filipino,

Literary: Pag-Uwi

5/28/2019 08:58:00 PM Media Center 0 Comments




Palubog na ang araw sa likod ng matataas na gusali. Nagtatalo ang asul at kahel sa langit, tila ba itinutulak na ng dilim ang araw, sinasabing siya naman ang magbabantay sa mundo. At nang tuluyan nang tumingkad ang gabi, hindi dumating ang malamig na simoy ng hangin. Nanatili itong maalinsangan. Parang may mali.

Sa mainit na simoy na dumadapo sa braso ni Anita ay dumidikit ang mga lamok. Maglalakad na nga lang siya pauwi mula sa kaniyang eskuwelahan, hindi pa siya pinatawad ng mga peste. Mag-aalas-nuwebe na nang makarating siya sa kanilang kanto at may kaunti pa siyang lalakarin mula dito hanggang sa bukana ng kanilang compound.

Bagamat may mga streetlight para gabayan si Anita, bahagya siyang naiilang sa hangin na nakapaligid sa kaniya. Walang tao sa kalsada. Wala ang mga aso, wala ang mga pusa. At ang lahat ng ilaw na nanggagaling sa ibabaw niya ay pinagpipiyestahan ng gamugamo. Hinawakan niya ang magkabilang strap ng kaniyang backpack at patuloy na naglakad pababa nang pababa.

Nang makarating si Anita sa dulo, siya ay kumanan sa Perlas St. Dahil walang pondo ang kanilang barangay, buwan na lang ang gumagabay kay Anita. Bilog na bilog ang buwan at simputi ng mga puti ng mata ng bagong silang na sanggol. Saglit itong tiningnan ni Anita at nagmukhang itim lang ang langit na kinakanlungan nito. Nabighani siya sa langit at nagpatuloy sa paglalakad pauwi.

Nang marating niya ang tindahan ni Aling Berny, hindi niya napigilang mapabuntonghininga. Nakabukas ang mga ilaw at naririnig niya ang ingay ng TV mula sa labas. Hindi na niya sinubukan pang daanan ito at kumustahin dahil alam niyang seryoso na si Aling Berny at ang kaniyang asawa sa panonood. Hindi rin naman siya makakatanaw sa loob ng maliit na puwang kung saan dumadaan ang bayad at bilihin dahil sobrang dami na ng gamugamo. Gamugamo? Langaw? Hindi na niya tiningnan.

Nang makarating siya sa kanilang compound, dahan-dahan niyang binuksan ang tarangkahan at pumasok sa loob. Binuksan niya ang ilaw sa may garahe at nakita niyang wala pa ang bike ni Kuya Toto o ang motor ni Ate Jen. Hindi pa nakaparada ang tricycle ng kaniyang tatay at kaaalis lang yata ng kaniyang nanay. Umalis din ang pamilya nina Tito Boy, ang nakatira sa kabilang bahay, dahil namatay ang kaniyang lolo sa Bicol. Ang kaniyang asawa, si Tita Janet, ang kapatid ni Mama, ang nagbilin kay Anita na pakainin muna ang kanilang asong si Resty.

Pumasok sa loob ng bahay si Anita upang kunin ang pagkain ng aso. Hindi na niya binuksan ang mga ilaw, alam niyang darating ang mga gamugamo. Pagkakuha niya ay dumiretso siya sa labas at inilapag ito sa harap ng kulungan ng aso. Lalabas na lang ito kapag nagutom na. Bahagya siyang napangiwi sa amoy galing sa kulungan. Pero ayaw na niyang gisingin si Resty. Bukas na lang nang umaga.

Bago niya patayin ang ilaw ng garahe, sinuri niya muna itong mabuti. Baka kasi may nakalimutan siyang isara o ikandado. Nakita niya ang upuan ng kaniyang nasirang lolo. Nasa pinakagilid ito ng garahe, nilalangaw. Minabuti niyang pumunta rito at hanapin kung anuman ang nilalangaw pero wala namang bulok na prutas o patay na daga. Dahil pagod na pagod na si Anita, ipinagpabukas na lang niya ang paghahanap ng kung anumang nilalangaw sa upuan ng kaniyang lolo.

Pinatay na niya ang ilaw sa garahe at pumasok na sa bahay. Hindi na niya binuksang muli ang ilaw. Tahimik siyang naglakad patungo sa kusina pero naririnig pa rin niya ang ugong ng mga langaw. Para bang malapit sa tenga niya. Hanggang sa isa-isa na siyang nilapitan, dumadapo sa kanyang pawisang braso, binti, at pisngi. Nairita na si Anita kaya dumiretso siya sa banyo para maghilamos.

Binuksan niya ang ilaw at tiningnan ang kaniyang sarili sa salamin. Sa malamlam na liwanag ng kaisa-isang fluorescent light, naghugas siya ng mukha sa maliit na lababo. Nang makapagbanlaw, minasdan niyang muli ang kaniyang sarili sa salamin. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita ang dose-dosenang langaw sa kaniyang likod. At napakalakas ng kanilang ugong.

Naisipan niyang kunin ang bug spray na nakatago sa likod ng kanilang pinto. Dumiretso siya roon at binuksan niya ang ilaw. Nakakalat ang mga langaw sa salas at nakabalandra sa sofa ang pinagpipiyestahan nito.

Ngumiti ang bangkay sa kinalalagyan nito. Nagsilabasan ang mga uod mula sa kaniyang bibig. Kumapal ang amoy ng lupa sa salas at humalo ito sa malagkit na pakiramdam sa mga braso ni Anita.

“Aba, hija. Buti nakauwi ka na,” sabi nito.

Tumalikod si Anita at sinubukang buksan ang pinto. Hindi gumagalaw ang busol at pawis na pawis na ang kaniyang mga kamay. Natataranta na ang dalaga at lalong lumakas ang ugong ng mga langaw.

“Tulong! Tulong!” sigaw niya kahit wala naman yatang makakarinig. Sa kapal ng pintong akasya at sa lakas ng mga peste ay mukhang hindi makatatagos ang kaniyang mga iyak. Tinuktok nang malakas ni Anita ang pinto.

Tumigil ang tunog ng mga langaw. Lumingon siya at nakitang wala na ang mga ito. Wala na rin ang kaniyang lolo sa sofa. Tahimik ang buong salas, maiban sa kaniyang paghinga.

Nanatiling nakatayo si Anita, nakatitig sa sofa, sinusubukang intindihin ang mga nangyari sa kaniya. Nawala na ang amoy ng lupa, pero maalinsangan pa rin ang pakiramdam ng kaniyang balat. Nakakapit na ang ilang buhok sa kaniyang noo at patuloy ang pagtulo ng mga butil ng pawis.

Napalingon siya sa pinto. May kumatok. Hinawakan niya ang busol at dahan-dahang inikot. Lumingon ulit muna siya sa salas, parang naririnig na naman ang mga langaw.

Binuksan niya ang pinto.

Uuwi at uuwi ang mga yumao. Pero hindi bilang mga paruparo.

You Might Also Like

0 comments: