literary,

Literary: Sagutin Mo Nga x Ano Nga Ba?

4/23/2018 08:04:00 PM Media Center 0 Comments




Sagutin Mo Nga

Sagutin mo nga ang mga tanong ko
Bakit di pa rin maunlad ang ating lipunan?
Bakit puno ng pangako na walang katuparan?
Bakit sarili lang ang inaatupag at hindi ang bayan?

Sagutin mo nga ang mga tanong ko
Bakit mapanganib ang mga lansangan?
Bakit may mga pulis na kinikitil ang kabataan?
Bakit milyon-milyon ang lubog sa buhay ng kahirapan?

Sagutin mo nga ang mga tanong ko
Bakit ang bilis kumalat ng balitang walang katotohanan?
Bakit kay raming Pilipino ang naniniwala naman?
Bakit simpleng kasinungalingan ng tao’y di malagpasan?

Masasagot mo ba ang mga tanong ko?
Kung masagot man o hindi, hindi iyon ang mahalaga
Mainam ang mamulat ka’t kumilos sa lahat ng kaganapan
Sa bansa nating kinakaladkad sa dumi ng mga nasa kapangyarihan.




Ano Nga Ba?

Ano nga ba ang sagot
Sa hustisyang di makamit?
Sa mga tanong ng naghihinagpis na pamilya,
ng mga walang kamuwang-muwang na biktima?

Ilang beses nang nakikita’t nababalitaan,
Mga taong di makatao
Na punong-puno ng kasinungalingan
Na ang bukambibig, tayo raw ay poprotektahan

Babaguhin daw ang Pilipinas,
Pero ang ugat ng problema’y di nila tinitingnan
Puro sanga lang ang kanilang inaasikaso
Kaya siguro di tumitigil ang paghihirap na nilalabanan

Minsan di ko na rin alam
Kung ang mga alagad ng batas ay aking matatakbuhan
‘Pagkat sangkot sa krime’t katiwalian
Silang mga tagapagtanggol pa ang sanhi ng kasamaan.

Mga taong dati’y naninilbihan
Na dati’y atin nang naparusahan
Bigla na lang pinabalik sa puwesto
Kahit pa alam na natin ang katotohanan

Ano nga ba ang sagot
Bakit ba tayo nahihirapan
Na ilabas ang katotohanan
Mula sa bibig ng mga kabataang nais lumaban?

Ano nga ba ang sagot
Sino nga ba ang may kasalanan
Silang dati nang nanlapastangan sa bayan
O tayo na pinipiling sila’y muling maghari-harian?

You Might Also Like

0 comments: