Showing posts with label mr. yoso. Show all posts

Literary (Submission): Isang Araw






1Isang araw ay nagkita tayo
Itinuring kitang kaibigan ko
‘Di ko namalayang iniibig mo pala ako
Pero natutuwa ako sa tuwing magkasama tayo

2Kakaibang kilig ang aking nadarama
Masilayan lang ang ‘yong ngiti sa umaga
Dito napagtanto ng tumitibok kong puso
Na ikaw na nga’y iniibig ko

3Nagbigay ako ng mga regalo sa iyo
Teddy bear, tsokolate, ‘pagkat ika’y aking gusto
Tinugtugan at kinantahan kita
Gusto mo ako at gusto na rin kita

4Lumipas ang mga taon at naging tayo ang dating ‘ikaw’ at ‘ako’
Madalas na magkausap sa lahat ng posibleng pagkakataon
Ilang pihit ng orasan ang siya nang nagdaan
At parang may nagbago sa ating pagmamahalan

5Iba’t ibang papel ang kinailangan kong gampanan
Na kinailangan kong unahin kaysa sa iyo
Naisip kong magbawas ng bitbit upang makalipad
At ikaw na nga’y binitawan ko

6Inibig kita nang lubos
Ngunit isang araw, bigla na lang natapos
Kukuha ako ng mga linya sa kanta
Upang maipahiwatig ang aking nadarama

7“Bakit pa ba nagawa
ko pang saktan ang isang tulad mo?”
Alam kong lahat ibinigay mo na
Bakit ka ba kasi nagmahal ng ‘gaya ko?

8Humihingi ako ng tawad sa ’yo
Para sa pananakit ng damdamin mo
Hindi ko pa kasi kayang
Ibigay ang lahat sa’yo

9“ 'Di ko kayang tanggapin
na mawawala ka na sa akin,”
mga katagang binanggit mo
nang ikaw ay iniwan ko

10Humingi ka ng isa pang pagkakataon
Sinabi mong “sana’y maaari pang ibalik ang kahapon”
Sinabi kong tama na, tapos na, wala na
Sinabi mong gusto mo pa, kaya mo pa, pwede pa ba?

11Ginawa ko lang ito
Para sa ikabubuti nating dalawa
Magiging maramot ako sa iyo
‘pagkat ayokong masaktan pa kita

12Isang araw, iniwan na kita
Alam kong may mas karapat-dapat sa’yo
Iyon ay hindi ako
Kaya kalimutan mo na ang dating tayo

Literary (Submission): Sa Dulo ng Walang Hanggan



“Lagi na lang umuulan, parang walang katapusan”

Bigat ng problema na aking pasan-pasan
Sa ilalim ng madilim na langit at pumapatak na ulan
Hindi ko isusuko ang alay sa minamahal
Sa halip, ang ginhawang nalalapit ang aking ipagdarasal

“Sa ating mga tampuhang walang hanggang katapusan”

Maliliit na away na ‘di mawakasan
Ito pa ba ang tatapos sa lahat ng ating pinagsamahan?
Problema’t lumbay ay ‘di maiiwasan
Sabay nating harapin at magkasamang solusyonan

“Tulad ng ilog na hindi tumitigil sa pag-agos, pag-ibig ‘di matatapos”

Pararaaning parang agos ang lahat ng bagay
Hindi magkikimkim ng kasawian sa buhay
Pagmamahalang wagas ang sa puso’y ilalagay
At ating mararating ang walang hanggang tunay

“Hanggang sa dulo ng ating walang hanggan”

Doon, ikaw ay aking sasamahan
Maglalakbay kung saan dalhin ng kapalaran
Dahil ang pag-ibig ko sayo’y walang katapusan
Hinding-hindi mauubos magpakailanman



Literary (Submission): .?!,…




(.)
Ang bawat salitang binibitiwan
Ay may kalakip na kapangyarihan
Maging mulat sa iyong kapaligiran
Pagka-Pilipino'y panindigan

(?)
Bakit ba ganito ang nangyayari sa'ting bayan
Unti-unting pinapatay ng kanyang mamamayan
Maging masusi, magtanong, at iyong pag-isipan
Ang bigat sa iyong likod ay nakapasan

(,)
Huminto, tingnan, balikan ang kasaysayan
Pag-isipan ang susunod na aksyong kinakailangan
Huwag magpadalos-dalos; tiyakin ang pamamaraan
Dahil isip, at hindi dahas, ang sandatang iyong panlaban

(...)
Hindi pa dito lahat magtatapos
Dahil hangga’t wala ang tuldok ay hindi pa ‘to tapos
Tayo ay lalaban kahit katawan ay nakagapos
Salitang makapangyarihan ang bubuhay sa pag-asang kapos

(!)
Lumaban para sa iyong bayang sinilangan
Ipahayag ang damdaming sumisigaw ng katarungan
Iwaksi ang kataksilan ng sariling pamunuan
At dulot na problema'y iyong solusyonan

Literary (Submission): Misteryosong Mundo




Dito sa mundong punong-puno ng misteryo
May hiwagang sa puso’y nagtatago
Kailangan lamang hanapin ang kandado
Sa puso ng iyong kapares, doon sa malayo

Ang pag-ibig na hinahanap, maaaring nariyan lang
Diyan sa iyong tabi na laging sinasandalan
O ‘di kaya nama’y sa ‘di kalayuan
Sa likod ng kalawakan ng sangkatauhan

Kung doon matatagpuan ang kapares ng iyong susi
Bakit ‘di pa maglakbay sa mga ulap na puti
Sumakay sa mga bitui’t tawirin ang langit
Lagpasan ang anumang kaharapin at hagupit

Sapagkat kung ika’y tunay na umiibig
Kakayani’t magtitiis para sa pusong pumipintig
Tutuklasin ang hiwaga’t misteryong bumabalot
Hahanapin ang pag-ibig nang hindi natatakot



Literary (Submission): Mister Yoso




Mister Yoso ang aking ngalan
Mag-ingat sa taglay kong kagwapuhan
Baka mabighani’t mahulog ka niyan
Masasabi mo na lang, “You’re the man.”

Oh yes, of course, I am the man
Misteryoso parang si Superman
Di ko man kayang liparin ang kalawakan
Kaya kitang dalhin sa dulo ng walang hanggan

Kung ako ang pipiliin, di ka magsisisi
Daig ko pa si Batman ‘pag malalim ang gabi
Sa dilim man ako’y ‘di mo makita
Humanda ka na lamang sa pag-ibig na madarama

Teka lang naman, baka ako’y pinagdududahan
Maniwala ka’t ako’y tulad ni Spiderman
Babalutin ka ng sapot hanggang sa maging akin
At mangangakong ikaw lang ang iibigin

Kaya miss, baka naman ako’y mapagbibigyan
Pumayag kang maging aking Wonder Woman
Tayo’y lilipad sa lawak ng kalawakan
At doon makikilala ang aking misteryosong katauhan