julius guevarra,

Sports: UPIS Fencing Team, nakipagsagupaan sa UAAP Season 80

4/19/2018 09:21:00 PM Media Center 0 Comments


KAHANGA-HANGA. Buong giting na nakikipagtuos ang miyembro ng UPIS Fencing Team na si Rad Pascual sa kalabang Ateneo de Manila High School. Photo credit: Raymund Creencia


Malungkot ngunit nakangiti pa ring tinanggap ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) Fencing Team ang sunod-sunod na pagkatalo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 80 Junior Fencing Tournament na ginanap sa PhilSports Complex, Pasig City noong Pebrero 8 hanggang 11.

Nakipagtunggali sina Lorenzo Bautista at Raymund Creencia ng UPIS sa unang araw sa kategoryang individual epee. Agad na na-eliminate si L. Bautista sa poules, habang pumasok sa direct eliminations si Creencia. Ngunit nabigo siya sa kanyang unang duwelo kontra kay Joshua Dayro ng Far Eastern University (FEU) Diliman – FERN College sa iskor na 15-10.

Sa individual foil match noong Pebrero 9, sumabak si Rad Pascual ng UPIS pero nalaglag sa poules. Nakalusot naman si L. Bautista sa direct eliminations at napataob ang unang kaduwelo na si Darylle Lumahan ng FEU-FERN. Pero pinatumba siya ng kasunod na kalabang si Prince John Felipe ng University of the East (UE).

Pinilit muling makipagsabayan ng UPIS sa team epee match naman noong Pebrero 10 kontra sa Ateneo de Manila High School kahit na isa pa sa mga kalaban ay miyembro ng Philippine National Team, si Jian Bautista. Nakapagtala ng 11 puntos si L. Bautista, malaking porsyento sa kabuuang iskor ng koponan, ngunit kinalaunan ay inararo sila ng matitinding opensa ng Blue Eaglets.

Hindi sila nakahabol ng mga kasamang sina Pascual, Creencia, at Craig Aquino sa sunod-sunod at walang palyang pagpuntos ng katunggali. Sa huli, wagi ang Blue Eaglets, 45-16, tambak ang Junior Maroons.

Madilim ang laban noon para kay L. Bautista na nakaranas ng ilang problema sa kalagitnaan ng laro makaraang ilang ulit na hindi pumasa sa weapon standards check ang kanyang kagamitan.

Kinabukasan, sa team foil match, naunahan naman ni Marius Barcenas ng Junior Maroons ang kalabang FEU-FERN anchor na si Jordan Lee bago pa ito makabawi, 5-2. Mabilis namang sinalakay ni L. Bautista ang score board, 10-8, sa pamamagitan ng matutulin niyang opensa at depensa.

Nag-init din sina Pascual at Aldrien Arevalo upang iangat ang marka ng pangkat ngunit di naging sapat para ungusan ang kalaban. Bigo ang UPIS sa iskor na 45-23.

"Medyo frustrated ako kasi last year na namin ito at feeling ko I wasn't able to perform as well as I was supposed to. Feeling ko parang medyo na-let down ko ‘yung mga kasama ko, pero the best I can do is to look forward and [improve] myself," sabi ni Pascual.

Kahit na kulang sa suporta, sinikap pa rin ng Junior Maroons na makapag-uwi sana ng medalya para sa eskuwelahan. Naging masakit sa kalooban ng seniors na mula sa Grado 12 ng UPIS ang pagkatalo lalo’t huling taon na nila ito sa high school division.

Kasalukuyang binubuo ang grupo ng walong miyembro lamang na sina L. Bautista, Pascual, at Creencia ng Grado 12, sina Aquino, Francis Eloriaga, at Max Salvador ng Grado 11, si Barcenas ng Grado 9, at si Arevalo naman ng Grado 8 sa pamamatnubay ni Coach Igi Cui, dating miyembro ng University of the Philippines (UP) Fencing Team. Anim sa kanila ang nakipagduwelo sa season na ito ng UAAP.

Humihingi ng suporta sa lahat ang fencing team upang magkaroon ito ng sapat na miyembro at mga gamit sa pag-eensayo nang sa gayon ay makilala bilang lehitimong varsity team ng UPIS at makakuha ng mga benepisyo mula rito.//nina Ronnie Bawa Jr. at Julius Guevarra Jr.

You Might Also Like

0 comments: