filipino,

Literary: Sa Pagtatapos

5/28/2019 08:00:00 PM Media Center 0 Comments




Tahimik tayong nakaupo sa ilalim ng puno ng acacia at minamasdan ang malawak na field sa harapan natin.

Sinusulit natin ang malumanay na hihip ng hangin sa mainit na tag-araw.

“Kaunti na lang, gagradweyt na tayo.”

Nagulat ako nang bigla kang nagsalita. Pero napabuntonghininga na lang ako.

“Oo nga, e.”

“May pinagsisisihan ka ba?”

“Pinagsisisihan?” Napatingin ako sa ’yo pero pinagmamasdan mo pa rin ang mga damo.

“Oo. Kunwari, dati nagsisisi ka na ‘di ka umamin sa crush mo noong Grade 8. Tapos nalaman-laman mo, gusto ka rin pala niya no’ng mga panahon na ‘yon.”

“Kailangang ibalik? ‘Tsaka ‘di ko naman pinagsisihan ‘yun.”

Napatingin ka sa akin. “E, ano nga’ng pinagsisisihan mo?”

“‘Di ko alam... Ikaw ba, meron?”

Napatingin ka ulit sa field. Saglit kang nanahimik bago mo ako sagutin.

“Siguro ‘yung hindi ko pinahalagahan kung ano’ng meron ako noon.”

“Ano naman ‘yun?”

“Kayo. ‘Yung barkada. Mga kaklase natin. ‘Yung buong batch. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano kahalaga kayong lahat para sa ‘kin.”

“Kahit ‘yung mga kinaaasaran mo?”

“Oo. Kahit minsan, naiinis o naaasar ako sa iba, ang laki pa rin ng impact nila sa buhay ko. Lahat kayo.”

"Papaano naman nagkaroon ng impact sa buhay mo 'yong mga 'yon?"

"Kayo kasi, binigay niyo sa akin ‘yung suporta na hindi ko noon makita sa mga magulang ko. Kayo ‘yung naging takbuhan ko kapag may problema ako, at naging sandigan ko no’ng mga panahon na halos pasuko na ‘ko."

"Ganu’n naman kasi ang magkakaibigan, kadugo man o hindi, handa tayo tumulong at sumuporta."

Nginitian mo ako pero 'di ka na umimik.

"E, ano’ng ginawa ng mga kinaasaran mo sa 'yo at sinabi mong malaki pa rin ang impact nila?"

"Kasi mas nakilala ko sarili ko dahil sa kanila ko nalaman kung ano ang ayaw ko o hanggang saan ang kakayanin ng pasensya ko."

"Ay, wow, so ‘yung mga salbaheng ginawa nila sa 'yo noon ‘yung naging dahilan kung bakit ka ganyan ngayon?"

"Oo, kasama na rin ‘yung mga alaala nating magkakaibigan, siyempre."

“Drama mo talaga.”

Natawa ka at hinampas mo ako sa braso.

“‘Di nga, totoo. Imagine, more or less 10 years na tayong magkakasama, pare-parehong mukha halos araw-araw. Sawang-sawa na tayo sa mga pagmumukha natin. Pero kahit gano’n, habang lumilipas ang mga taon, ang dami pa rin nating nalalamang bago tungkol sa isa’t isa.”

Niyakap ko ang mga tuhod ko at minasdan ang mga puno. “Ang dami rin kasing nagbago. ‘Di na tayo tulad ng kung sino man tayo noon. Merong dating magkaaway, ngayon magkaibigan. Dating sobrang close, ngayon… wala nang connection sa isa’t isa.”

“Maraming nangyari, maganda at pangit. Pero alam mo, nagpapasalamat ako sa lahat ng ‘yon.”

“Bakit naman?”

“Kasi naging masaya ang kabuuan ng high school ko. At kung sino man ako ngayon, dahil ‘yun sa lahat ng nangyari sa ‘kin habang kasama ko kayo.”

Tiningnan kitang maigi at nilagay ang palad ko sa noo mo. “May sakit ka ba? Ang drama-drama mo, e. ‘Te, ga-graduate lang tayo, ‘di mamamaalam.”

Hinampas mo ang kamay ko at sumimangot. “Alam ko. Pero kasi mami-miss ko kayo. ‘Di ba puwede ‘yun?”

“Puwede naman, pero ‘wag naman sa point na akala mo hindi na tayo magkikita uli. Di man tayo magkakasama at nag-aaral na sa iba’t ibang university o sa iba’t ibang sulok ng bansa o mundo, magkikita’t magkikita pa rin tayo.”

“‘O, sino’ng madrama ngayon?”

“Hinawaan mo ako, e.” Nagtawanan tayo at inakbayan kita.

Sa pagtatapos natin, ‘di ibig sabihin na tapos na ang lahat ng koneksiyon, alaala, at pagkakaibigan. Kasi lagi nating dala-dala ang mga iyon sa puso at isip natin at laging babalik-balikan.

You Might Also Like

0 comments: