AMY,

Literary: Bakit Meal

4/28/2018 08:56:00 PM Media Center 0 Comments






Ano kaya ang magandang bilhin?
‘Yung nakakabusog sigurong kainin
O ‘yung matagal ko nang inaasam?
Di ko malaman, kay raming pagpipilian

Mahaba pa ang pila
Bakit parating mayayaman ang nauuna
Kay tagal ko ring nakatunganga
Pero pagkalipas ng ilang minuto ay ako na

Kunin ko kaya ang fried chicken?
‘Yung may kasamang kanin
Tiyak na hindi mabibitin
Pero hindi ko kayang ubusin

Kukunin ko na sana
Biglang sabi ng kahera
Na ang bigas nila'y naubos na
Kaya pipili na lang ng iba

Puwede rin namang burger
May gulay na mabuti para sa katawan
Kasama ang malaman na karneng baka
Ngunit di naman masarap ang lasa

Bibilhin ko na
Kaso pagkakita ko sa paghanda
Ang tinapay ay inaamag na
Di na lang ito baka ako'y masuka

French fries kaya?
Para hindi mabigat sa bulsa
Mainit-init at alat ay nanunuot
Kaso ang dami’y kakarampot

Papatusin ko na sana ito
Pero nakita ko
Ang kanilang pinagkukuhanan
Ang tira ng mga taong nagdaan

Bakit hindi na lang ice cream?
Para mawala ang init na nararamdaman
Gusto ko rin ng matamis na malalasahan
Kaso kulang para sa aking tiyan

Ito na nga ang kukunin
Kanina pa ako nakatayo’t nag-iisip
Pero di pa rin nakakabili
Bakit maruming tubig ang ginamit?

Bakit ba kumakain ang mga tao rito
Maruming kapaligiran
At pagkain minamaltrato
Pero wala na talagang mapuntahan

Kaunti lang ang pera ng mga tao
Karamihan, walang trabaho
Kaya napipilitang bumili ng mura
Kahit nakakasira ng bituka

Sa lalim ng pinag-iisipan
Di ko napansin ang mga tao sa likod na nagsisigawan
A, alam ko na! Bakit di na lang lahat kunin para walang sisihan
“Isa nga pong bucket meal!”

Sa wakas makakakain na rin ako
Kanina pa kumukulo ang aking sikmura
Pagbukas ko sa aking pitaka
Ang tanging lumabas ay isang gamugamo

You Might Also Like

0 comments: