filipino,

Literary: Tagpo

6/11/2021 06:15:00 PM Media Center 0 Comments




Sa pagtulog mo’t pagkumot ko sa’yo,
bitbit ko’y hindi lamang puting tela;
kundi ang mala-bahaghari na disenyo
ng matingkad na pag-ibig at alaala

Binabati ako ng halik ng nakaraan
sa bawat pagbisita ko sa iyong silid
Tulay patungo sa nagdaan,
gabi-gabi kong itinatawid

Aking mundo’y pinahiran mo ng kulay,
buong sansinukob ko’y iyong napaharana
Kalawakan na kariktan ang taglay,
napintahan ng pula, esmeralda at lila

Hindi iisa ang buhay, ayon sa mga alamat;
dahil lubos na kulang ang sandaang taon
Habambuhay na kasama ka’y malayo sa sapat
kahit isa, apat o tatlong milyon

Pahihintuin ko ang sayaw ng mga alon,
makasama ka lang nang mas matagal
Lalakarin ko Makiling hanggang Mayon,
para lang oras ay dahan-dahang bumagal

Hindi pa rin sapat ang mga hawak-kamay
at daan-daang yakap, aking hiraya;
na kahit sa kabilang buhay
ay siguradong hahanap-hanapin pa rin kita

Marami akong hindi maitutupad,
kaya pakinggan mo ‘tong aking huling pangako;
kung may susunod na buhay at ako’y mapalad
tiyak na masisilayan mo pa rin ako

Bawat paghinga ko’y aking inaalay
kay Dian Masalanta, Lakapati at Bathala
Dagdag na oras baka sakaling sa’kin maibigay
para mailakbay pa kita sa mga tala

Kahit kailangan ko na raw magpaalam,
lalabas ako ng ospital nang nakangiti;
dahil sa nakagiginhawang pag-asa:
magtatagpo pa rin tayo muli


You Might Also Like

0 comments: