AMY,

Literary: Bata, Bata... Pa’no Ka Nawala?

5/28/2019 08:49:00 PM Media Center 0 Comments




"Bang!"

Di ko alam kung pa’no umuwi. Nandito lang ako, nakatayo, iniisip kung saan ako pupunta, ano ang sasakyan, o magkano ang bayad. Teka, may pera ba ako? Pa’no ba ako napunta rito? Parang kanina lang, kasama ko si Mama. Ngayon di ko na siya makita.

Kanina pa ko nagtatanong ngunit lahat ng kausapin ko ay parang parating nagmamadali. Wala ni isang sumagot sa akin. Kanina pa ako paikot-ikot dito, mahihilo na yata ako. Pa’no nga pala ang pagkain at inumin? Sa’n ako bibili? Mamaya ko na siguro poproblemahin, di pa naman ako nagugutom o nauuhaw. Ang kailangan kong gawin ay hanapin ang daan pauwi.

Saan nga ba ulit ang direksyon nu’n? Siguro ‘pag sumakay ako ng dyip, mapupunta ako kung saan ako nakatira. Pero kanina pa ako pumapara, walang tumitigil. Punuan siguro ngayong oras, maya-maya na lang.

Gan’to ba talaga dito, walang pumapansin sa batang mag-isa? Kanina pa ako palakad-lakad pero wala man lang nagtatanong kung nawawala ba ako o kung nasaan ang aking Mama. Pahinga nga muna ako. Sakto, may isang tindahan ng mga TV kung saan puwede akong makinood nang panandalian.

Grabe, ang laki naman ng TV na ito! Kailan kaya kami magkakaroon ng ganito? Ang daming pwedeng panoorin dito, ang daming channel. Gusto kong manood ng cartoons. Sakto, hapon na, pinapalabas na ang mga gusto ko. Lagi akong tumatambay sa mga tindahan doon sa amin kapag hapon at nakikinood ng mga cartoons.

Tawa ako nang tawa habang nanonood. Sayang, nag-commercial na. Ay balita! Ayoko pa naman niyan. Uyyy! Teka, nandoon ako kanina, a. Ano’ng nangyari?

"Bata, patay matapos mabangga ng isang pribadong sasakyan."

Weh? May ganitong nangyari kanina? Parang ‘di ko naman ‘to nakita.

Hala! Gabi na ngunit nasa lansangan pa ako. Ano na ang gagawin ko? Kailangan ko nang umuwi, baka nag-aalala na si Mama. Teka, bakit nga ba walang naghahanap sa akin? Alam naman ni Mama kung saan niya ako huling iniwan.

Ah! Alam ko na. May mga nagbabalita sa batang nasagasaan kanina. Punta na lang ako doon at kakaway sa kamera at baka makita ako ni Mama sa TV sa may tindahan.

Ay, sayang! Paalis na sila, hindi ko naabutan. Pero narinig ko na kakausapin daw nila ang magulang nu’ng nabanggang bata. Sundan ko na lang sila baka ito na ang tsansa kong makita sa TV.

Naku, nakakotse sila. Paano ko na mahahabol? Sila na lang ang pag-asa ko para makita si Mama kaya susubukan ko silang habulin. Hala! Umandar na ang kotse, isa... dalawa... tatlo... takbo!

Grabe, ang bilis magpatakbo ng kotse, pero mas nagugulat ako na naabutan ko siya at hindi ako napagod. Teka, pamilyar sa akin ang lugar na ‘to. Dito ako nakatira! Sa wakas nakarating na rin ako! Ngayon, kailangan ko nang mahanap si Mama. Biglang narinig ko ang malakas na sigaw ng isang umiiyak na babae na lumabas mula sa isang malaking bahay. Siya ang nanay ng batang nasagasaan kanina. Lumapit ako para mas makita ko siya.

Teka… Uyy!!! Si Mama, sa wakas nakita ko na rin siya.

“Ma!” Sumigaw ako ngunit bakit parang di niya ako marinig? Sigaw ako nang sigaw pero di ako napapansin ng mga tao sa paligid.

Pinuntahan ko si Mama. Nandoon siya sa kanto doon sa malayo.

Ma, nandito na ako!

Nagising agad si Mama, nakabalandra sa tabi ng kalsada. “O! Nandyan ka na pala. Kanina pa kita hinihintay. Pasensya ka na at wala tayong pagkain ngayon, konti lang kasi nalimos ko kanina.”

“Ok lang, Ma, di naman ako gutom, e. Bakit di mo ako hinanap? Kanina pa ako nawawala?”

“Pasensya na talaga, nakatulog ako sa pagod at gutom. Akala ko, alam mo na kung paano umuwi. Sige sa susunod isasama na kita sa panlilimos ko para di ka na mawala ulit. ‘Lika na dito, matulog na tayo para di na tayo abutin ng gutom.”

Humiga ako sa tabi ng aking nanay sa higaang gawa sa karton at niyakap siya nang mahigpit. Kahit sa kalye lang kami nakatira, ituturing ko ito na bahay, basta kasama ko si Mama.

You Might Also Like

0 comments: