feature,
Feature: Eleksy- Sino ‘yon?
Nalalapit na naman ang halalan at hindi maikakaila ang kabang dinudulot nito sa mga tumatakbo. Ngunit, sino-sino nga ba ang mga maaari nating iboto? Kilalanin natin ang ilan sa mga pangalan at partidong maaaring gagabay sa atin sa susunod na dalawang semestre.
Si Danie Cabrera, mula sa partidong Awanggan, ay tumatakbo sa pagkapangulo ng Pamunuan ng Kamag-aral (pKA).
Nagpasya siyang tumakbo muli ngayong taon dahil sa kasalukuyan niyang posisyon bilang Pangalawang Pangulo ng pKA at nakita niya naging epektibo ang kanilang plataporma para itaas ang partisipasyon ng mga mag-aaral sa paaralan. Ang pagiging bahagi ng magandang pagbabago na kinakailangan ng paaralan ang nagsisilbing motibasyon ng mga kandidato sa partidong Awanggan.
Isang kalakasan ng kanilang partido ang pagkakasundo nila sa mga kanilang kapwa kandidato, at nagbibigay ng iba’t ibang pananaw ang bawat isa sa mga isyu ng paaralan, ayon kay Danie. Magkaparehas ang kanilang damdamin tungkol sa mga bagay-bagay. At bilang kasalukuyang Pangalawang Pangulo, nagiging bentahe ang mga karanasan niya sa pagiging parte ng pKA.
“The fact that we all have this willingness to serve drives us to be more active as student-leaders, since our heart and mind are in the right place,” sabi ni Danie. Kabilang sa plataporma nila ang pagtuloy sa ilang nakaraang proyekto ng pKA, pagbigay ng pansin sa mga karapatan at mga nararanasang problema ng mga estudyante, at pagsisigurado na mananatili ang mga mabubuting epekto ng kanilang mga proyekto.
Ayon kay Danie, ang kahulugan ng pangalan ng partido nila ay “walang hanggan” dahil pangmatagalang solusyon ang balak nilang magawa sa mga proyekto nila. Ang kasama ni Danie sa partidong Awanggan ay sina Romi Okada bilang Pangalawang Pangulo, Cy Licuanan bilang Kalihim, Rafael Alcazar bilang Ingat-Yaman, Mary Rodriguez bilang Katuwang na Ingat-Yaman, Abbie Cueresma bilang Tagapangasiwa, Isabel Biason bilang Tagapamahayag, Dean Cabrera bilang Tagapamahala, at sina Raymond Tingco at Francheska Yanga bilang mga Tagapamayapa. Ang partidong Awanggan ang nag-iisang partido na tumatakbo sa pKA.
Kasabay ng eleksyon sa pKA, masigasig din ang pangangampanya ng mga tumatakbo para sa year level organizations (YLO). Katulad ng pKA, ang YLOs natin ay magsisilbing student-leaders sa ating paaralan. Ngunit, di tulad ng pKA, sila ay mas nakatuon sa kani-kanilang batch. Ilan sa mga tatakbo bilang YLO officers ay ang mga sumusunod.
Si Gian Manalo ay isang kandidatong tatakbo ulit bilang Tagapamahayag, para sa Senior Council. Ang pangalan ng kanilang partido ay eSCalator. Sa kasalukuyang taon ay Tagapamahayag din siya ng Junior Association. Siya ay muling tatakbo para sa Senior Council para ipagpatuloy ang serbisyo niya sa kanyang batch na Doble Dos at magamit ang mga natutunan niya sa mga nakaraang taon para sa mas mahusay na pamumuno. Ang kanilang mga proyekto para sa kanilang batch ay eleksyon para sa susunod na taon, powerdance, team-building, fundraising, at outreach.
“We always stand on the right! Sama-samang aangat at sama-samang haharapin ang mga hadlang para sa mas magandang kinabukasan,” dagdag ni Gian.
Para sa Junior Assocation naman, si Kylssa Betito ay tumatakbo bilang Kalihim sa ilalim ng partidong Nin9as (Ningas). Ayon kay Klyssa, Ningas ang pangalan ng kanilang partido dahil nais ng kanilang partido na pasiklabin ang natatanging talento at potensyal ng kanilang batch.
Ayon kay Klyssa, tumakbo siya dahil gusto niyang matulungan ang kanilang batch sa iba’t ibang aspeto sa pamamagitan ng iba't ibang paraan. Isang halimbawa ay ang pagpapabuti ng natatanging talento at potensyal ng kanilang batch.
Dagdag ni Klyssa, karapat-dapat daw na manalo ang kanilang partido dahil alam niyang determinado silang maisakatuparan ang kanilang plataporma.
“...layunin ng aming partido na magabayan at matulungan ang aming batch sa pagpapamalas ng kanilang potensyal,” sabi ni Klyssa.
Ilan sa mga proyekto na ilulunsad ng Nin9as ay ang Siklab: Variety Show, Junior-Senior Promenade, Outreach Program, BOTC: Junkdrive Fundraiser, Sportsfest/Team-building at Mental Health Talks.
Samantala, mayroon namang dalawang partido na tumatakbo para sa Sophomore Association.
Si Angel Ken Young ay ang kandidato sa pagkapangalawang pangulo ng partidong United. Naging interesado siyang tumakbo para mas matibay ang pagkakaisa ng kanilang batch at para magkaroon ng mga oportunidad na mas makilala ang mga kapwa niyang estudyante at mga guro. Sa pagtakbo niya bilang Pangalawang Pangulo, gusto niyang bigyan ng pansin ang mga isyu na naobserbahan niya at ng iba niyang kasamang mag-aaral.
United ang napili nilang pangalan ng partido dahil naniniwala silang kinakailangan ang pagkakaisa para maging matagumpay ang isang batch. Ito ay para maihanda ang isa’t isa para magbigay ng mabuting pagbabago sa mundo. Ito’y makakamit nila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga team building activities para sa buong batch at isang fundraiser.
Ang kalakasan ng partidong United ay ang mga karanasan nila sa pagiging lider, ayon kay Angel. Karamihan sa kanilang partido ay mga student-leader sa dati nilang paaralan, kaya mayroon silang kaalaman sa pamumuno.
“Pagsasamahin namin ang kaalaman namin galing sa nakaraang paaralan namin at ang mga ideals ng UPIS, at maaaring mayroon kaming makukuha na isang mas mabuting [paraan ng pagmumuno],” sabi ni Angel Ken.
Sa kabilang dako naman ay ang partidong 8OAR (SOAR) at si Anna Gabrielle Dalet ang tumatakbo para sa posisyon ng Pangulo. Siya ang kasalukuyang Tagapamayapang Babae ng Freshman Association, at napansin di umano niya ang mga aspekto ng kaniyang batch na kinakailangan pang pagbutihin na hindi nila natugunan bilang FA.
“Tumakbo po ako dahil na-realize ko na ito na po yung pagkakataon ko na magawan ng paraan ang mga problema kasama ng ibang mga kasapi ng batch,” sabi ni Anna.
Ang pangunahing layunin ng partidong 8OAR ay pagtibayin ang koneksyon ng batch sa isa’t isa. Isa sa mga proyekto nila ay ang pagkakaroon ng regular na mga batch assembly para mapalapit pa ang batch, ayon kay Anna. May iba’t ibang mga paksa na pag-uusapan sa paraan ng open-forum tulad ng bullying, toxicity, at mga paraan para pagbutihin ang komunikasyon sa batch. Ang proyekto na ito ay magmumungkahi ng kolaborasyon sa guidance counselor ng batch.
Ipinagmamalaki ng partido ang dibersidad ng mga miyembro nila. Ito ay makatutulong sa pagbibigay ng iba’t ibang opinyon at pananaw sa mga problema.
“Tingin ko po na dapat kaming iboto dahil may karanasan na po kami in working together as a whole for the batch, at dahil handa kami upang matulungan, masuportahan at magabayan ang mga estudyante sa mas magandang kinabukasan,” sabi ni Anna.
Pagdating sa Freshman Association, mayroon ding dalawang partidong tumatakbo, ang FAmiliarize at ang PAMANA.
Si Beatrice Hijara, ang Tagapamahayag ng FAmiliarize ay naniniwalang karapat-dapat manalo ang kanilang partido dahil alam niyang kapag pinagsama-sama ang angking talento at kayang ibigay ng kaniyang partido, mas mapabubuti nila ang kanilang batch. Ilan sa mga pinaplano nilang mga proyekto ay ang recycle drive, team building activity at marami pang iba, ayon kay Alexi Isorena, ang kanilang Tagapamahala.
FAmiliarize ang naisip na pangalan ng partido dahil naniniwala silang kailangan mas maging pamilyar ang isa’t isa sa kanilang kapwa upang malaman kung ano ang dapat at hindi dapat, nang sa gayon ay magkaroon ng pagkakaisa, ayon kay Beatrice.
Ang kabilang partido naman ay ang PAMANA o Partido ng mga Mag-Aaral na Nagkakaisa.
Ayon kay Faith Fabro, ang kanilang Tagapamayapang Babae, layunin ng PAMANA na ipamalas ang pagkakaisa, pagkakapantay-pantay at ang pagkakaroon ng malasakit sa kapwa. Ilan sa kanilang binabalak na proyekto ay ang team building, batch night, charity donation at marami pang iba.
Naniniwala ang PAMANA na maaaring hindi pa sila ganoon kasanay maging mga lider dahil unang beses pa lamang nilang sumubok maging mga mamumuno, ngunit handa silang gawin ang kanilang makakaya upang mas mapabuti ang kanilang batch.
Ang mga pangalang nabanggit ay ilan lamang sa mga pangalang maaaring makita natin sa ating balota. Ngayong mas kilala na natin ang ilan sa kanila, mabuting pag-isipan pa natin ang ating mga iboboto. Dahil pagdating ng panahon, tayo rin ang makararanas ng kanilang pamumuno. Kaya’t gamitin nating mabuti ang kapangyarihang bumoto, para sa mabuting pagbabago. //nina Kiara Gabriel, Tracy Mondragon, at Ned Pucyutan
0 comments: