cedric creer,
Opinion: Banta sa pamamahayag
Pagpapakalat ng balita at pagbibigay ng impormasyon sa mga tao ang pangunahing trabaho ng mga mamamahayag. Kasama sa kanilang trabaho ang pagpunta sa iba’t ibang lugar upang kumuha ng mga impormasyon at mag-ulat ng mga pangyayari sa ating bansa.
Pero paano nila magagawa nang maayos ang kanilang trabaho kung ang bawat galaw nila ay bantay-sarado? Paano sila makakikilos nang maayos kung laging may banta sa kanilang buhay at sa buhay ng kanilang pamilya?
Noong Mayo 3, ginunita ng iba’t ibang grupo ng midya sa Pilipinas ang World Press Freedom Day sa pamamagitan ng paglalabas ng mga report tungkol sa sistematiko at mapanirang pag-atake sa mga mamamahayag mula noong maging pangulo si Rodrigo Duterte.
Simula Hunyo 30, 2016, nagkaroon ng 128 na kaso ng pananakot at pagbabanta sa mga indibidwal na mamamahayag o media outfits ang naitala ng Freedom for Media, Freedom for All Network.
Ilan sa mga kasong ito ay ang pag-hack sa mga news websites, pagharang sa pagco-cover ng mga tagapagbalita, at marahas na pagbabanta sa mga mamamahayag gamit ang social media. Naglabas din ng mga balita tungkol sa pagkaligtas ng mga mamamahayag mula sa pagtatangka sa kanilang buhay.
Sa unang 22 buwan ng pamumuno ni Duterte, nakapagtala rin ng 85 na kaso ng pag-atake sa mga mamamahayag ang Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Philippine Press Institute (PPI). Pinatitibay nito ang pahayag ng sa NUJP na, "more than any administration since the unlamented Marcos dictatorship, never have freedom of the press and of expression been under siege as during the presidency of Rodrigo Duterte.”
Lubos na nakababahala ang ganitong mga pangyayari sa ating bansa lalo na’t ang tinatarget nila ay ang mga taong nag-uulat ng mga totoong nangyayari sa Pilipinas.
Malaki ang epekto nito sa mga tao dahil nagdudulot ito ng takot sa kanila: takot na magsalita at umaksyon sa mga kamaliang kanilang nakikita, at takot na nagsisilbing hadlang upang maparusahan ang mga taong gumagawa ng mali.
Ang mga pangyayaring ito ay hindi tama at hindi na dapat magpatuloy pa dahil kung nakikita ng mga tao na ganito ang nangyayari sa mga taong kumakalaban sa gobyerno, hindi sila magkakaroon ng lakas ng loob na umaksyon.
Sa isang pahayag kaugnay ng World Press Freedom Day, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi kinukunsinti ng administrasyon ang media violence at repression of information, at sinisiguro rin nilang susuportahan nila ang mga miyembro ng press sa kanilang trabaho at sa paggawa ng mga “accurate, fair, at nonpartisan” na mga ulat para sa mga Pilipino.
Kung tunay nga ang kanilang intensyon na suportahan ang mga mamamahayag, bakit marami pa ring kaso ng pag-atake ang naitala laban sa mga mamamahayag?
Isang patunay na lang nito ay ang paghuli at pagkulong kay Maria Ressa sa kasong cyber libel at mga paglabag sa anti-dummy law. Isa itong malaking dagok sa press freedom dahil siya ang CEO ng Rappler, isang pahayagang matapang na isinisiwalat ang mga kamaliang nangyayari sa bansa. Kung mangyayari din ito sa iba pang pahayagan, wala nang matitirang magbabalita nang tutol sa pamahalaan. At kung wala nang magbabalita, hindi na malalaman ng mga Pilipino ang tunay na kalagayan ng ating bansa sa kasalukuyan at maging sa hinaharap.
Kung magpatuloy ang mga bantang ito laban sa mga mamamahayag at sa press freedom, oras na para tayo naman ang umaksyon. Isang paraan ang social media upang ipahayag at ipaalam ang mga nangyayari sa ating paligid. Malaki ang maitutulong nito para sa mga kapwa nating Pilipino na hindi kayang makapagsalita para sa kanilang sarili.
Huwag tayong matakot dahil walang mangyayaring pagbabago kung walang aaksyon. Sa huli, ang lahat ng ito ay para rin sa atin at sa ikabubuti ng ating bansa. Sana ay magtulungan tayo upang maging boses ng mga taong walang kapangyarihan at naaapi. //ni Cedric Creer
0 comments: