito. Ngayong malapit na akong mag-hayskul ay naniniwala siya na ako ay nasa tamang edad na upang malaman ito. Sinabi niya ang totoo na hindi siya tao, siya ay isang diwata na nakatira sa malaking punong ‘yon. Humalakhak ako sapagkat hindi ako naniniwala sa kaniyang mga sinabi, hanggang sa pinakita niya ang panuntunan niya bilang tagapagbantay ng puno. Hindi siya maaaring umalis o lumayo sa lugar kung saan naroon ang puno. Nanlaki ang aking mga mata sa aking mga nakita at narinig, pero dahil malapit na kaming magkaibigan, ako ay naniwala na lamang. Nabanggit din niya na hindi siya tumatanda at habang buhay na bata lang ang kaniyang anyo, at tanging mga indibidwal na inosente at may purong pagkatao lamang ang may kakayahang makakita sa kaniya at makaalam sa kanyang pag-iral. Doon ko naalala ang mga panahong inaasar ako ng aking mga kaklase na may kausap na multo. Buong araw kaming nag-usap tungkol sa kaniyang istorya at inabot na kami ng hapon. Umuwi ako nang may ngiti sa aking mukha dahil hindi ako makapaniwala na ako ay may kaibigang diwata.

Setyembre 9, 2013

Nagpinta ako kahapon ng tanawin na matatanaw mula sa balkonahe ng aming eskwelahan. Kita rito ang paglubog ng araw at ang kulay kahel na langit. Pinakita ko ito kay Mahalia kanina at siya ay naluha, nakaramdam siya ng pagkabilib at pagkainggit. Nainggit siya dahil hindi raw siya makakakita ng ganitong pangyayari sa buong buhay niya dahil sa kaniyang pagiging diwata. Nang makita ko ang mga luha sa mata ni Mahalia, agad ko itong pinunasan. Nangako ako na balang araw, ako ay magiging isang mahusay na pintor tulad ng aking ama at lilibutin ko ang buong mundo para magpinta ng iba’t ibang mga tanawin upang ipakita sa kaniya. Kung sakali namang ako’y maging okupado sa aking mga trabaho, gagawin ko pa rin ang lahat upang makabalik sa aming tagpuan tuwing aking kaarawan upang ipakita sa kaniya ang aking photo album. Sumandal sa akin si Mahalia habang pinagmamasdan namin ang paglubog ng araw.


Disyembre 16, 2013

Habang lumilipas ang panahon, ay paunti na nang paunti ang mga araw ng pagkikita namin ni Mahalia dahil okupado na ako sa mga gawain sa eskwelahan at minsan ay parang nakakalimutan ko na lang ito. Pumunta ako sa aming tagpuan ngayong araw upang humingi ng tawad, ngunit ngumiti lamang siya sa’kin. Naiintindihan daw niya na may sarili akong buhay na dapat asikasuhin at hindi naman daw siya aalis sa punong ‘yon. Kaya raw niyang maghintay kahit gaano pa ito katagal.

Hunyo 11, 2014

Dahil sa aking pagtatapos sa elementarya at pagkasabik sa pagsisimula ng buhay hayskul, ilang buwan ko nang hindi nabibisita si Mahalia sa aming tagpuan. Ngayong araw ay pumunta ako sa puno upang mangamusta. Napansin ko na kahit gaano katagal pa kaming hindi magkita o mag-usap, hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo namin sa isa’t isa. Sa kalagitnaan ng aming pagkukuwentuhan ay dumaan ang aking mga kaklase na dating nang-asar sa amin. Inasar nila ako na may gusto raw ako sa multo at gumagawa raw ako ng mga pantasya sa aking isipan. Nahiya ako at hindi ako nakapagsalita dahil kahit kailan ay hindi pa ako nagkakagusto sa isang babae. Alam kong nang-aasar lang ang aking mga kaklase kaya hindi na lamang ako nagsalita at hinintay na lang silang makaalis.

Hulyo 1, 2014

Ngayong kaarawan ko ay umuwi si Tatay nang may dalang panibagong photo album ng kaniyang mga ipininta. Sa lahat ng larawan na nasa libro, ang paborito ko ay ang malaking puno na napapaligiran ng mga bulaklak na kaniyang ipininta noong siya ay nasa bansang Iceland. Ngunit ‘di ko maiwasang may maalala dito, para bang pamilyar at may kapareho itong lugar sa aking mga alaala. Oo nga pala, ganito ang itsura ng tagpuan namin ni Natalia—Natalia? Aaah ni Mahalia, bakit ko nga ba nakalimutan ‘yon? Gawa siguro ito ng aking pagtanda. Pupuntahan ko mamaya si Mahalia upang siya ay aking makamusta dahil ilang buwan ko na rin siyang hindi nakakausap. Dadalhin ko rin ang aking portfolio na puno ng aking mga ipinintang mga tanawin para ipakita sa kaniya dahil panigurado ay matutuwa ‘yon. Ano kaya ang ginagawa ni Mahalia ngayon?

Hulyo 1, 2014

Mahalia, Mahalia, MAHALIA! Kasalukuyan ko itong sinusulat sa aming bahay dahil unti-unti ko nang nakakalimutan ang mga alaala namin ni Mahalia. Nagsimula ito noong pauwi ako mula sa aking eskuwelahan at patungo sa aming tagpuan nang bigla akong napangiti at naisip kung gaano na kahalaga si Mahalia para sa akin. Parte lamang siya dati ng aking pagkabata ngunit ngayon ay isang malaking parte na siya ng aking buhay. Siya na ang laman ng aking isip at lagi kong inaabangan ang aming muling pagkikita, kahit nakakalimutan ko ito minsan. Nang nasa tagpuan na ako, nakita ko si Mahalia na nakatingala sa langit habang hinahangin ang buhok at hindi ko maiwasang mabighani sa kaniyang presensya. Para bang huminto ang oras, gusto kong angkinin ang mga segundo at pagmasdan na lamang habang buhay ang kaniyang pag-iral. Naalala ko bigla ang mga pang-aasar sa amin ng aking mga kaklase at napatanong ako sa aking sarili kung totoo nga bang gusto ko na talaga si Mahalia. Sa sandaling ‘yon, maniwala ka, bigla ko na lamang nakalimutan ang lahat ng alaala namin, ni hindi ko alam kung saan ako papunta at bakit ako nasa lugar na ‘yon. Umuwi na lamang ako sa bahay nang nakita ko ang talaarawang ito. Nabasa ko ang lahat ng alaala namin ni Mahalia at tila bumalik ang ilan dito sa aking isipan. Habang sinusulat ko ito ay unti-unti ko nang nakakalimutan si Mahalia, hindi ko maiwasang mapahagulgol na para bang bata na inagawan ng laruan. Pagkatapos nito ay tutungo ako sa aming tagpuan upang sabihin ang aking tunay na nararamdaman bago pa mahuli ang lahat, bago ko siya tuluyang makalimutan. Magpapasalamat ako sa lahat ng aming mga masasayang alaala at sa lahat ng aming pinagdaanan. Yayakapin ko siya at sasabihin ang lahat ng aking nais sabihin dahil sigurado ako na ito na ang huling araw na maaalala ko siya. Kung ang kasabay ng pagtanda ay ang pagkawala ng aking pagiging inosente, ayoko nang tumanda at mabuti pang maging musmos na lamang ako habang buhay.

Hulyo 1, 2014

Ako si Mahalia. Ilang oras na ang lumipas simula nang umalis si Nimuel sa aming tagpuan. Inamin niya ang kaniyang tunay na nararamdaman nang bigla na lamang niya akong nakalimutan. Tinanong niya bigla ang kaniyang sarili kung ano ang kaniyang ginagawa sa lugar na ‘to at kung bakit siya umiiyak. Naroon ako sa kaniyang tabi ngunit hindi niya na ako nakikita o naririnig. Kung ganito kasakit ang pagiging diwata ay mabuti pa na putulin ko na ang kahit anong koneksyon ko sa mga tao. Napansin ko itong talaarawan na nahulog sa bag ni Nimuel noong siya ay tumatakbo paalis, dahil siguro sa kaniyang pagmamadali na makauwi ngayong kaarawan niya ay hindi niya na ito napansin. Binasa ko ang mga laman nito at hindi naiwasang maluha. Puno ito ng mga alaala ni Nimuel simula noong siya ay bata pa. Narito ang aming unang pagkikita hanggang sa huli. Ilan dito ay ang aming mga pagsasama, paglalaro, at pagkukwentuhan na kaniya talagang pinapahalagahan. Itatago ko na lamang itong talaarawang ito kung sakaling magkita muli kami sa hinaharap. Hanggang sa muli, aking kaibigan.

Hulyo 1, 2015

Hunyo na naman at mahangin ang paligid, napakaganda ng araw na ito. Marahil ito ang paborito kong araw sapagkat ito ang kaarawan ni Nimuel. Ilang sandali ay may narinig akong tunog ng mga yapak na papalapit, at nasilayan ko si Nimuel. Laking gulat ko nang pumunta siya sa aming tagpuan upang tignan ang kaniyang portfolio, nanlaki ang aking mga mata dahil hindi ako mapakaniwala sa aking nakita. Hindi ko alam kung bakit, ngunit sigurado ako na dahil ito sa kaniyang pangako na ipapakita niya sa akin ang kaniyang mga ipinintang mga lugar at tanawin. Hindi man na niya ako naaalala, ngunit kita ko sa kaniyang mga mata na naroon pa rin ang pamilyar na ginhawa na kaniyang nadarama sa tuwing siya ay narito sa aming tagpuan. Nakangiti akong tinitignan ang kaniyang mga likha, at kita ko sa kaniyang mga mata kung gaano siya kasaya sa kaniyang ginagawa.

Hulyo 1, 2018

Taon-taon ay pumupunta rito si Nimuel para tignan ang kaniyang mga ipininta sa photobook, at palihim ko itong pinagmamasdan. Habang tumatagal ay nakikita ko ang mga pagbabago at paghahasa ni Nimuel sa kaniyang talento. Hindi ko maiwasang abangan ang araw na ito bawat taon, sapagkat hindi lamang ako nakakakita ng iba’t ibang mga lugar, kung ‘di dahil nakikita ko rin ang aking paboritong tao. Nagtapos ang araw nang may ngiti ako sa aking mukha at napaisip ako kung ano na naman kaya ang mga ipipinta ni Nimuel sa susunod na taon.

Hulyo 1, 2021

Ngayong araw ay may dala si Nimuel na panibagong portfolio kung saan puno ito ng mga paborito niyang tao na kaniyang pinapahalagahan. Nakita ko ang kaniyang mga magulang, malalapit na kaibigan, at marahil ay mga taong patuloy na gumabay sa kaniyang pagtanda. Napansin kong blangko ang dulong pahina nito - ngunit laking gulat ko nang magsimula siyang gumuhit gamit ang kaniyang lapis na dala. Ginuhit at ipininta niya ang aming tagpuan; isang malaking puno na napapaligiran ng berdeng mga damo at makukulay na mga bulaklak, habang lumulubog ang araw sa ibabaw nito. Hindi ko maiwasang maluha dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin kumukupas ang pamilyar na ginhawang nararamdaman ni Nimuel sa aming tagpuan—sa akin. Bagamat nakalimutan na niya ako at masakit ang pagpapaalam namin sa isa’t isa, naniniwala ako na habang buhay kong papahalagahan at itatago ang aming mga munting alaala. Napangiti na lamang ako habang iniisip ang aming mga susunod na pagkikita sa hinaharap.

Hanggang sa muli, Nimuel. Paalam.

You Might Also Like

0 comments: