filipino,

Literary: Bakit ba Magkaibigan Tayo?

4/28/2018 09:13:00 PM Media Center 0 Comments






Parati mong tinatanong sa akin: “Bakit ba magkaibigan tayo?” Kahit na madalas ay pabiro ang tanong na ito, di ko pa rin maiwasang isipin, bakit nga ba? Sa totoo lang, di ko rin alam.

Noon kasi ay ayaw natin sa isa’t isa. Ikaw, naaartehan sa akin, ako, natatarayan sa iyo. Noon, hindi natin nais mag-usap. Magkaiba kasi ang mga kaibigan natin noon. Di nababagay na magsama-sama dahil sa pagkakaiba.

Ang laki ng diperensya natin sa isa’t isa. Mas marami pa yata tayong malilistang pagkakaiba kaysa sa pagkakapareho sa pagitan nating dalawa.

Ikaw ang kaibigang malaanghel kung kumanta, ako naman ‘yung kaibigang panira na parang basag na plaka ang tunog. Pang-beauty queen ang ganda mo, ako exotic beauty lang. Kikay ka, tomboyin ako. Ikaw sa ating dalawa ang kaibigan na magaling sa larangan ng sining, ako sa akademiko. Magaling kang makipag-socialize, pero ako takot sa tao. Di ako marunong lumaban, pero ikaw napakaprangka mo.

O, di ba, magkataliwas na magkataliwas tayo?

Tunay na nakapagtataka ang balak ng tadhana.

Dalawang persona, nagkasama at nagkasundo sa kabila ng kanilang pagkakaiba. Tunay nga ang kasabihang “Opposites attract.”

Pero kahit bilangin natin ang napakahabang listahan ng ating pagkakaiba, hindi ito nagiging hadlang upang tayo’y maging magkaibigan. Di natin maikakaila na halos hindi tayo mapaghiwalay. Noon, kahit di tayo magkita nang dalawang buwan, okey lang. Pero ngayon, kapag hindi tayo nakapag-usap nang buong araw, miss na miss na natin ang isa’t isa. Alam natin ang lahat tungkol sa isa’t isa, walang sikretong di natin alam tungkol sa buhay natin sa loob at labas ng paaralan. Tayo ang sandalan ng isa’t isa sa oras ng madidilim na sandali at tayo ang magkasama sa maliligayang kabanata ng nobela ng ating buhay.

Ikaw ang pinakamatalik kong kaibigan, ang kapatid ko mula sa ibang ina, ang soulmate ko, ang bumubuo sa mga patlang ng kulang-kulang kong pagkatao. Kung hindi dahil sa ’yo, hindi ko magagawang maging sino man ako ngayon. Ikaw ang nagturo sa akin na kahit ang imposible ay puwedeng mangyari, na kung gusto’y parating may paraan, na kung maniniwala lang tayo sa sarili natin ay magkakatotoo ang ating pangarap. Naging mas mabuting tao ako nang dahil sa ’yo.

Hindi man natin alam ang dahilan ng pagsisimula ng pagkakaibigang ito, ipinapangako kong di ako bibitaw, sapagkat mas mahalaga ang dahilan para manatili. Walang tamang rason kung bakit kita naging kaibigan. At lalong walang sapat na dahilan upang ika’y aking iwanan.

You Might Also Like

0 comments: