filipino,

Literary: Nasa Inyo

5/28/2019 09:09:00 PM Media Center 0 Comments




Saan ko ba matatagpuan ang tahanan?
Mahirap sagutin nang basta-basta lamang
Kung ganoon, doon tayo kung saan nagsimula
Doon sa umpisang-umpisa

Ang kalawakan
Madilim, malamig, at walang hanggan
Mga dambuhalang bato’t apoy paano lumulutang?
Kung ikukumpara sa lahat ako’y alikabok lang naman
Matatawag ko ba talaga itong tahanan?
Ayos sana pero parang may kakulangan

Ang mundo
‘Ika nga nila, tirahan ng lahat ng tao
Pitong kontinente, ilang dosenang bansa
Kaso ang kinalalagyan ko lamang ay iisa
Parang nalalapit na nga sa tahanan ko
Pero ‘di pa rin sumasakto

Ang Pilipinas
Higit sa pitong libong perlas ng silangan
Isang bansang hinahanap pa ang tunay na kapayapaan
Kasama ang mga taong patuloy itong ipinaglalaban
Sa mga kababayan ko ba matatagpuan?
Hindi pa rin talaga, pero malapit na

Unibersidad ng Pilipinas
Dito ko na nakita ang aking tahanan
Dito tumatak sa aking buhay ang dangal at husay
Hindi ko malilimutan ang UP kong minamahal
Pero bukod sa gusali, kampus, o mismong paaralan
Ang tunay kong tahanan ay ang mga nakilala kong kaibigan

Kayo ang aking tahanan

Maraming salamat, UP
Hanggang sa muli.

You Might Also Like

0 comments: