kiel dionisio,

Opinion: Last Political Ad Syndrome

5/24/2019 08:50:00 PM Media Center 0 Comments



Kakatapos lamang ng eleksyon, at siguradong naaalala mo pa rin ang ilan sa mga jingle at patalastas ng iba’t ibang kandidato. Madalas gamitin ang mga political ads bilang malikhain at epektibong paraan sa pagpapakilala ng isang kandidato o partido at pagpapahayag ng kaniyang mga plataporma. Sa kasamaang palad, ang mga patalastas ngayong taon ay ginamit na lamang upang itatak sa isip ng mga botante ang kanilang pangalan at ang kanilang numero sa balota.

Pagpatak pa lamang ng election period noong ika-12 ng Pebrero 2019, nagsilabasan kaagad ang samu’t saring patalastas at jingle ng mga kandidato mapa-national o local man sa telebisyon, radyo, social media, atbp. At sa parehong buwan din, pinirmahan ni Pangulong Duterte ang RA 11207 o “Act providing for reasonable rates for political advertisements," isang amendment sa Free Elections Act. Sa panukalang ito, binibigyan na ang isang kandidato ng 50% na discount sa pag-ere ng kaniyang patalastas sa telebisyon, mula sa orihinal na rate na 30% ; 40% na discount sa radyo mula sa 20%; at 10% discount para sa mga print na hindi nagbago ang porsyento.

Kung susuriin, maganda ito para sa mga kandidatong walang masyadong pondo sa pangangampanya upang maipahayag ang kanilang plataporma at mga hangarin. Pero ibig sabihin din nito, mas magkakaroon ng maraming patalastas ang mga kandidatong maraming pondo o mayaman. Isang patunay rito ang nilabas na listahan ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) noong Pebrero ukol sa mga naging gastos ng mga kandidato sa pagka-senador. Lumabas sa listahan na ang kanilang gastos sa mga patalastas ay lagpas sa kanilang idineklarang net worth sa kanilang kasalukuyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Nanguguna rito ang kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino - Lakas ng Bayan (PDP-LBN) na si Bong Go, na may idineklarang net worth sa SALN noong 2017 na 12.8 milyong piso, samantalang ang kaniyang nagastos ay 422.4 milyong piso.

Ang ilan din sa mga kandidatong nasa listahan ay sina Cynthia Villar, JV Ejercito, Bong Revilla, Francis Tolentino, Imee Marcos, Grace Poe, Bam Aquino atbp. Ayon sa dating Commision on Elections (COMELEC) chairman na si Christian Lim, maaaring nanggaling ang pera sa donasyon ng mga pribadong grupo o tao o maaari din sa tagong yaman. Ganoon pa ‘man, nakita naman natin ang epekto nito sa panonood lamang ng telebisyon o pakikinig sa radyo. Na kahit anong oras ng araw lalo na sa prime time ng TV sa gabi, ating maririnig o mapapanood ang iba’t ibang patalastas ng mga pulitiko at mga partido. Sa kasalukuyan, ang pamantayan ng COMELEC na nakasaad sa Resolution 10488 ukol sa mga patalastas para sa mga kandidato sa pambansang posisyon ay hindi dapat ito hihigit sa 120 minuto para sa telebisyon, at 180 minuto para sa radyo sa bawat istasyon. Para sa mga lokal na kandidato naman ay hindi dapat hihigit sa 60 minuto sa telebisyon, at 90 minuto sa radyo ang mga patalastas. Isa lamang ito sa mga pamantayan na isinaad ng COMELEC ukol sa mga patalastas at campaign materials ng mga kandidato.

Pero bukod dito, isang pamantayan na dapat ilagay ng COMELEC ay ang laman o content ng mga patalastas. Kung titignan ang mga patalastas ng mga kandidato sa pagka-senador ngayon, karamihan dito ay ipinapakita ang kanilang mga nagawa bilang pampublikong opisyal at mga planong gagawin kapag sila’y nahalal. Karamihan din sa mga patalastas ng mga kandidato ng administrasyon ay kasama si Pangulong Duterte at isinasalaysay kung ano ang nagawa ng kandidato. Pero hindi lahat ng patalastas ay ganito ang laman at hindi isinasaad ang kanilang mga plataporma at mga nagawa o planong gawin. Isang halimbawa nito ang isang patalastas ng kandidato ng Lakas - Christian Muslim Democrats (LAKAS - CMD) na si Bong Revilla. Sa kaniyang patalastas, binigyang diin ang mga numerong 16 na sumasayaw ng “Budots” isang sayaw na may techno na tunog at karaniwang sinasayaw sa mga probinsya. Sa dulo ng patalastas, binanggit lamang ni Revilla ang kaniyang pangalan at numero sa balota. Sa buong patalastas, walang nabanggit ukol sa kaniyang mga nagawa o plataporma, sa halip, tinatak lamang sa isip ng manonood ang numero niya sa balota. Dahil dito, naging usap-usapan ito sa iba’t ibang bang social media sites na binabatikos ang nasabing patalastas at ginawan pa ng mga meme. Maaring masabi na nakaapekto ito sa pagkalikom ng maraming boto ni Revilla at pag-pasok sa Magic 12 sa resulta ng kakatapos lamang na eleksyon. Ayon nga sa isang kasabihan “Bad publicity, is still publicity.”

Pwedeng masabi na ito’y gimmick o pakulo lang na normal naman sa eleksyon, pero paano malalaman ng mga ordinaryong mamamayan o botante ang mga gagawin ng kandidato kapag nanalo kung sasayaw lamang ito at babanggitin ang pangalan at numero sa balota? Na ang tanging dahilan kung bakit sila’y binoto ay dahil catchy at nakakaaliw ang kanilang mga patalastas. Pero hindi dapat sisihin dito ang mga botante, ang dapat managot dito ay ang mga kandidato mismo na ginagawang mang-mang ang mga botante. Sa parating na eleksyon sa 2022, dapat itakda at isali ng COMELEC bilang pamantayan sa mga patalastas ang mga nagawa at plataporma o ang mga plano ng isang kandidato. Oo, hindi lang naman dapat sa patalastas tinitignan ang kakayahan ng isang kandidato, pero kung ito ang nagiging basehan ng maraming botante sa pagpili ng kanilang kandidato, marahil dapat may mabago dito. //ni Kiel Dionisio

You Might Also Like

0 comments: