erika sasazawa,
Feature: Sa likod ng UPIS Days 2019
UPIS Days.
Marahil ito na ang pinakainaabangang pagdiriwang ng bawat estudyante ng UPIS. Siguro ay naranasan niyo na ang saya sa pagsayaw sa powerdance o field demonstration, ang pagkakilig noong kayo ay ikinasal kay crush sa marriage booth o kaya naman ang pagod sa pagtakas mula sa napakabilis na mga miyembro ng BSP na nanghuhuli sa inyo dahil hindi lang kayo nakayakap sa puno. Siguradong naramdaman niyo na rin ang pagka-”hype” nang dahil sa battle of the bands. ‘Yung tipong nakikisabay na kayo sa pagkanta ng itinutugtog ng mga banda na para bang gusto niyo nang palitan ang mga vocalists nila.
Sa lahat ng mga kaganapang ito, naisip niyo na ba kung anong mga hakbang ang ginawa at napagdaanang proseso sa pagkamit ng kasiya-siyang okasyon?
Kung kayo ay nagtataka, ipagpatuloy ninyo ang pagbabasa upang malaman ninyo kung paano inihanda ng Pamunuan ng Kamag-Aral (pKA o KA) ang UPIS Days 2019.
Tungo sa pagbabago
Ngayong taon, ang layunin ng PKA sa pagbuo ng UPIS Days ay masiyahan ang komunidad ng UPIS habang mayroon pa rin silang natututunang kaalamang may konkretong framework. Kaya naman napagdesisyunan nilang gawing sentro ng pagdiriwang ng okasyon ang pagsulong ng Sustainable Development Goals (SDGs) ng United Nations. Mula dito nabuo ang pamagat ng UPIS Days 2019 na “SANDIGAN: Magkakasama. Magkaagapay. Magtatagumpay.”
“Ito [tema ng UPIS Days 2019] yung napili namin dahil naisip naming ito yung kailangan upang ma-equip ang mga Isko at Iska para sa mundong mapapasukan, at [upang] maging maalam sila sa kung papaano ito mababago,” pahayag ng pKA.
Sa pagbuo ng konsepto ng UPIS Days, binalikan nila ang dating mga tema ng okasyong ito. “Una, yung Balik-Tanaw na nagturo sa ating tumingin sa ating kasaysayan at matuto mula sa mga karanasan natin. Sunod naman ang Idealisko na nagpalakas ng ating loob na gawin ang lahat ng kaya natin para matupad ang ating mga pangarap. Noong nakaraang taon naman, ipinagdiriwang ang Iskolor na naghikayat ng ma-recognize at tanggapin ang pagkakakilanlan ng bawat tao sa kabila ng kanilang pagkakaiba,” sinabi nila.
Ngunit ano ng ba ang susunod na hakbang pagkatapos makamit ang lahat ng mga katangiang ito? “Ang susunod ay aksyon. Ang pagbabago sa mundo para sa ikabubuti ng lahat,” tugon ng pKA. At dito ng nga nagbunga ang tema ng UPIS Days ngayong taon.
Pagpapatibay ng pakikilahok
Kung matatandaan natin, isa sa mga plataporma ng kanilang partido noong nakaraang eleksyon ay ang pagdagdag ng pakikisangkot ng mga mag-aaral. “As pKA, we stepped up our game at dinagdagan pa [naming] ng mga events ang UPIS Days para jam-packed at damang-dama talaga yung school spirit, especially through each student.”
Kung kaya’t ngayong taon ay sinimulan nila ang pagkakaroon ng K-Aid. Dito sa bago nilang proyekto, naghihikayat sila ng mga mag-aaral na sumali sa volunteer committee, hindi lang upang masolusyunan ang problema sa manpower, kundi pati na rin upang malinang ang kakayahan ng mga volunteers sa paghanda at pangangasiwa ng mga aktibidad.
Sa kabila ng mga pagsubok
“I did not choose the busy life, the busy life chose me.” Ito ang madalas banggitin ni Robert Ambat, ang kanilang ingat-yaman.
Kaakibat ng busy life na ito ay ilang mga hamon. Mula sa kakulangan sa tulog hanggang sa pagkalito sa kung anong tungkulin ang dapat nilang unahin. Lahat ‘yan ay kanilang naranasan. Para sa kanila, ang kanilang pangunahing hamon ay ang pagbalanse ng pag-aaral, pag-ensayo para sa powerdance, at siyempre, ang pag-atupag nila sa trabaho nila bilang pKA.
Sa preparasyon naman, ang naging pagsubok sa kanila ay ang pagsunod sa kanilang work schedule. Minsan kasi’y nagkakaroon ng hindi inaasahang mga pangyayari tulad na lamang ng pagkahuli ng pagkatanggap ng reply slip at mensahe mula sa mga kinauukulan.
Ngunit sa kabila ng ganitong mga pagkakataon, hindi nila ito hinayaang maging balakid sa paghahandog ng kanilang tinatanaw o ine-envision na UPIS Days.
Ang pangunguna sa pagpaplano ng isang okasyon ay hindi biro. Kailangan ng matinding paghahanda ng isipan para sa pagbuo ng konsepto at ng katawan naman para sa pangangasiwa ng mga gawain. Kahit na matrabaho at nakakapagod ang kanilang napagdaanan, hindi nawalan ng lakas ang pKA na tuparin ang kanilang mga gampanin dahil nais nilang maghatid ng kasiyahan sa komunidad ng ating paaralan. //ni Erika Sasazawa
0 comments: