Showing posts with label Meliodas. Show all posts

Literary: Dabda sa Pagkabata




Denial
Hindi maaari, di ko mawari,
hindi na ba talaga tayo mga bata?
Mukhang imposible, ano bang nangyari?
Hindi ako makapaniwala

Hindi ako makakapayag,
ako na ba ay tumatanda?
Hindi puwede, hindi ito maari,
ako ay dapat manatiling bata.

Anger
Hindi ko 'to gusto. Ba't nagkaganito?
Nililito niyo ako
Tigilan natin 'to, oras ay ihinto,
o gusto niyo ba ng gulo?

Nakakapang-init ng dugo
'di mapigilang sumakit ang ulo
Habang tumatanda'y, ako'y mas bigo
at pagkadismaya'y 'di maitago

Bargaining
Kung sakali, kung maibabalik,
handa akong mag-alay
Basta’t ​habang lumalaki,
nariyan pa rin si nanay at tatay

Ibibigay ang lahat ng ​mayroon​,
titiisin ang bawat sakit
Maibalik​ lamang ​sa bata​
ang ​kalayaan​, kahit na saglit

Depression
Sapagkat labis na lumbay
ang naghihintay,
sakaling mawala ang kabataang
natamasa na pansamantala lang pala

Ang araw na ito
ay hindi inaasahang darating
Mga hiniram na oras,
hindi inaakalang ako’y mahuhumaling

Acceptance
Ngunit kung wala talagang magagawa,
kung kabataa'y lumilipas na
Sige, tanggap ko na.
Sarili na lamang ay ihahanda

At pagdating ng panahon,
sana ako’y maging handa
Lumaban sa mundo
ng matatanda

Literary: Ang hindi sumusugal





Ang bawat tao
ay may kaniya kaniyang takot
Sila ay may sariling paraan
kung paano nila ito lalagpasan

Pinaniniwala ang sarili
Na sila ang pinakamasasayang tao
na gagawin ang lahat
makatakas lamang sa realidad

Sila ang pinakaduwag sa lahat ng takot
ang taong hindi marunong
sumugal o sumubok
dahil sa takot na magkamali’t matalo

Ito ang taong nagpalamon na sa takot
Hinihigop ang kanilang lakas
Pinahihina ang loob
Kaya’t sila ay tumatakbo na lamang
Palayo sa kanilang mga responsibilidad

Ang habambuhay na pagtakbo
Ay walang papupuntahan
Sapagkat walang taong nagtatagumpay
Ng hindi tumataya sa kanyang sariling sugal

Higit na mas nakakatakot
Na sa iyong pagtakbo
palayo sa mga kinatatakutan
Ay ang dahan dahang paglapit
Ng realidad na hindi mo na matatakasan

Literary: Burol





Handa nang sumugal muli’t
Bawiin kung ano man ang akin
Ipaglalaban ka hanggang sa huli
Pagsasama natin ay aking titiyakin

Susugal at susugal muli
Hindi ka na hahayaang mawala
Iisipin kung paano ka makakapiling muli
Ako’y handang gumawa ng himala

Ang aking mga kahilingan
Ay aking ibulong sa mga namatay
Kung ito lamang ang paraan
Para ito ay umabot sa kalangitan

Nung ako’y dumaan sa iyong lamay
Sana’y hindi na ako nagpagpag
Ang pagmamahal sayo’y aking maipapahayag
kung kasama ko ang iyong kaluluwa sa aking paglalakbay

Handa akong gawin ang lahat
Tatanggalin ko pati ang mga panaklob
Na gamit upang takpan ang lahat ng mga salamin
Kung ito lamang ang paraan para ika’y aking masilayan

Hinding-hindi ako matatakot
Lumingon sa iyong pinagburulan
Kung ang pagsunod sa 'yo ang natatanging paraan
Para makasama kita ng walang hanggan