filipino,

Literary: Checklist

4/28/2018 08:15:00 PM Media Center 0 Comments





Subject: Ayaw Ko Na     Kaya Ko Pa


          ¨  Gumawa ng sining 
Iba’t ibang kulay
Na ipinahid sa tela.
Paunti-unting nauumay,
Dahil ang larawa’y laging matamlay.

Ngunit ang natutuyong pinsel
Ay patuloy sa paghagod sa papel.
Likha’y magagandang larawan,
Na nais makatulong sa karamihan.


          ¨  Masaktan
Makirot na mga binti’t daliri,
Mga nangangalay na braso,
At namamagang mga mata.
Paulit-ulit sa isip: “Ayaw ko na.”

Naninikip na dibdib,
Sa bawat paghinga, nadarama’y sakit.
Gayunman, ako’y nagpapasalamat
Dahil ang hapdi’y paalala na ako’y nandito pa.


          ¨  Makihalubilo 
Mga kuwentuhan at biruan
Kasama ng mapait na kape
Puno ng mararahas na katotohanan
At minsa’y magagandang kasinungalingan.

Mas ninanais ang matalas na katotohanan,
Na hinaharap kasama ang mga kaibigan
Dahil sabay-sabay matututunan,
Ang kaibhan ng malinis at marungis na katauhan.


          ¨  Umiyak
Pagod na sa pagbuhos ng luha
Na parang bagyong di na titila.
Sawa nang marinig ang bawat hikbi
Na hindi maiwasang lumabas sa labi.

Pero ang bawat luha’y iba-iba:
May malungkot, takot, at masaya.
Kaya di magsasawa sa luhang di humuhupa,
Dahil nailalabas ko ang mga di mabigkas na salita.


          ¨  Maging mabait 
Lagi na lang may suot na maskara:
Ang masaya o maunawain—wala nang iba.
Laging hihingi ng tawad ngunit walang uunawa.
Di ba’t nakakapagod din ang ngumiti at tumawa?

Ngunit sa mundong marahas at madilim,
Kailangan ng kabutihan at pag-unawa.
Kaya nangangakong hinding-hindi magsasawa
Piliin ang pag-intindi’t paggawa ng tama.

You Might Also Like

0 comments: