future,

Literary: Sa Ngayon x Sa Hinaharap

4/23/2018 08:13:00 PM Media Center 0 Comments




Sa Ngayon

Mabait. Matalino. Nakakatawa. Matapang.

Noong gabing iyon, 'yan ang sinabi mong dahilan kung bakit ako ang gusto mo nang maglaro tayong magkakaibigan. Bawal magsinungaling. Puro katotohanan lamang ang sasabihin.

Kung tutuusin, puwede ka namang magsinungaling. Huwag ka lang magpapahalata. Kaya hindi ko alam kung bakit mas pinili mo ang magsabi ng totoo.

Oo, matagal ko nang naririnig-rinig 'yan. Ako nga raw ang gusto mo. Sa mga hirit pa lang ng mga kaklase natin, magkasabay lang sa pagpasok sa pinto o sa pila sa canteen o kaya kapag naging magkagrupo, wala nang tatahimik kasi lahat mangangantiyaw.

Sa totoo lang, nagpapasalamat nga ako sa 'yo dahil hindi ko akalaing may magkakagusto pala sa akin. Masyado yata akong seryoso sa buhay kahit na madalas din akong magpatawa. Kahit minsan lang ako humirit, benta pa rin sa 'yo ang mga 'yon. Saka para sa akin, masyado akong pokus sa pag-aaral para maging proud sa akin sina Mama.

Alam mo ba noong gabi ring iyon? Noon ko lang napatunayan na duwag pala ako. Kahit maraming nagsasabi na ako ang pinakamatapang sa ating magkakaibigan. Kahit na sa tingin ko, ako nga ang pinakamatapang sa ating barkada. Kahit na bilib na bilib ang pamilya ko sa akin dahil sa katapangang mayroon ako. Pero hindi pala.

Dahil pagkatapos mong sabihin ang mga salitang 'yon, nawala ang lahat ng tapang sa katawan ko. Noon ko lang kasi naramdaman 'yon. Hindi dahil sa bago siya sa pakiramdam. Pero dahil ganoon pala ang pakiramdam kapag gusto ka rin ng taong matagal mo nang gusto mo.

Natakot yata ako. Kakaiba ‘yung pakiramdam, parang hindi totoo at parang hindi pa dapat nararamdaman sa panahon ngayon. Pakiramdam ko, masyado pa akong bata para sa mga ganito. Parang hindi pa tama sa ngayon.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin kaya naman sa ngayon, hindi ko pa yata kayang hawakan ang iyong mga kamay. Baka bigla ko itong mabitawan at masaktan ka lang.

Sa ngayon, hindi ko pa yata kayang pagmasdan ang iyong bilugang mukha. Sa kagustuhan kong makita ito sa araw-araw, baka ito'y aking pagsawaan.

Sa ngayon, hindi ko pa yata kayang makipagtitigan sa maliliit mong mata. Baka mawala ako sa ganda ng kulay ng mga ito.

Sa ngayon, hindi ko pa yata kayang marinig ang iyong mga halakhak kapag tayo lang ang magkasama. Baka pag ika'y nawala sa aking tabi, ito'y aking hanap-hanapin.

Kaya naman sana'y maintindihan mo na sana'y huwag muna ngayon. Pasensya na dahil hindi pa yata ako handa.


Sa Hinaharap

Alam ko.

Alam ko namang hindi ka pa handa. Hindi ikaw ‘yung tipo ng tao na naghahanap ng makakasama sa pang-araw-araw at kausap gabi-gabi. Hindi ikaw ‘yung tipo na naghahanap ng kahawak-kamay o kaya kayakap tuwing malungkot. Para sa 'yo, masyado pang maaga para sa ganoong mga bagay. Naiintindihan kita. Pasensya ka na at pinag-isip pa kita ng ganoon.

Alam ko namang alam mo na ang nararamdaman ko bago ko pa man aminin sa 'yo. Talino mo nga naman kasi. Napansin ko ‘yun noong nagsimula ka nang lumayo sa akin. Nagsimula ka nang mailang. Kapag nagkikita tayo sa hallway o kaya sa library, wala man lang "hi" at "hello." Ni hindi mo na nga ako nagagawang ngitian. Kung dati, nagkakausap pa tayo tungkol sa kung ano-ano, ngayon, hindi na. Pasensya ka na at hindi ko naman alam na maiilang ka.

Alam ko naman na ang pokus mo ngayon ay nasa pag-aaral mo. Gusto mo na balang araw ay maging isa kang matagumpay na businessman. Sinabi mo pa nga sa akin dati na kapag nagtagumpay ka na, mabibili mo na ang lahat ng gusto mo at gagawin mo ang lahat para maabot ang pangarap na iyon. Sinabi mo rin sa akin na hindi mo muna iintindihin ang pagkakaroon ng relasyon para ang atensyon mo ay nasa pangarap mo lang. Pasensya ka na at nabagabag pa kita.

Pasensya na.

Pasensya na at masyado kitang pinahalagahan. Tuwing nakikita kasi kita, kahit hindi mo ako tinitingnan, natutuwa na ang puso ko. Lalo na pag nakangiti ka kasi alam kong masaya ka. Kapag wala akong tulog, tatambay sa library para gumawa ng requirements at makikita kitang nakatawa at kasama ang barkada mo, kahit pagod, napapangiti na lang ako. Iniisip ko, kung kaya mo, kaya ko rin.

Pasensya na at marami ako masyadong alaalang itinago. Malinaw silang lahat sa utak ko. Naaalala ko pa ang mga biro mo sa klase, ang tawag mo sa akin noong Grade 9 tayo, ang paborito mong pagkain. Naaalala ko ang taas ng boses mo noong elementarya at kung paano ka umiyak noong monologue ko sa English. Masyadong kang malinaw sa aking isip na para bang nananahan ka na roon.

Pasensya na at ang dami kong rason para magustuhan ka. Nahalina kasi ako sa pagkatao mo at napakarami nating alaala nang magkasama. Napasaya at napapasaya mo ako sa napakaraming paraan at kahit hindi na tayo nagpapansinan, palagi pa rin kitang iniisip.

Pasensya na sa abala. Sa hinaharap, kalilimutan na kita.

You Might Also Like

0 comments: