filipino,

Literary: Aking Tahanan

5/28/2019 08:39:00 PM Media Center 0 Comments




5:30 p. m.

Uwian na. Inilagay ko na ang aking mga libro sa loob ng bag ko matapos maglektyur ni Ms. Alonzo ng derivatives sa Math. Inayos ko na ang aking mga gamit at tumayo.

“Paalam at maraming salamat, Ms. Alonzo!” Agad na nagtalunan ang mga kaklase ko dahil Biyernes na ngayon. Maraming umuuwi bago lumubog ang araw at magsasaya kasama ang kanilang mga kaibigan at kapamilya.

Naglakad-lakad muna ako sa paaralan nang marinig kong nagchichikahan ang mga kaklase kong sina Erica at Jana.

“Tara! Punta ka sa bahay! Nagluto ang mama ko ng pininyahang manok. ‘Di ba paborito mo ‘yun?” yaya ni Jana kay Erica sabay hila sa braso nito papunta sa kanilang sasakyan.

“Sayang! Kakauwi lang ng papa ko galing Saudi, e. Kakain kami ngayon sa labas!” nanghihinayang na sagot ni Erica ngunit bakas sa kaniya ang pagkasabik sa pag-uwi dahil sa pagdating ng kaniyang ama.

“Ay, ganu’n? Okay lang. Sige ba-bye na! ‘Andyan na si Mama sinusundo ako,” maligayang paalam ni Jana nang dumating na ang kotseng susundo sa kaniya.

“Sige!” paalam ni Erica at lumakad na siya papunta sa kabilang sakayan.

Napangiti ako sa aking nakita. Sabik na sabik na silang umuwi dahil sa sasalubong sa kanilang pamilya. Sumakay na ako sa dyip at nagbayad ng sampu. Uuwi na ako sa amin. Ano naman kaya ang dadatnan ko?

Pagkauwi ko ay sumalubong sa akin si Nanay na may dalang tinolang manok. Napakarami nitong sabaw at malunggay. Ito talaga ang paborito ko!

Tiyempong dumating si Tatay galing trabaho, may dala-dala siyang isang lata ng ice cream na pagsasaluhan naming tatlo.

“Anak, naghain na ako, kumain ka na! Niluto ko ang paborito mo!” wika ni Nanay sabay abot ng mangkok na may lamang tinola.

Hinanap ko agad ang hita sabay lagay sa kanin ng maraming sabaw. Grabe, ang saya naman nito!

“Ito naman ang ice cream na paborito mo! Nadaanan ko kasi yung ice cream shop na paborito mo. Kaya bumili na ako,” sabi naman ni Tatay.

Ito talaga ang dahilan kaya sabik na sabik akong umuwi tuwing Biyernes!

“Ang saya po talaga ng pamilya natin kahit nakatira tayo sa barong-barong!”

“Barong.” Ha? Bakit parang nag-iba ang boses ni Tatay?

“O, mga Barong diyan, o!” sigaw ng tsuper at nagsibabaan na ang mga pasahero sa dyip na sinasakyan ko.”

Nagising ako sa aking pagkakatulog. Narito na pala ako sa tapat ng bahay. Agad akong bumaba at dumiretso sa amin.

“Tita, ano po’ng ulam?” tanong ko kay Tita pagdating sa bahay.

“Wala! Pinang-inom ng Tito mo. Kainis talaga ‘yung hayup na ‘yun! Maglabada ka na para may pansugal ako! Aba, pasalamat ka nga’t pinapayagan ka pa naming mag-aral, e!”

“Pero Tita nagugutom na po ako, e,” agad kong sabi sabay hawak sa kumakalam kong sikmura.

“E, ano’ng gusto mong gawin ko? Wala nga, e! Nag-aaral ka pero ang tanga mo! Hina mong umintindi!” wika niya sabay alis para puntahan ang mga kaibigan niya.

Ito na nga pala ‘yung bahay na lagi kong inuuwian, matapos mamatay sa aksidente ang aking mga magulang.

Naglakad ako papunta sa kusina, nakita ko ang sangkaterbang hugasin at nakakalat na mga kubyertos. Sa bahay namin dati, hindi hinahayaan ni Nanay na nakakalat ang mga gamit. Maalaga siya sa bahay at maasikaso sa akin. Hindi nga niya hinahayaan na may nakakalat na mga gamit sa sahig. Ayaw rin niyang napupuyat ako sa mga gawain ko sa paaralan, at kung may ganoon mang pagkakataon, tinitimplahan niya ako ng kape upang masigurong matatapos ko ang aking mga gawain.

Napaupo ako sa kabisera ng hapag. Naaalala ko sa bahay namin, tuwing kakain ay dito rin umuupo si Tatay. Lagi siyang nagbabasa ng diyaryo habang tinuturuan ako ng magagandang asal. Siya nga rin ang nagturo sa aking magbasa at magsulat. Naaalala ko pa nga noon, tinuturuan niya akong magkabisado ng tulang ipepresenta ko sa aking klase. Dapat malakas at malinaw ang mga salitang sasabihin.

Hindi man kami ganoon kayaman, naging kuntento ako sa simpleng pamumuhay namin. Kulang man kami sa pera at kagamitan, busog na busog naman ako sa kanilang pagmamahal. Matapos nilang mamatay, ganoon pa rin naman ang naging buhay ko. May tinitirhang bahay na may haligi, ilaw, tubig, at pader. Parang bahay ko lang din dati. Pero hindi ito ‘yung tahanan ko. Ibang-iba ito sa nakagisnan ko. Meron nga ito ng lahat. Pero…

Wala itong..

Wala itong pagmamahal.

Malayong-malayo ang bahay na ito sa aking tahanan.

You Might Also Like

0 comments: