aldric de ocampo,

Opinion: Siguraduhing hindi magsisisi sa ROTC

5/24/2019 09:00:00 PM Media Center 0 Comments



Photo credit: Ulap Coquilla

Matagal nang debate ang pagpapabalik sa mandatory na pagsasanay para sa Reserve Officers Training Corps (ROTC). Lumiyab muli ang apoy dahil kamakailan lang, nabalita ang tangka ng ilang mga kinatawan ng pamahalaan na maibalik ito sa batayan edukasyon at itakda sa senior high school.
Noong Mayo 20, 2019, ipinasa ng House of Representatives ang House Bill No. 8961 sa ikatlong pagbasa nito. Minamandato ng naturang panukalang batas ang pagsailalim ng mga mag-aaral ng Grado 11 at 12 ng lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa ROTC. Kung maisabatas ito, maipatutupad ito sa kasalukuyang Grado 11 at lahat ng mga susunod pang batch.

Iilang mga mag-aaral ang in-eexempt ng bill. Kabilang dito ang mga “physically or psychologically unfit” ayon sa pagsusuri ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mga mag-aaral na sumailalim na o kasalukuyang sumasailalim sa katulad na kurso, mga opisyal na manlalaro ng paaralan bilang varsity, at ang mga may rason na inaprubahan ng Department of National Defense (DND).

Kung maipasa sa pagkabatas ang House Bill No. 8961, babalik ang mga araw ng mga mag-aaral na naliligo sa pawis sa ilalim ng umaapoy na araw. Kabilang din sa programa ang pagtuturo ng “tamang ideolohiya” sa mga mag-aaral, tulad ng nasyonalismo at disiplina.

Ngunit, nasyonalismo at disiplina nga ba ang ipinapasok nila sa mga mag-aaral?

May mga pagkakataon na sinasailalim ang mga kadete sa pagpapahirap sa loob ng ROTC. Mga halimbawa dito ang pisikal, sekswal, verbal, at sikolohikal na pang-aabuso tulad ng panggagahasa, pagmumura, at malubhang pananakot at pamamalo sa hazing ayon sa naitalang mga kaso ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Bukod dito, inilantad din ni Mark Welson Chua, isang kadete ng University of Santo Tomas (UST), ang korapsyon na laganap sa ROTC noong Enero 2001 sa The Varsitarian, ang opisyal na student publication ng UST. Mayroon di umanong mga kaso na binabayaran ng mga kadete ang kanilang mga instruktor para sa grado kahit hindi sila pumapasok. Ilang buwan makalipas, biglang nawala at nalaman na lang na patay na si Chua. Natagpuan siyang nakagapos ng masking tape at palutang-lutang sa Pasig River noong Marso 18, 2001. Ayon sa kanyang awtopsiya, itinapon siyang buhay sa ilog. Ang pangyayaring ito ay pinaniniwalaan ng marami na naidulot ng kanyang pagsisiwalat, kaya ito rin ang nagtulak para sa pagpapatupad ng National Service Training Program (NSTP) bilang kapalit ng ROTC sa bansa.

Hindi lang iyon, ginamit din ang ROTC para sa militarisasyon at sa pagpapakalat ng interes ng pamahalaan sa mga paaralan. Makikita ito sa pagpapalaganap ng Student Intelligence Network (SIN) ng DND, na ginamit para mag-espiya sa mga estudyante at kabataan. Maihahalintulad ito sa Hitlerjugend o Hitler Youth sa Alemanya noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan idinoktrina ang kabataan sa Nazismo at ginamit sila para sa pag-eespiya sa mga sibilyang populasyon at dumagdag sa sandatahang lakas ng bansa bilang child soldiers. Bukod dito, lumaganap din sa SIN ang red-tagging sa mga kadete, kung saan binansagang komunista ang aktibista at ibang mga mag-aaral na tumututol sa mga nangyayari noon sa ROTC.

Mayroon ding kaso ng pagpapapasok ng mga militar sa UP Mindanao noong 2017, kahit ayon sa Sotto-Enrile Accord of 1989, bawal pumasok ang pambansang militar at pulis sa unibersidad. Sabi ng UP Mindanao University Student Council (USC), ginamit dito ang ROTC para mabigyang-katwiran ang pagpasok ng mga sundalo sa loob ng campus.

Kung ganito ang kalagayan ng ROTC noon, paano naman makasisiguro na makaiiwas ang pamahalaan ngayon sa korupsyon ng programang ito? Ito ba ang sinasabi nilang disiplinang makukuha sa pagsasanay? Mayroon na namang NSTP ngayon hindi ba? Bakit pa ba kailangan itong palitan ulit?

Makikita rin sa kalagayan ng ROTC noon na huwad naman ang pagtuturo ng nasyonalismo sa mga kadete. Kaysa pagmamahal sa bayan ang matutunan ng mga mag-aaral, bulag na pagsunod sa pamahalaan ang lumilitaw na epekto. Kung ganito ang magiging hubog ng kanilang “nasyonalismo,” paano na ang tunay na pagmamahal para sa Pilipinas?

Kahit ang pamahalaan nga, taliwas sa interes ng pagkakasarinlan ng bansa ang inaatupag, kung saan hindi nito ipinagtatanggol ang soberanya ng Pilipinas mula sa mga gustong umangkin sa mga kapuluan nito. Kung ganitong mga tao ang nagsasabing dapat ituro ang nasyonalismo at patriyotismo, hindi ba’t makabalintunaan ito? Ano ba talaga ang nasyonalismo at patriyotismo na tinutukoy nila rito?

Kung tutuusin, mabuti naman din kasi ang layon ng pagbabalik ng ROTC. Tulad ng katwiran ni Pangulong Duterte at ng mga sumasang-ayon sa kanya, kailangan naman talaga ng bansa natin ngayon ang isang reserbang hukbo kung sakaling biglang magkaroon ng digmaan o sakuna. Kailangan din ng kabataan ngayon na matutunan ang tunay na pagmamahal para sa bansa natin.
Pero kung ibabalik lang ang isang programang napatunayan nang may maraming pagkukulang sa pagtataguyod ng mga layuning ito, paano ba talaga makakamit ang mga nasabing layunin? Kung hindi ito matutugunan ng pamahalaan, at kung hindi maibabalik ang tiwala ng mga mamamayan sa programang ito, malabong magtagumpay ang ROTC kahit sa kasalukuyang panahon.

Kailangan ding pag-isipan ang magiging epekto ng programa sa mga mamamayan. Halimbawa, magiging dagdag lamang sa bayarin ang uniporme at materyales para sa ROTC. Kung ipasasailalim ang lahat ng estudyante rito, paano na ang mahihirap? Kailangang maihanda nang maayos ang programang ito upang makabuti talaga sa mga mag-aaral at mga mamamayan ang ROTC.

Dahil sa mga nabanggit na rason, hindi dapat agarang ibalik ang ROTC nang hindi dumadaan sa malawakan, masusi, at komprehensibong pagsusuri at rebisyon. Kailangang siguraduhin na hindi mauulit ang mga nabanggit na pang-aabuso at maprotektahan ang mga karapatan ng lahat ng masasangkot sa programa para sa ikabubuti ng pamahalaan, kabataan, at ng Inang Bayang Pilipinas. Kung hindi, baka makadagdag lamang ito sa mga problema ng bansa kaysa makatulong. //nina Cedric Creer, Aldric de Ocampo, at Gabe Ulanday

You Might Also Like

0 comments: