Showing posts with label remington. Show all posts

Literary (Submission): MC Ako Noon Eh




Bawat tama ng daliri sa teklado
Lubog sa mga sulatin at artikulo
Kahit ‘di nila alam ang aming pangalan
Kami ang nagsisilbing boses ng paaralan

Miss ko pa rin hanggang ngayon
Revise dito, revise doon
Pasa kay ME, LE, AE. EIC, LC
Basta ma-pub, alam kong ‘di na magsisisi

Kada artikulo, balita, opinyon, feature, sports o editorial
Kita sa bawat isa ang husay at dangal

Maraming kinuha, marami ring ibinigay
Salamat, MC, nagsilbi ka bilang gabay
Saan man ako mapadpad sa mundong ito
‘Di ko makalilimutang magsulat para sa’yo

Literary: Nasa Inyo




Saan ko ba matatagpuan ang tahanan?
Mahirap sagutin nang basta-basta lamang
Kung ganoon, doon tayo kung saan nagsimula
Doon sa umpisang-umpisa

Ang kalawakan
Madilim, malamig, at walang hanggan
Mga dambuhalang bato’t apoy paano lumulutang?
Kung ikukumpara sa lahat ako’y alikabok lang naman
Matatawag ko ba talaga itong tahanan?
Ayos sana pero parang may kakulangan

Ang mundo
‘Ika nga nila, tirahan ng lahat ng tao
Pitong kontinente, ilang dosenang bansa
Kaso ang kinalalagyan ko lamang ay iisa
Parang nalalapit na nga sa tahanan ko
Pero ‘di pa rin sumasakto

Ang Pilipinas
Higit sa pitong libong perlas ng silangan
Isang bansang hinahanap pa ang tunay na kapayapaan
Kasama ang mga taong patuloy itong ipinaglalaban
Sa mga kababayan ko ba matatagpuan?
Hindi pa rin talaga, pero malapit na

Unibersidad ng Pilipinas
Dito ko na nakita ang aking tahanan
Dito tumatak sa aking buhay ang dangal at husay
Hindi ko malilimutan ang UP kong minamahal
Pero bukod sa gusali, kampus, o mismong paaralan
Ang tunay kong tahanan ay ang mga nakilala kong kaibigan

Kayo ang aking tahanan

Maraming salamat, UP
Hanggang sa muli.

Literary: Bakit ang Bilis?





Simula noong bata pa ako
Walang masamang bisyo
Mataas ang mga grado
Paborito ng mga guro

Maganda ang patutunguhan
Makinang ang kinabukasan
Hindi man mayaman
Lahat naman nakamit dahil pinagsisikapan

Ngunit marami pang dapat harapin
Marami pang susuguring mga balakid
Malayo pa ang aking tatahakin
Malawak pa ang daang nakalaan para sa ’kin

Ang tagal kong pinaghirapan ang mga gantimpala
Ang tagal kong pinilit makalamang sa paaralan
Ang tagal kong binuo ang aking kinabukasan
Ang dami kong mga pinangarap at inasahan

Ngunit dumating ang gabi na lahat ay nagbago
Bumibili lang naman sa may kanto
Sinalubong ng mga pulis
Pinahirapan, pinatakbo, pinatay

Ang lahat ay nawala
Naglahong parang bula
Sa isang balang tumagos sa aking bumbunan
Ang mga pangarap ay nawala rin nang tuluyan

Literary: Ano ang Ambag Mo?




Ang politikal at sosyal na klima sa kasalukuyan
Nababalot sa kadiliman ng kasinungalingan
Halos wala nang masilayang pag-asa ang sangkatauhan
Malabong makamit muli ang hustisya sa kuko ng kataksilan

Di masisisi ang mga tuluyang sumuko na’t ayaw nang mangarap
‘Pagkat bangungot ng kahirapa’t kasamaan ang t’wina’y nakakaharap
Mga balitang ayaw at ang katotohanan ibinabaon ng nakatataas
Sa ilalim ng bundok ng korupsyon at nakaw na perang winawaldas

Pero ano ba ang ambag ng tulad mo?
Di naman mayaman, di naman kilala
Di naman politiko na mataas ang puwesto
Di naman makapangyarihan tulad ng iilang tao

Sa totoo lang, di naman kailangan ang lahat ng iyan
Kung pagbabago ang habol, boses mo lang ang kailangan
Bawat post sa social media na laban sa kasinungalingan
Bawat rali at protesta laban sa katiwalian

Bawat tapat na salitang galing sa iyo
Magiging talumpati na kakapitan ng mga puso
Ang mahina nating boses na halos pabulong
Pagsama-samahi’t magiging sigaw na dadagundong

Literary: Bawat Porma



Ang sining ay para sa atin
Ilang beses na itong nasabi, ilang beses na itong nakita
Awit man o tula, mga kuwento man o obra
Kani-kaniyang paraang maipakita ang nadarama

Awitin na ninais buuin
Napapaloob sa galaw at kulay ng himig
Bawat tono at ritmo may nais iparating
Resulta’y kagiliw-giliw na tugtugin

Kung gustong bumigkas ng tula
Pangkalye man ang salita o pangmakata
Hindi iyon ang tunay na punto ng mga kataga
Kundi magparating ng mensaheng mahalaga

Larawan man ang ibig ipinta
Bawat galaw ng pinsel, pataas, pababa, pakanan o pakaliwa
Damdami’y ibuhos sa bawat kulay at linya
Ang kalalabasa’y isang obra maestra

Literary: Ang Dapat Ibahagi





Ilang buwan na ang nakararaan
Nang lumisan ka nang walang paalam
Sa gitna ng aking kalungkutan
Ang dapat kong gawin, aking natuklasan

Ang pag-ibig ay hindi pansarili
Ito ay isang susing dapat ibahagi
Kaysa magkulong, magmukmok nang mag-isa
Dapat lumabas at magpasaya ng iba pa

Daigdig nati’y sagana na sa kapighatian
Ito sana’y huwag mo nang dagdagan
Magpasalamat, magmahal, at magbigay
Madilim na mundo’y punuin ng mga kulay.

Inialay ko ang aking sarili
Sa malawakang pagsisilbi
Ang simangot ng natulungan ay napapawi
At pinapalitan ng kanilang mga ngiti

Dapat kitang pasalamatan
Kung ako’y hindi mo nasaktan
Hindi papasok sa aking isip
Na ang pag-ibig ay dapat ibahagi

Literary: Sagutin Mo Nga x Ano Nga Ba?




Sagutin Mo Nga

Sagutin mo nga ang mga tanong ko
Bakit di pa rin maunlad ang ating lipunan?
Bakit puno ng pangako na walang katuparan?
Bakit sarili lang ang inaatupag at hindi ang bayan?

Sagutin mo nga ang mga tanong ko
Bakit mapanganib ang mga lansangan?
Bakit may mga pulis na kinikitil ang kabataan?
Bakit milyon-milyon ang lubog sa buhay ng kahirapan?

Sagutin mo nga ang mga tanong ko
Bakit ang bilis kumalat ng balitang walang katotohanan?
Bakit kay raming Pilipino ang naniniwala naman?
Bakit simpleng kasinungalingan ng tao’y di malagpasan?

Masasagot mo ba ang mga tanong ko?
Kung masagot man o hindi, hindi iyon ang mahalaga
Mainam ang mamulat ka’t kumilos sa lahat ng kaganapan
Sa bansa nating kinakaladkad sa dumi ng mga nasa kapangyarihan.




Ano Nga Ba?

Ano nga ba ang sagot
Sa hustisyang di makamit?
Sa mga tanong ng naghihinagpis na pamilya,
ng mga walang kamuwang-muwang na biktima?

Ilang beses nang nakikita’t nababalitaan,
Mga taong di makatao
Na punong-puno ng kasinungalingan
Na ang bukambibig, tayo raw ay poprotektahan

Babaguhin daw ang Pilipinas,
Pero ang ugat ng problema’y di nila tinitingnan
Puro sanga lang ang kanilang inaasikaso
Kaya siguro di tumitigil ang paghihirap na nilalabanan

Minsan di ko na rin alam
Kung ang mga alagad ng batas ay aking matatakbuhan
‘Pagkat sangkot sa krime’t katiwalian
Silang mga tagapagtanggol pa ang sanhi ng kasamaan.

Mga taong dati’y naninilbihan
Na dati’y atin nang naparusahan
Bigla na lang pinabalik sa puwesto
Kahit pa alam na natin ang katotohanan

Ano nga ba ang sagot
Bakit ba tayo nahihirapan
Na ilabas ang katotohanan
Mula sa bibig ng mga kabataang nais lumaban?

Ano nga ba ang sagot
Sino nga ba ang may kasalanan
Silang dati nang nanlapastangan sa bayan
O tayo na pinipiling sila’y muling maghari-harian?

Literary: Bulalakaw





Wala nang liwanag sa paligid
Lahat nakasalalay na sa langit
At mahirap hindi isipin
Ang kalalabasan ng aking mga hiling

Nakakailan na nga ba ako?
Laging umaasa sa kapangyarihan mo
Lahat ng problema, sa ’yo dinadaan
Dahil alam na matagal muli bago ka masilayan

Mga palihim na hinihiling
Wala naman talagang nararating
Pero ‘di maawat ang aking sarili
Sa hiling pa rin dinadaan ang mga pagkakamali

Sa ngayon tuwing makakakita ng liwanag sa langit
Napapaisip ako sa lahat ng aking mga sinapit
Pero hanggang ngayon ‘di ko pa rin mapigilan
Ibigay ang kontrol sa bulalakaw na napapadaan

Literary: Talasalitaan






: espasyo sa labas ng grabidad ng mundo at sa pagitan ng mga planeta 
Ilang araw nang nakahiga lamang sa ilalim ng kalawakan.

: mga inaalala, bagay na inaalala; abilidad na alalahanin ang isang bagay
Walang ibang ginawa kundi gunitain ang ating pinagsamahan.

: mahalaga o pinahahalagahan
Sa lahat ng tao, ikaw ang aking itinatangi, pero bakit?

: kinahantungan o dinanas
Ang alam ko lamang ay kasalanan ko kung bakit ito ang sinapit.

: isang taong gagawin ang anuman para sa kahit sino/ano
Naging desperado ba ako sa iyong paningin?

: aalis o may pupuntahang iba
Batid kong ika’y lilisan na upang makalaya sa aking damdamin.

: huling paalam
Luhang umaagos bunga ng iyong pahimakas, sa mga mata ko’y nagpapamugto.

: bahagi, kabanata

‘Di ko na alam kung makakasimula pa ba ako ng panibagong yugto.

Literary: Hanggang Ngayon





Sa totoo lang, ano ba talaga ang nagbago
Sa buhay at kalagayan nating mga Pilipino?
Sa ilalim ng sagisag na asul, puti’t pula,
Sa mata ng makapangyarihan, sino ba ang mahalaga?

Halata naman sa kalagayan ng ating nasyon
Na hindi pa tunay na nawawala ang korapsyon
At halata pa rin sa ating ekonomiya
Ang tira-tirang epekto ng dating diktadurya

Mula panahon ng Espanya hanggang Modern Era
Ang umasenso ay ang may pera at ‘di ang masa
Nakaupo sa matataas na pwesto ang makapangyarihan
Nagiging boses ng taong 'di nila pinapakinggan

Sa ngayon magkalaban pati magkababayan
Nagsisiraan imbis na magtulungan
Sinasabing nababawasan ang problema
Pero ni isa walang maipahayag na pruweba

Ang mga dapat namang magsilbi sa bayan
Ay nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan
‘Pag eleksyon ay puro na lang pangako
Pero wala nang ginagawa pag-upo sa puwesto

Parang paulit-ulit na lamang sila
Mayayaman sa taas, mahihirap sa baba
Nalulunod ang ating bansa sa kumunoy ng karalitaan
Baon na nga sa utang, laganap pa ang kahirapan

‘Wag nang pasikot-sikot at ‘wag nang patagalin
Ang pagtupad sa ating mga responsibilidad at tungkulin
Para maiahon sa kahirapan ang kapwa't bansa natin
At wasakin ang mga kadenang nakagapos sa atin

Walang sariling adyenda, walang tagong mga balak
Magawa na sana bago magkawatak-watak
Ang Inang Bayan na dating ipinaglalaban
Para ang kabataa’y makatikim ng tunay na kalayaan

Literary: Assumption, Confusion, Contemplation




A goal worth pursuing
A foundation for attempts
A beginning that was magical
A girl worth loving

All was supposed to be perfect
All measures taken to be accurate
All results checked twice over
All done thinking of getting closer

None of them succeeded
None even came close
None of what I thought was true
None of it will ever happen again

No more attempts or trials
No more failures and embarrassment
No more pain and suffering
No more of you

I've tried and tried
Again and again
Over and over
But I can't seem to find out why

You never loved me back

Literary: Initial to Final






Magkaklase ba tayo? Mayroon kasi tayong history at chemistry.
Tayo ay parang ionic bond: taken not shared
Mapapa-Watt ka na lang sa sparks natin
Kahit anong mangyari tayo’y -273.15o C pa rin
Isa lang naman ang masasabi ko sa’yo √20449

1st Law: An object at rest will remain at rest unless acted on by an unbalanced force. An object in motion continues in motion with the same speed unless acted upon an unbalanced force.

Nakatayo na lang ba tayo at hindi gagalaw
O hindi na ba magtatagpo ang ako at ikaw?
Kapag ikaw ay nandyan, parang excited molecules akong napupukaw
Buti na lang net force ang pagmamahal natin sa isa’t isa
‘Pag tinatanong kung bakit tayo masaya, ang sagot nating dalawa’y inertia.

2nd Law: The force on an object is determined by its acceleration and mass.

Alam ko na minsa’y sobra kang napupuwersa
Minsan sa aking pagmamadali naisip kong baka nakukulitan ka
Pero noong umasa ako sa’yo, hindi mo ako binigo
Parang sa force at mass ang relasyon nating ito

3rd Law: For every action there is an opposite and equal reaction.

Sabi nila hindi pwede na sa isang pag-iibigan
Sa isang panig lang nanggagaling ang lahat ng pagmamahal.
Dati kong naisip kung sayang lang ba ang nararamdaman ko sa’yo.
Pero bakit kahit walang gravity ay nahuhulog pa rin ako?
Noong malapit na akong sumuko dumating ang sagot na gusto ko.
Buti na lang parang matter ang pag-ibig natin-hindi nasisira.


Net Force- Sum of all forces acting on an object
-273.15 degrees celcius- When converted to Kelvin it’s 0k
Law of Mass Conservation- Matter cannot be created nor destroyed
Watt- Unit of power, named after James Watt
Ionic Bond – Complete transfer of valence electrons between atoms.

Literary: Player 2




Sa dinami-rami ng ating naranasan
Mula sa iba't ibang mundo
Hanggang sa dulong-dulo ng kalawakan
Wala kang ibang kasama kundi ako

Matagal na kitang kapiling sa mga alaala nating dalawa
Kaso hanggang doon na lang ba ako?
Sana naman sa mga libangan nating ito
Malaman mo na ang nararamdaman ko para sa 'yo.

Balikan mo ang mga nilaro nating dalawa
Baka Tetris naman pala
Kay tagal ko nang buo nang buo, malapit nang matalo
Bigla kang dumating, ang pirasong diretso

Balikan mo ang mga nilaro nating dalawa
Baka naman sa Super Mario mo makikita
Ang layo ng dinayo at dami ng kalabang pintumba ko
Ngunit ang prinsesa ko pala'y nasa ibang palasyo

Balikan mo ang mga nilaro nating dalawa
Pwede rin namang sa Pac-Man mo maunawa
Na ikaw ‘yung pelet na dapat kong maabot
Para mawala ang aking kaba at takot

Balikan mo ang mga nilaro nating dalawa
Kahit medyo ayaw ko, baka Minecraft naman pala
Ang laro ay kakasimula pa lamang
Inisip na kita, ang brilyanteng kumikinang

Sa lahat ng aking ipinakita at pinag-isipan
Nabulag ako sa aking nasa harapan
Sa dinami-rami ng aking binalikan na dati nating nilalaro
Hindi ko napansin, hindi na pala ako ang Player 2 mo