filipino,

Literary: Minsan by Eraserheads

5/28/2019 07:54:00 PM Media Center 0 Comments




Ipikit mo ang mga mata mo’t pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko…

Ito ang linyang sinabi mo sa akin na hinding-hindi ko malilimutan. Dati pa tayong magkakilala pero unang beses kitang napansin noong sandaling iyon. Naaalala mo pa ba? Ito ‘yung sandaling pinakitaan mo ako ng magic trick, pero pinapikit mo lang pala ako para kunin ang natitira kong Milo Nuggets. Hay! Akala ko napakaseryoso mong tao, pero nang narinig ko ‘yang dalisay mong tawa? Napagtanto kong iba ka.

Dalawang taon na ang nakalipas nang maging close tayo. Mas close pa sa Polaris A at Polaris Ab… Ayun, o, nakikita mo? At pagkalipas ng napakaraming kulitan at alaala, heto tayo ngayon, nakahiga sa Sunken Garden, nagsa-star gazing!

Legal ba ‘tong ginagawa natin?

Oo naman! Ano ka ba… nagdadrama ako dito tapos di ka makikinig?
Pero oo nga, gabing-gabi na. Di ka pa ba uuwi sa iyong tahanan?


Di ko alam, . Ano ba kasi ang “tahanan?”

Tahanan? Bahay! Isang lugar kung saan tumitira, nagpapahinga ang mga tao.
Tara na nga. Tumayo ka na rin diya━

Ang tahanan kasi, para sa akin, dito mo madarama na ligtas ka. Na kahit anong mangyari, hindi ka mapapahamak. Dito ka rin makakakilos nang malaya. ‘Yung kahit anong sayaw at kanta ang gawin mo, walang pipigil sa ’yo. Napakasarap sa pakiramdam! Bumalik ka nga rito. Nadarama mo ba ‘to sa tahanan mong ‘yan? 

Wow! Napakadrama. Soc Sci ka ba? Ipasa mo na lang ‘yan sa MC!

Inaaway-away lang kita sa mga pagkakataong ganito. Pasensya ka na, maalab ‘yang puso mo, habang mas malamig pa sa Sagada ‘tong akin. Oo, pinagtatawanan lang kita, madalas. Pero sa totoo lang, nang marinig ko ‘yang mga sinabi mo? Iyon ang pagkakataong pinakanahulog ang loob ko sa iyo. Sa kasamaang-palad, ang kumislap na damdaming ito ay para sa akin─at akin lamang. Alam ko namang hindi tayo ang para sa isa’t isa.

Sa pagdating ng oras ay mag-iibang landas na tayo, at wala na kong ibang magagawa kundi magpasalamat.

Salamat sa mga biglaang pagtawag mo sa aking pangalan para lamang ngitian ako. Nakagagaan ng loob.

Salamat sa walang-tigil na pagkanta mo ng Minsan sa tuwing magkasama tayo. Nakakairita na, pero sabi nga nina Ely, sana huwag (mong) kalimutan ang ating mga pinagsamahan.

Salamat sa bawat pagkakataong nagdrama’t humugot ka sa aking harapan. Ang sarap sa pusong isipin na pinagkatiwalaan mo ako sa mga sikreto’t damdamin mo. Pangako, na kahit pinagtawanan kita, pinakinggan naman kita nang taos-puso.

Salamat dahil kahit huli na, naisipan mong kunin ang natitira kong Milo Nuggets at dahil dito’y napansin kita.

At kahit hindi na tayo magkakasama, alam kong nandito ka pa rin. Ito lamang ang kailangan kong gawin...

Ang mga mata kong ito’y ipipikit ko, tulad ng sinabi mo noon. At papakinggan ko ang natitirang alaala ng boses mo dito sa aking damdamin. Ang huli mong paalam ay pakikinggan ko nang buong-puso. Dahil marinig ko lamang ang boses mo ay ligtas na ako; marinig ka lamang ay ramdam kong nasa tahanan na ako.

Tara, Robin. Uwi na tayo?

Huwag muna. Kaunting oras pa.

You Might Also Like

0 comments: