filipino,

Literary: Para Sa ‘Yo

5/28/2019 08:23:00 PM Media Center 0 Comments




Paunti-unti nang sumisilip ang araw
Naalimpungatan sa mga sigaw at sipol
‘Pagkat gising na rin ang iyong binabantayan
Ikaw, ang siyudad ng kaguluhan

Nag-umpisa nang rumagasa ang mga dyip
Hatid-sundo ang iyong tanging mga pag-asa
Pinagtatalunan ang masisikip na daan
At kung sino’ng may karapatang mauna

Mga kalsada mong hindi natatapos
Pasikot-sikot ngunit iisa ang patutunguhan
Trapikong hindi mawari kung saan nanggagaling
Mga busina’t tambutso ang humaharana sa iyo

Sa mga kalsada, mga anak mo’y kumakayod
Silang mga iniwan na ng kaunlaran
Hindi man nababayaran ang sipag
Di mo kailanman iiwanan

Di magtatagal, buwan naman ang maghahari
Pati ang mga butas sa sahig ng langit
Sila na ang magsisilbi mong liwanag
Sa gabing walang kasiguraduhan ang dala

Nagbabantang panganib sa bawat sulok
Mga aninong hindi malaman ang may-ari
Ito’y kapwa sunod nang sunod sa akin
Anghel ba o mga demonyong bantay?

Ngunit mga ilaw ng mga lampara’t gusali mo
Ang nagsisilbi kong mga gabay pauwi
Hindi kailanman mawawala sa landas
Kung sa kalsada mo’y mananatili

Ang heleng pampatulog sa magulong siyudad
Katahimikang bumabalot sa aking paghimbing
Hanggang ako’y magising, ika’y nariyan
Binabantayan ang aking mga panaginip

Basta’t ako’y nasa iyong mga bisig
Nakakamit ko ang kapayapaan
Pantawid-takot ang kislap ng iyong mga tala
Kapit sa patalim ma’y hindi ka nagpabaya

Bagama’t ganito ang iyong kalagayan
Magulo, maingay, marumi, walang pag-asa
Maynila, Maynila, ikaw pa rin ang aking uuwian

You Might Also Like

0 comments: