bridge,

Literary: Bakante

5/28/2019 07:38:00 PM Media Center 0 Comments




Hindi na magkasya ang iyong mga paa
Sa upuang sa ’yo’y nakatalaga
Sa harapan ko muna ika’y naupo
Tanging kita ay taas ng iyong ulo
Talampakan at sahig ay ‘di pa magkakilala
Hirap pang makahawak ng tinidor at kutsara
Dating upuan ay nabakante na
Iyong paglaki ay nagsisimula na

Hindi umiimik at nagkulong sa kuwarto
Sumama ang loob dahil sa mga satsat ko
Bumaba mga grado dahil sa saradong libro
Laging makikitang sa may kompyuter nakaupo
Tikom ang bibig, yamot ang mga mata
Kating-kati nang makapaglaro ng DOTA
Ngunit kompyuter ay pinabakante ko
Para kahit papaano ay matuto

Hindi pa rin nagugulo ang ayos ng kama
Makikita na lang nakaplakda sa sala
Hindi na maidilat ang iyong mga mata
Libro’y natuluan ng laway kakahanda
Sa kinabukasang kinasasabikan
Sa pamilyang iyo namang tutulungan
Ginising ka na at sofa’y pinabakante muna
Para sa kuwarto mo’y makapagpahinga na

Hindi muli nakauwi upang maghapunan
Nagsabi rin na huwag na raw siyang tirhan
Sa susunod na lamang siya muling sasabay
‘Pagkat ‘di pa alam kung kailan babalik sa bahay
Sa ’king harapa’y wala nang nakaupo
Tapos ng trabaho’y ‘di nasisiguro
Dating upuan mo’y nabakante na
Pagbukod mo’y nagsisimula na

Hindi mo na sinama mga dating tropeyo
Medalya’t mga laruan ay iniwanan mo
Nasilid na sa mga kahon ang mga gamit
Handa ka nang pakawalan ang munting silid
Mayroon ka nang bagong malilipatan
Lilisanin mo na ang ating tahanan
Dati mong espasyo’y nabakante na
Buhay na wala ako’y nagsisimula na

Ngunit, sa kabila nito‘y mayroong saya
‘Pagkat alam kong ang buhay ay kaya mo na

You Might Also Like

0 comments: