filipino,

Literary: Para kay Papa

5/28/2019 07:42:00 PM Media Center 0 Comments




Noong limang taon ako, doon kita unang nakilala.

Pumunta ka sa bahay at dala mo’y sari-saring laruan na ikatutuwa namin ni Kuya. Mga manika sa akin, robot naman sa kanIya. Sabi ni Mama, ikaw raw si Papa, ‘yung isa pang kasama namin sa bahay, ‘yung katabi raw ni Mama sa litrato noong kasal niya. ‘Wag daw akong matakot sa iyo kasi tatay kita.

Hindi ko masyadong inisip ‘yon, kasi noong una tayong nagkita, mahigpit ang pagyakap mo sa akin, sabi mo pa nga’y ang laki ko na. Tapos madalas tayong umaalis ng bahay para mamasyal at lagi mo akong binibilhan nang masasarap na pagkain at ilang beses tayong bumibisita sa perya pag gabi na. ‘Di ako sigurado kung sino ka talaga, pero alam kong mabuti ka. Umalis ka uli pagkatapos ng dalawang buwan, nagtataka ako kung bakit lumuluha noon sina Mama at Kuya.

Noong walong taon naman ako, pasalubong mo’y mga tsokolate.

Dala mo’y iba’t ibang klase, iba’t iba ang lasa ,at iba’t iba rin ang laki. Sabi mo sa amin ni Kuya, ‘wag naming agarang uubusin, matuto kaming mamigay sa iba. Kaya hinati mo ang mga tsokolate, isa para kay Kuya at mayroon para sa mga kaibigan niya. Isa naman para sa akin at mayroon din para sa mga kaklase ko. ‘Di mo lang alam, Pa, sa iyo ako natuto maging mapagbigay at ‘wag masyadong kumapit sa mga materyal na bagay. Ang galing nga, e, wala ka rito lagi pero ang dami kong natututunan sa iyo. Kaso saka ko pa ‘to malalaman, kapag medyo matanda na ako.

Nasasanay na ako sa buhay natin sa bahay. Halos sampung buwan kang mawawala saka babalik sa bahay nang tatlong buwan para magpahinga. Tapos aalis ka ulit.

At kahit minsan, ‘di kita iniyakan.

Noong 13 ako, binilhan mo ako ng paborito kong relo.

Umuwi ka noon, sabi mo sa ‘Pinas mo naman ako bibilhan ng regalo, kasi nakaapak na ako sa susunod na yugto ng buhay ko. “Dalaga na ang bunso ko!” ‘yon ang narinig kong sigaw mo habang nasa kotse tayo pauwi galing ng airport. Tumawa na lang ako. Binili mo ‘yung gusto kong relo, ‘yung kulay puti na mamahalin. Iningatan ko ‘yon at lagi kong dala, Papa, ‘di ko lang sinasabi sa ’yo pero noon, lagi ko ‘yong inalagaan. Sayang nga lang, nanakaw kasi, e. Iyak ako nang iyak kahit sabi kong natuto akong materyal na bagay lang ‘yon. Paano ba naman kasi, iyon ‘yung unang regalo mo na sabay nating pinili, ‘yung unang regalo mo sa akin na magkasama tayong apat. Sorry, Pa, ha, ‘di ko naalagaan ‘yung mga alaala natin. Hindi ko na tuloy isinusuot ‘yung mga relo ko sa bahay, natatakot na ako na baka mawala ko lang uli.

Noong 15 ako, pasalubong nama’y pabango.

Nagtampo ka nang kaunti nu’ng sunod na araw kasi ‘di ito ang ginamit ko papuntang paaralan. Humingi ako ng tawad sa ’yo at nangakong gagamitin ko na iyon sa susunod na araw. Ginawa ko nga ito at tuwang-tuwa ka naman. Sinabi ko sa kaibigan ko na medyo nagtatampo ako sa ’yo, at siguro sa panahon na rin. Kasi noong pagkasilang na pagkasilang ko, wala ka sa tabi namin. Nandoon ka noong unang kaarawan ko pero pagkatapos, wala na, hindi na tayo nagtatagpo ng oras, kaya siguro ayaw ko sa mga taong ‘di ako binibigyan ng oras nila kasi nararanasan ko na ‘yon sa sarili kong ama. Hindi naman sa sinisisi kita, nalulungkot lang talaga ako na hindi ka na nakakapunta sa mga importanteng okasyon ng buhay ko kasi kina Kuya at Mama lagi ka namang nandoon. Sabi ng kaibigan ko sa akin, ‘di lang ako ang nakakaranas ng kawalan sa mga pangyayaring ito, isipin ko rin naman daw kung ano ang nararamdaman mo noong panahong ipinanganak ako at wala ka sa tabi namin, noong una akong nakapagbasa at nakapagsulat, noong unang paglakad ko. Isipin ko raw kung ano ang nararamdaman mo kasi bukod sa akin, malamang nanghihinayang ka rin na hindi natin sabay ipinagdiriwang ang mga mahahalagang okasyon ng buhay nating dalawa—hindi mo ako nakitang magdalaga, hindi ko naman naranasan masyado ang ‘yong mahihigpit na yakap.

Umuwi ka noong taon na ‘yon pero saglit ka lang na narito. Sinubukan kong kausapin ka uli at nang maging mas malapit sana tayo. Umalis ka, nakaramdam ako ng lungkot. Doon ako unang lumuha para sa iyo.

Ngayong 18 na ako, tinanong mo ako kung ano ang gusto kong pasalubong.

Sabi ko sa ’yo, “Basta, Pa, uwi ka lang nang ligtas at malusog, okey na ako.” Natawa ka at sinabi sa akin kung sigurado ba ako. Sagot ko sa iyo, oo. Noong nakaraang taon kasi, ‘di ka umabot sa kaarawan ko kahit na sabay nating plinano ‘yung gagawin natin. Pero sabi mo ‘wag akong mag-alala. “Sa graduation, nariyan na si Papa.”

Hindi kita panghahawakan sa pangakong ‘yon, Pa. Alam ko naman kung gaano kagalit sa atin si Tadhana. Basta, Pa, uuwi ka sa amin ha? Basta, Pa, uuwi ka nang malusog at maligaya, okey na ako roon. ‘Di na ako hihiling ng iba pa. ‘Wag ka pong mag-alala, mag-aaral ako nang mabuti, pag-iigihan ko pa para matapos na ako sa pag-aaral at makauwi ka na sa atin at makapagpahinga. Para makagawa pa tayo nang maraming alaala. Para masaya na uli sa bahay kasi hindi kumpleto sa atin pag wala ka. Pa, sorry kung ‘di ko masyadong sinasabi na mahal kita, ha. Sorry kung ‘di ako masyadong nakikisama sa ’yo. ‘Tong bunso mo kasi, ‘di pa rin sanay na kasama ka. Pero ‘wag ka pong mag-alala, pag tapos na ako sa kolehiyo, pagka-retire niyo ni Mama, ako naman ang mag-uuwi sa inyo ng pasalubong at mangungulit sa inyong dalawa. Hindi ko iyan ipapangako kasi ‘di ako magaling mangako, gagawin ko talaga ‘yan para sa inyo ni Mama. Pa, mahal po kita, uwi ka na po para makapagkuwentuhan na tayo uli, ha?

You Might Also Like

0 comments: